A timeline: Vhong Navarro vs Cedric Lee, Deniece Cornejo legal battle

by The PEP News Team
Aug 9, 2018
Vhong Navarro and the group of Cedric Lee and Deniece Cornejo are equally determined to prove their innocence of the charges each leveled against the other in the courts. In this story, the Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) lists the series of events that led to the continuing courtroom drama—from the very first time the litigants met in 2011 up to the July 27, 2018 court ruling where Cedric, Deniece, and Jed Fernandez were found guilty of grave coercion.
PHOTO/S: Jeremiah Idanan

Nauwi ang simpleng pagkikita nina Vhong Navarro at Deniece Cornejo sa isang matinding legal battle na kinahaharap nila ngayon.

Ang reklamo ni Vhong: Siya ay piniringan, ginapos, binusalan ang bibig, at pinagbubugbog sa loob ng condominium unit ni Deniece.

Sangkot dito ang grupo nina Cedric Lee, Bernice Lee, Simeon "Zimmer" Palma Raz Jr., Jose Paolo "JP" Calma, Sajed "Jed" Fernandez Abuhijleh, at Ferdinand Guerrero—na itinuturo ni Vhong na gumapos, bumugbog, nanakot, at nagtangkang manguwarta sa kanya.

Ang reklamo ni Deniece: Siya ay ginahasa ni Vhong, ngunit nakaligtas dahil sa tulong ng kanyang mga kaibigang pumigil sa karahasang ginawa ng actor-TV host.

Nakasuhan ang grupo nina Cedric at Deniece ng serious illegal detention at grave coercion noong 2014.

Nitong July 27, 2018—o apat na taon at kalahati mula nang mangyari ang insidente—hinatulang guilty sa kasong grave coercion sina Cedric, Jed, at Deniece ng Taguig City Metropolitan Trial Court.

Samantala, patuloy pa rin ang pagdinig sa serious illegal detention case ng grupo nina Cedric at Deniece.

Para sa kaalaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment) readers, tinipon namin ang mga petsa at mahahalagang pangyayari base sa mga resolusyon ng korte, sinumpaang salaysay, at mga panayam ng mga sangkot sa isyu.

Nasubaybayan din sa PEP.ph, iba pang online news sites, mga pahayagan, at television newscast ang pag-usad ng kaso mula nang pumutok ang isyu noong January 2014.

Nailathala sa March 2014 issue ng YES! Magazine ang buong sinumpaang salaysay nina Vhong, Deniece, at Cedric na nagdetalye ng kani-kanilang bersiyon ng pangyayari noong gabi ng January 22, sa Forbeswood Heights Condominium, Taguig City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

2011: FIRST MEETING

Sa product launch ng isang kilalang shoe brand sa Glorietta unang nagkakilala sina Deniece at Vhong.

Ayon kay Deniece, namimili siya noon ng sapatos para sa kanyang mga kapatid na lalaki nang mapansing nakatitig sa kanya at biglang tinuran ni Vhong, "Ang ganda talaga…"

Nakuha raw ni Vhong ang kanyang mobile number mula sa isang staff na nanghingi ng contact details ni Deniece noong mismong event.

Ilang araw ang lumipas bago siya tinawagan ni Vhong na nakikipagkaibigan sa kanya.

Mula noon ay madalas daw siya nitong kumustahin sa pamamagitan ng pagpapadala ng text messages at pag-follow sa Facebook fan page niya.

Tugma ito sa kuwento ni Vhong na una niyang nakita si Deniece sa isang shoe store, kung saan hiningi niya ang numero ng dalaga.

Inamin din niyang nagkapalitan sila ng mga mensahe ni Deniece via text messaging at Facebook noon.

Ngunit matagal ding natigil ang kanilang komunikasyon.

2013: TURNED-DOWN INVITATIONS

Bago magtapos ang 2013 ay muling nanumbalik ang komunikasyon sa pagitan nina Deniece at Vhong sa pamamagitan ng Viber.

Ayon kay Deniece, panay ang kulit sa kanya ni Vhong sa Viber at Facebook na kumain sila sa labas.

Ngunit ilang beses daw tinanggihan ng dalaga si Vhong, at palaging idinadahilan ang kanyang pagiging abala sa trabaho.

JANUARY 17, 2014 MEET-UP: DENIECE’S VERSION

Kinalaunan ay naging palagay na ang loob ni Deniece kay Vhong, kaya pumayag siyang makipagkita rito noong gabi ng January 17.

Pumayag si Deniece na papuntahin si Vhong sa kanyang condo unit sa Forbeswood Heights Condominium upang makaiwas sa tsismis, gawa ng “celebrity status” nito.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Kampante rin daw ang dalaga na patuluyin si Vhong dahil inaasahan niyang sasamahan sila ng kanyang kaibigang babae.

Ayon pa rin sa sinumpaang salaysay ni Deniece, siya mismo ang sumalubong kay Vhong sa lobby ng condo at sabay silang pumanhik sa kanyang unit.

Pumuwesto raw sa sofa si Vhong habang si Deniece naman ay nagtungo sa kanyang study table at nagtapos ng trabaho gamit ang kanyang laptop.

Hindi sila gaanong nakapagkuwentuhan kaya biniro siya ni Vhong at sinabing, “Ano ba ‘yan, magkikita tayo tapos trabaho nang trabaho. Hindi ka nag-e-entertain ah.”

Sumagot daw si Deniece at sinabing hinihintay pa niya ang pagdating ng kanyang kaibigan bago sila sama-samang mag-“hang out.”

Sa huli, nagpasya si Deniece na pauwiin na lamang si Vhong, matapos tumawag ang kanyang kaibigan at sinabing hindi na ito makakapunta sa condo.

JANUARY 17, 2014 MEET-UP: VHONG’S VERSION

Sa sinumpaang salaysay ni Vhong, idinetalye niyang may namagitang intimate moment sa pagitan nila ni Deniece noong gabi ng January 17.

Una ay uminom daw sila ng isang boteng white wine sa sala ng condo unit ng dalaga.

Pagkatapos ay nagsimula silang “nagkulitan” sa sofa at saka itinuloy ang kanilang intimate moment sa kama ni Deniece.

Ngunit nilinaw ni Vhong na hindi all-the-way ang nangyaring “kulitan” sa pagitan nila ni Deniece, hanggang sa nagpasya siyang umalis ng condo unit ng dalaga bandang 1:30 a.m. ng ika-18 ng Enero 2014.

Bandang 2:35 a.m., nakatanggap daw si Vhong ng tawag sa telepono mula kay Deniece.

Nasundan pa ito ng isang text message, kung saan tinawag ni Deniece na “Sweetie” si Vhong at malambing na nangungulit na magkita silang muli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

JANUARY 22, 2014 INCIDENT: VHONG’S VERSION

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Vhong, 10:45 p.m. ng January 22 nang dumating siya sa Forbeswood Heights Condominium sa Taguig City.

Ito ang petsa kung kailan napagkasundahan nilang bibisatahin niya si Deniece sa condo nito.

Noong gabing iyon ay galing si Vhong sa isang restaurant sa The Fort, Taguig City at may dala pang take-out food para sa dalaga.

Base sa instruction ni Deniece, diretsong nagtungo si Vhong sa unit nito sa second floor ng Forbeswood Heights Condominium.

Nagkasalubong daw sila sa may bandang elevator sa second floor ng condo, kung saan sinabi ni Deniece: “Ginulat mo naman ako, hindi pa ako nakakapaglinis.”

Sabay na pumasok sina Vhong at Deniece sa loob ng unit ng dalaga.

Ilang saglit lang pagkatapos ilapag ni Vhong sa mesa ang dala niyang pagkain, napansin ng actor-TV host na lumabas ng condo unit si Deniece.

Pagkatapos ay laking-gulat ni Vhong nang bigla na lang may lumabas na dalawang lalaki mula sa kuwarto ni Deniece.

Sa puntong ito, tinutukan ng baril, piniringan, ginapos, pinagsusuntok, at pinagsisipa si Vhong ng dalawang lalaki.

Maya-maya pa ay may dumating pang ibang kalalakihan na tumulong sa paggulpi kay Vhong.

Kuwento pa ni Vhong, hinubad ng mga ito ang pang-ibaba niyang kasuotan at kinunan ng video ang maselang bahagi ng kanyang katawan.

Tinutukan siya umano ng baril habang pilit pinasasabi sa kanya sa harap ng camera ang mga katagang, “Ako si Vhong Navarro, ni-rape ko ang kaibigan ko.”

Walang nagawa si Vhong kundi sundin ang ipinag-uutos ng mga lalaking gumulpi sa kanya.

Ito ay sa kadahilanang pinagbantaan daw ng mga ito na papatayin siya at ang kanyang pamilya.

Pilit din umanong pinagbabayad si Vhong ng malaking halaga “para sa damage ko raw kay Deniece.”


JANUARY 22, 2014 INCIDENT: DENIECE’S VERSION

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Deniece, kampante siyang papuntahin si Vhong sa kanyang condo unit noong gabi ng January 22.

Ito ay sa kadahilanang inaasahan niya ang pagdating ng iba pang kaibigan na nakatakda niyang kitain noong gabi ring iyon.

Pagdating ni Vhong sa kanyang unit, nagtungo si Deniece sa kusina upang iligpit ang kanyang pinagkainan.

Sinundan daw siya ng actor-TV host, lumapit sa tabi niya, at hinaplos-haplos ang kanyang buhok, likod, at braso.

Nakaramdam ng pagkailang si Deniece kaya sinaway niya si Vhong at sinabing: “Kuya, ayaw ko. Sorry hindi ko talaga ito magagawa.”

Sa puntong iyon ay ginamitan umano siya ng lakas ni Vhong, puwersahang kinaladkad papuntang sofa sa may sala, at sinimula umanong gahasain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pilit na nanlaban si Deniece kaya saglit siyang nakawala at nakatakbo papunta ng kanyang kuwarto.

Ngunit mabilis daw siyang nasundan ni Vhong at pinagsamantalahan.

Ilang sandali pa ay dumating ang mga kaibigan ni Deniece at nadatnan daw ang ginagawang karahasan ni Vhong.

Sa tulong ng mga ito ay nakawala si Deniece mula sa pagkakadagan ni Vhong.

Agad daw tumakbo ang dalaga papunta sa kaibigan niyang babae na kasamang nagbigay ng saklolo sa kanya.

Bagamat hysterical siya noong una, nang kumalma si Deniece ay nagpasya siyang dalhin nila si Vhong sa presinto, upang ipa-blotter ang panghahalay na ginawa nito sa kanya.


JANUARY 23 TO FEBRUARY 6, 2014

Ito ang itinagal ni Vhong sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, kung saan siya na-confine matapos ang pambubugbog na sinapit sa grupo nina Cedric at Deniece.

Bukod sa tinamong mga sugat, sumailalim din si Vhong sa therapy matapos siyang ma-diagnose ng isang pyschiatrist ng pagkakaroon ng Post Traumatic Stress Disorder (PSTD).

Sanhi ito ng “physical, emotional, psychological, and social trauma” ni Vhong dahil sa insidente, ayon sa testimoniya ng psychiatrist na tumingin sa aktor.

Base ito sa nakuha ng PEP.ph na kopya ng desisyon ng Taguig MTC, na may petsang July 27, 2018, sa kasong grave coercion ng grupo nina Cedric at Deniece.

JANUARY 24, 2014 NEWS BREAKOUT

Unang lumabas sa media noong January 24, 2014 ang balitang naka-confine si Vhong sa ospital matapos siyang gulpuhin ng anim na kalalakihan sa isang condo sa The Fort, Taguig City.

Ngunit hindi pinangalanan ng talent manager ni Vhong, si Direk Chito Roño, kung sino ang mga suspect sa pambubugbog sa actor-host.

Tumanggi ring magbigay ng iba pang detalye si Direk Chito kung bakit sinapit iyon ni Vhong.


JANUARY 25, 2014: THE POLICE BLOTTER ENTRY

January 25 naing maiulat sa prime time newscast ng GMA Network na 24 Oras ang tungkol sa police blotter, kung saan nakasaad ang attempted rape complaint ng isang 22-year-old na estudyante laban kay Vhong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang kabuuan ng blotter report ay nailathala sa YES! Magazine March 2014 issue.

Dito pinangalanan ni Deniece sina Cedric Lee at Bernice Lee bilang mga kaibigan niyang tumulong sa pagsagawa ng “citizen arrest” laban kay Vhong.

Nadatnan diumano nina Cedric at Berniece na tangkang gagahasain ni Vhong si Deniece, na pilit umanong nanlaban sa aktor.

Sa kabila nito, nakasaad din sa police blotter na hindi interesado si Deniece na magsampa ng reklamo laban kay Vhong.

JANUARY 26, 2014: VHONG NAMES ASSAILANTS

Sa ulat ng PEP.ph noong January 26, kinumpirma ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga na totoong ipina-blotter si Vhong ng isang 22-year-old complainant.

Ngunit nilinaw ng abugada na pawang kasinungalingan ang alegasyong panggagahasa laban sa actor-TV host.

January 26 din nang unang isiniwalat ni Vhong—sa isang taped interview ng Buzz Ng Bayan—kung ano ang kuwento sa likod ng nangyaring pambubugbog sa kanya noong gabi ng January 22.

Dito unang pinangalanan ni Vhong sina Deniece Cornejo at Cedric Lee na siyang may pakana ng nangyaring karahasan sa kanya.


JANUARY 27, 2014: DENIECE, CEDRIC BELIE VHONG’S STORY

Isang araw pagkatapos ng rebelasyon ni Vhong sa Buzz Ng Bayan, lumantad si Deniece Cornejo sa publiko at nagpaunlak ng panayam sa iba’t ibang media outfit.

Ibinahagi niya na parang kapatid ang turing niya sa actor-host, kaya sobra raw siyang nasaktan sa ginawa nitong tangkang panghahalay sa kanya.

Maging si Cedric Lee ay nagpaunlak ng panayam sa media upang bigyang-linaw ang pagkakasangkot niya sa pambubugbog kay Vhong.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph, sinabi ni Cedric na si Vhong ang nagmakaawa kay Deniece na huwag magsampa ng reklamong rape dahil nais umanong protektahan ng actor-TV host ang pamilya at showbiz career nito.

Ani Cedric, "Ngayon, siya pa ang lumabas, binaligtad pa kami..."

Dito rin nilinaw ni Cedric na wala silang relasyon ni Deniece na higit pa sa pagiging magkaibigan.

Two years na silang magkaibigan ni Deniece, ngunit mas malapit daw ito sa kapatid niyang si Berniece, na four years nang kaibigan ng modelo.

Itinanggi rin ni Cedric na tinangka niyang pagkakuwartahan si Vhong.

Ayon kay Cedric, ang hinihingi niyang PHP1 million mula kay Vhong ay danyos para sa mga nasirang kagamitan sa condo ni Deniece.

Ito ay nang upakan daw ng kanyang grupo si Vhong, na diumano'y nahuli nilang ginagawan ng dahas si Deniece.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

JANUARY 28, 2014: VHONG'S MULTIPLE COMPLAINTS

Noong January 28, pormal na naghain sa DOJ ang kampo ni Vhong ng reklamong serious illegal detention, serious physical injuries, grave threat, grave coercion, at blackmail laban sa grupo nina Deniece at Cedric.

Sabi ni Atty. Mallonga, ang legal counsel ni Vhong: “The fact of the matter is that Vhong Navarro was illegally detained.

“I think he was tied up, and he was forced to go to a place he did not want to go.

"He was deprived of his liberty for that purpose, of doing the bidding of these people.

"We will not argue the legal merits, but in the meantime, the facts are clear."


JANUARY 29, 2014: DENIECE'S RAPE COMPLAINT & THE CCTV FOOTAGE

Noong January 29, nagtungo si Deniece Sa Taguig Prosecutor’s Office upang pormal na magsumite ng kanyang sinumpaang salaysay sa reklamong panggagahasa na isinampa niya laban kay Vhong.

Kasama ni Deniece ang kanyang legal counsel na si Atty. Howard Calleja.

Sa panayam ni Atty. Calleja sa Unang Balita, ang morning newscast ng GMA Network, ipinaliwanag ng abugado na maituturing na panggagahasa diumano ang ginawa ni Vhong sa kanyang kliyente.

Bagamat walang "penetration" na naganap sa pagitan nina Deniece at Vhong, malinaw na tumanggi umano ang dalaga sa pang-aabusong ginawa ng actor-TV host.


Sa kabilang banda, iprinisinta ng NBI ang nakalap na CCTV footage sa Forbeswood Heights Condominium noong gabi ng January 22, 2014.

Dito makikita na eksaktong 10:38 p.m. dumating sa lobby ng condo si Vhong hanggang sa pagsakay niya ng elevator patungong second floor kung saan naroon ang condo unit ni Deniece.

Tatlong minuto ang lumipas, eksaktong 10:41 p.m. dumating sa lobby ng condo si Cedric.

Sa pagitan ng 10:38 p.m. hanggang 11:14 p.m.—o sa loob ng 36 minutes—namataan si Deniece kasama ang grupo ni Cedric at kapatid nitong si Berniece hanggang sa dalhin nila ang nakagapos na si Vhong palabas ng condo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ayon sa NBI, kapansin-pansing lumabas ng condo ang nakagapos na si Vhong kasama sina Cedric, Deniece, Bernice, at limang kalalakihan.

Gayong tanging sina Cedric, Berniece, Deniece, Ferdinand, at alias Mike (na kinalaunan ay kinilala bilang si Jed Fernandez) ang makikita sa CCTV footage na pumasok ng lobby ng condo.

FEBRUARY 6, 2014: VHONG SUBMITS EVIDENCE

Noong February 6, personal na nagpunta si Vhong sa tanggapan ng DOJ.

Ito ay upang panumpaan at lagdaan ang kanyang supplemental affidavit kaugnay ng pambubugbog sa kanya sa Forbeswood Heights Condominium, Taguig City, noong January 22.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong lumabas si Vhong ng ospital mula nang siya ay mabugbog.

Kasama sa isinumite ni Vhong ang nakalap na CCTV footage ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa Forbeswood Heights Condominium.

Base rito, tinukoy ni Vhong ang mga sangkot sa pambubugbog sa kanya na sina Cedric, Deniece, Zimmer Raz, Ferdinand Guerrero, isang nagngangalang “Mike,” at dalawa pang di kilalang lalaki.

Pati na rin ang palitan ng text messages ni Vhong at Cedric, na may petsang January 23 at 24, ay isinumite ng actor-TV host.


FEBRUARY 13, 2014

Isinapubliko ng NBI ang CCTV footage kung saan makikitang hinalikan ni Cedric si Deniece sa leeg habang sakay ng elevator ng Forbeswood Heights Condominium.

Base sa ulat ng late-night newscast ng ABS-CBN na Bandila, kasama rin nina Cedric at Deniece sa loob ng elevator sina Berniece at dalawa pang lalaki.

Kuha raw ito pagbalik ng grupo nina Cedric at Deniece sa condo matapos ipa-blotter si Vhong sa Southern Police District.


FEBRUARY 14, 2014: DENIECE'S TPO PETITION

Hindi nakadalo si Deniece sa unang araw ng preliminary investigation ng DOJ noong February 14, kaugnay ng reklamong isinampa nila ni Vhong sa isa’t isa.

Inuna ni Deniece ang pagdinig ng Temporary Protection Order (TPO) na isinampa niya laban kay Vhong sa Taguig MTC.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ngunit ibinasura ng korte ang petition ni Deniece dahil ang sakop ng TPO ay iyong may relasyong pang mag-asawa o magkasintahan.

Ibinasura rin ng korte ang hiling ni Deniece na magkaroon ng gag order sa legal battle nila ni Vhong.

FEBRUARY 21, 2014: SECOND PRELIMINARY HEARING AT DOJ

Humarap ang grupo nina Deniece at Cedric sa DOJ noong February 21 para sa ikalawang araw ng preliminary investigation kaugnay ng nangyaring pambugbugbog kay Vhong.

Sinubukan ng kanilang grupo na humingi ng extension sa paghain ng kanilang counter-affidavit sa reklamong serious illegal detention, serious physical injuries, grave threat, grave coercion, at blackmail na isinampa ni Vhong sa kanila.

Ngunit iginiit ng DOJ na magsumite man sila o hindi ay "submitted for resolution" na ang reklamo laban sa grupo nina Cedric at Deniece.

Napilitan sina Cedric, Deniece, Zimmer, at Bernice na magsumite ng counter-affidavit, matapos ibasura ng prosecutors ang inihain nilang omnibus motion.

Sa panayam ng media, dismayado ang kanilang abugado na si Atty. Calleja sa umano'y panggigipit sa kanyang mga kliyente.

Kinuwestiyon din niya kung bakit tila ba national issue ang insidenteng kinasasangkutan ni Vhong at ng grupo ni Cedric at Deniece dahil "three-man team" pa ang panel ng prosecutors na naroon.

Dagdag ni Atty. Calleja, kuwestiyonable ang CCTV footage dahil hindi raw ito kumpleto at hindi maituturing na "unedited."


FEBRUARY 24, 2014: ALLEGED RAPE NOT ONCE, BUT TWICE

Noong February 24, naiulat sa ABS-CBN News Online ang bahagi ng counter-affidavit ni Deniece kung saan isiniwalat niyang hinalay siya ni Vhong sa dalawang magkaibang okasyon—noong gabi ng January 17 at January 22.

Taliwas ito sa naunang salaysay ni Deniece na "oral sex” lang ang nangyari sa kanila ni Vhong sa kanyang condo unit noong gabi ng January 17.

Pagkatapos makaalis ni Vhong sa kanyang condo unit noong January 17, isinumbong daw ni Deniece ang ginawang kahalayan ng actor-TV host kay Cedric.

Nag-offer daw si Cedric na tulungan siyang magsumbong sa awtoridad, ngunit masyado pa raw apektado ang dalaga sa ginawang karahasan sa kanya diumano ni Vhong.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa hiwalay na ulat ng GMA-7 prime time newscast na 24 Oras, umere ang bahagi ng counter-affidavit ni Cedric kung saan kinumpirma niyang humingi ng saklolo sa kanya si Deniece sa pamamagitan ng text message.

Nagtungo raw si Cedric sa condo unit ni Deniece at personal nitong isinalaysay ang tinamong karahasan diumano sa kamay ni Vhong.

Naiulat din ang salaysay ni Bernice tungkol sa insidente noong gabi ng January 22.

Nadatnan niya raw si Deniece sa Forbeswood Heights matapos ang insidenteng diumano'y panghahalay ni Vhong.

Si Deniece raw ang nagkuwento kay Bernice kung paano nahuli nina Cedric at Zimmer na nakapatong si Vhong sa modelo.

Sa hiwalay na salaysay ni Zimmer, inihayag niyang napilitan ang grupo nila nina Cedric na magsagawa ng "citizen arrest" kay Vhong na pilit umanong nanlaban upang takasan ang karahasang ginawa kay Deniece.


MARCH 6, 2014: VHONG’S PERJURY COMPLAINT

Sa Manila Prosecutor’s Office noong March 6, naghain si Vhong ng reklamong perjury laban kina Deniece Cornejo, Cedric Lee, Bernice Lee, JP Calma, at Simmer Raz.

Ang perjury o pagbigay ng false testimony sa isang kaso, ayon sa Article 183 ng Revised Penal Code of The Philippines, ay krimen na may karampatang penalty na pagkakakulong at multa na hindi lalampas ng P6,000.

Ito ay paraan umano ni Vhong upang proteksiyunan ang sarili laban sa kasinungalingan at paninira sa kanya ng grupo nina Cedric at Deniece.

Giit ni Vhong sa panayam ng PEP.ph, walang katotohanan ang alegasyong panggagahasa na ipinupukol sa kanya.


MARCH 7, 2014: DENIECE QUESTIONS CCTV FOOTAGE

Nanindigan si Deniece sa kanyang akusasyong biktima siya diumano ng panghahalay ni Vhong.

Kinuwestiyon din ni Deniece ang pagsapubliko ng NBI sa CCTV footage kung saan magkahalikan sina Deniece at Cedric sa loob ng elevator ng Forbeswood Heights matapos ipa-blotter si Vhong sa Southern Police District ng Fort Bonifacio, Taguig City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ani Deniece patungkol sa kanila ni Cedric, “We don’t have a relationship.”

Minanipula raw ang mga clips sa CCTV footage, 'tulad ng “paputol-putol” na bahagi, pati ang CCTV footage ng pagbisita ni Vhong sa kanyang condo unit noong January 17 at 22.

Sabi ni Deniece, "This goes to general. Advantage of having a lot of fans or supporters marami maniniwala sa 'yo.

“But the disadvantage of it, marami ka din naloloko/nalilinlang.

"At dadating sa point na hindi mo na din kilala sarili mo dahil nabubuhay ka sa panlilinlang.”


MARCH 9, 2014: VHONG’S COMEBACK ON IT'S SHOWTIME

March 9 nang magbalik-trabaho si Vhong bilang co-host ng ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.

Bagamat aminadong na-trauma sa kinasangkutang insidente, inihayag ni Vhong na bukod sa kanyang pamilya ay kinukunan niya ng lakas ng loob ang mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya.


APRIL 10, 2014: FILING OF CASE

Pormal na kinasuhan ng serious illegal detention at grave coercion ang grupo nina Cedric at Deniece sa DOJ noong April 10.

Lumabas sa imbestigasyon na mayroong sapat na basehan na idinetena, binugbog, tinakot, at tinangkang pagkakuwartahan si Vhong ng grupo nina Cedric at Deniece.

Kinasuhan din ang kapatid ni Cedric na si Bernice Lee, sina Simeon “Zimmer” Raz Jr., Jed “Mike” Fernandez, Jose Paolo "JP" Calma, at Ferdinand Guerrero.

Sa kabilang banda, ibinasura ng DOJ ang reklamong panggagahasa na isinampa ni Deniece laban kay Vhong dahil sa kawalan ng sapat na basehan.

APRIL 21 TO MAY 5, 2014

April 21 nang mag-isyu ang Taguig RTC ng warrant of arrest para kina Cedric, Deniece, Zimmer, Jed, at Ferdinand para sa kasong serious illegal detention, na isang non-bailable offense.

April 26 nang inaresto ng awtoridad sina Cedric at Zimmer sa Oras, Eastern Samar kung saan sinasabing nagtago ang dalawa.

Kinabukasan, April 27, inilipad sila pabalik ng Manila at idiniresto sa NBI headquarters kung saan sila pansamantalang idinetena.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

May 5 nang boluntaryong sumuko si Deniece sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, at saka siya ipinasok sa detention cell doon.

MAY 6, 2014: THE FACE OFF

Ito ang unang pagkakataong nakaharap ni Vhong sina Cedric, Deniece, at Zimmer sa pagdinig sa Taguig RTC Branch 271.

Naroon din si Bernice, kapatid ni Cedric, at isa sa mga akusado sa kasong grave coercion.

Mahigpit na ipinagbawal ang kamera sa loob ng sala ni Judge Paz Esperanza Cortes, ngunit nakunan ng ABS-CBN News ang insidente kung saan sinigawan ng lola ni Deniece si Vhong pagkatapos ng hearing.

Ngunit hindi ito ininda ni Vhong na nagpatuloy sa paglakad kasama ng mga kaibigan at abugado.


MAY 8, 2014

Naghain ng not guilty plea sina Cedric, Deniece, at Zimmer para sa kasong grave coercion sa Taguig RTC.

JUNE 14, 2014

Eksklusibong nakunan ng PEP.ph ang kondisyon ni Deniece sa loob ng kanyang 23-meter detention cell sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, Quezon City.

Ayon kay Deniece, doon na siya nagdiwang ng kaarawan kasama ng kanyang mga kapatid.

Pilit daw niyang pinatatatag ang loob sa kabila ng pagsubok na pinagdaraanan.


JULY 1, 2014: JUNKED RAPE COMPLAINT

Ibinasura ng Taguig Prosecutor’s Office ang second rape complaint na isinampa ni Deniece laban kay Vhong.

Kaugnay ito ng akusasyon ni Deniece na ginahasa siya ni Vhong noong gabi ng January 17 sa condo unit ng dalaga.

Lumabas sa resolusyon na kaduda-duda ang naging testimonya ni Deniece, dahil kung napagsamantalahan na raw siya noong January 17, bakit pa niya muling inimbitahan si Vhong na pumunta sa condo unit niya noong January 22.

Pagsapit ng July 13, naiulat na nagtangkang magpakamatay ang dalaga sa pamamagitan ng paglaslas ng pulso.

Kinumpirma ito ng abugado ni Deniece, si Atty. Salvador Panelo, na siya ring nagsabi na dumaranas ng depresyon ang dalaga dahil sa sinapit na pagkakulong sa kabila ng kaalamang siya umano ay biktima ng panggagahasa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓


AUGUST 6, 2014

Sina Cedric at Zimmer ay inilipat mula sa NBI detention center patungong Taguig City Jail, na matatagpuan sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ito ay sa kabila ng kanilang pag-alma na posibleng “kuyugin” sila roon ng ibang detainees na umano’y fans ni Vhong.

Ngunit tiniyak ng Taguig RTC na ligtas at maayos ang detention cell na paglulugaran nila roon.

Inatasan din ng korte na ilipat si Deniece mula sa CIDG detention cell nito papunta ring Taguig City Jail, ngunit hindi ito naipatupad dahil naghain ng motion for reconsideration ang kampo ng dalaga.

AUGUST 26, 2014: JUDICIAL DISPUTE RESOLUTION

Inabot ng halos tatlong oras ang hearing para sa Judicial Dispute Resolution (JDR) kaugnay ng kasong grave coercion na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro laban sa grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo.

Ginanap ang pagdinig sa sala ni Judge Marilou Tamang ng Branch 73 ng Taguig Metropolitan Trial Court noong August 26, alinsunod na rin sa utos ni Judge Bernard Bernal ng Branch 74 ng Taguig-MTC.

Dito muling nakaharap ni Vhong ang mga akusado na sina Cedric, Deniece, at Zimmer para sa JDR upang alamin kung kaya pang magkaayos ng magkabilang kampo bago ituloy ang trial.

Ngunit naging tikom ang bibig ng apat hinggil sa resulta ng JDR noong araw na iyon.

May naka-schedule rin silang JDR ng September 4 at October 2, ayon sa ulat ng PEP.ph na nailathala noong August 27, 2014.

SEPTEMBER 12, 2014: GRANTED BAIL PETITION

Nagdesisyon si Judge Paz Ezperanza Cortes ng Taguig Regional Trial Court na payagang makapagpiyansa sina Cedric, Deniece, at Zimmer sa halagang P500,000 bawat isa.

Sabi sa bahagi ng resolusyon, na may petsang September 12:

“This being so, although there is probable cause for the charging of the crime of serious illegal detention, the prosecution had failed to provide strong evidence that said illegal detention is actually serious or actually for the sake of kidnapping.

“In such a case, the Court has the duty to grant the accused bail.”

Mariing inalmahan ito ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga, base sa panayam ng PEP.ph sa kanya noong September 15.

Handa umano ang kanilang kampo na ituloy ang laban para sa umano’y ginawang krimen ng grupo nina Cedric at Deniece laban kay Vhong.

NOVEMBER 20, 2014: CHANCE ENCOUNTER

Kinumpirma ng broadcast journalist na si Tony Calvento na nagpang-abot sina Vhong at Cedric sa grand opening night ng isang high-end bar sa Taguig City noong gabi ng November 20.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Si Vice Ganda ang nag-imbita roon kay Vhong, na pumayag dahil wala sa guest list ng exclusive party si Cedric.

Ngunit imbitado rin pala si Cedric ng kaibigan nito na isa sa mga may-ari ng bar.

Bagamat walang anumang gulo ang naganap, umalis din agad si Vhong at mga kasamang sina Vice Ganda at Billy Crawford.

JANUARY 2015

Naaresto ng NBI si Ferdinand Guerrero sa isang condominium unit sa Makati City matapos ang isang taong pagtatago.

Habang ang dalawa pang suspek na sina JP Calmo at Jed Fernandez ay hinahanap pa rin ng mga awtoridad.


JULY 1, 2015: AFFIRMED BAIL PETITION

Kinumpirma ni Judge Mariam Bien ng Taguig RTC ang bail petition nina Cedric, Deniece, at Zimmer.

Ayon sa ulat ng PEP.ph, nakasaad din sa sa resolusyon ni Judge Bien na wala pa ring malinaw na resulta ang imbestigasyon hinggil sa kaso at pinapayagang pansamantalang makalaya ang grupo ni Cedric.

Ikinagalak naman ito ni Deniece na nagsabing “trial by publicity” ang nangyayaring pandiriin sa grupo nila ni Cedric.

Ayon pa sa abugado ni Deniece na si Atty. Ferdinand Topacio, patuloy ang laban ng dalaga bilang diumano’y biktima ng pang-aabuso ni Vhong.

Desidido rin daw si Deniece na bumalik sa normal ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbabalik-trabaho.


AUGUST 14, 2016

Aminadong dismayado si Vhong sa mabagal na pag-usad ng kasong serious illegal detention at grave coercion na isinampa niya laban sa grupo nina Cedric at Deniece.

Sa panayam ng PEP.ph, sinabi ni Vhong na patuloy ang pagdalo niya sa mga hearing kung kailangan ang kanyang testimonya, at doon daw sila nagkikita minsan nina Cedric.

Hindi lang daw siya makapagsalita ng ilan pang detalye tungkol sa kaso dahil sa gag order mula sa korte.

Ngunit mayroon daw silang idinagdag na kasong perjury laban sa grupo nina Cedric at Deniece na umakyat na sa korte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓


JULY 2017: DENIECE'S THIRD RAPE COMPLAINT

Lumutang ang balitang may nakabinbin pang ikatlong reklamong panggagahasa na isinampa si Deniece laban kay Vhong sa DOJ.

Ayon sa magkakasunod na Facebook posts ng broadcast journalist na si Tony Calvento, may nakalap siyang impormasyon na pormal na sasampahan ng alleged rape complaint si Vhong sa DOJ.

May nakatakda rin umanong lumabas na arrest warrant laban kay Vhong.

Isinapubliko ni Tony ang buong rape complaint-affidavit ni Deniece, na nagsasabing ginahasa siya diumano ni Vhong noong gabi ng January 17 at pinagtangkaang gahasain muli noong gabi ng January 22.

Dito rin sinabi ni Deniece na nang ipa-blotter niya si Vhong sa Southern Police District ng Taguig noong gabi ng January 22, nakumpiska raw ng awtoridad mula kay Vhong ang “date rape drug” na ginamit nito sa dalaga.

Dagdag na akusa ni Deniece, napag-alaman niyang nakakuha siya ng “bacterial vaginosis" o "vaginal infection" mula kay Vhong.

Base raw ito sa resulta ng medical checkup ni Deniece noong January 20—o tatlong araw matapos siya diumanong abusuhin ni Vhong noong gabi ng January 17.

Sa eksklusibong panayam sa PEP.ph noong July 10, 2017, inihayag ng kampo ni Vhong na wala pa silang update sa kung anuman ang magiging resolusyon ng DOJ sa third rape complaint ni Deniece.

Sabi pa ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Mallonga, dalawang taon na nilang inilalaban na mabasura ang third rape complaint laban kay Vhong.

Lalo na raw at matagal nang sinabi ng Taguig Prosecutor’s Office, na ang naunang dalawang rape complaints ni Deniece ay “unbelievable” at “illogical.”

SEPTEMBER 2017: JUNKED THIRD RAPE COMPLAINT

Pormal na ibinasura ng DOJ ang ikatlong reklamong rape ni Deniece laban kay Vhong.

Sa resolusyon ng DOJ, na may petsang September 6, 2017, nakasaad na si Deniece “suffers from a very serious credibility issue.”

Inconsistent daw ang ikinilos ni Deniece para sa taong pinagsamantalahan, base sa nakitang kilos ng dalaga sa CCTV footage ng Forbeswood Heights Condominium noong gabi ng January 22.

Binanggit din sa resolution, na nakalap ng ABS-CBN News, ang nakita sa CCTV na paghahalikan ni Deniece at ng businessman na si Cedric Lee sa loob ng elevator matapos dalhin sa presinto si Vhong.

APRIL 2018

Tuluyang ibinasura ng DOJ ang apela ni Deniece na baliktarin ang desisyon ng DOJ noong September 2017 na i-dismiss ang third rape complaint niya laban kay Vhong.

Sa ruling ng DOJ, na may petsang April 30, nakasaad na hindi sapat ang ihinaing ebidensiya ng kampo ni Deniece bilang patunay na ginahasa siya ni Vhong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Lalo na't pabagu-bago umano ang testimoniya ni Deniece tungkol sa dalawang insidente kung saan hinalay siya diumano ni Vhong.

Ibinasura rin ng DOJ ang isinumiteng "new evidence" ni Deniece kaugnay ng hiwalay na reklamong panggagahasang inihain laban kay Vhong ng dalawa pang babaeng complainant na hindi na pinangalanan.

Base ito sa hiwalay na ulat ng ABS-CBN News Online noong April at July 2018.

JULY 2018: GRAVE COERCION GUILTY VERDICT

Napatunayang guilty beyond reasonable doubt sina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at Jed Fernandez sa salang grave coercion kay Vhong, base sa nakalap ng PEP.ph na kopya ng court decision.

Sa desisyon ni Judge Bernard Pineda Bernal ng Taguig MTC, na may petsang July 27, 2018, nakasaad na may sapat na ebidensiyang makapagpapatunay na nagsabwatan ang tatlo na puwersahang papirmahin si Vhong ng police blotter sa South Police District noong gabi ng January 22, 2014.

Pinatawan sina Cedric, Deniece, at Jed ng sentensiyang pagkakakulong ng 6 months hanggang 3 years and six months.

Ang tinamo ni Vhong na pambubugbog, pananakot, at tangkang pangunguwarta mula sa grupo nina Cedric at Deniece ay nagdulot umano ng matinding "emotional trauma" kay Vhong, sanhi upang masira ang "personal judgment" nito at sapilitang pirmahan ang police blotter.

Lalo na't dalawang beses bago makarating ng Southern Police District ay tinakot daw si Vhong na buhay niya at ng kanyang pamilya ang kapalit ng pipirmahan niyang police blotter.

Sinabihan daw kasi siyang kayang burahin ang isinumiteng police blotter basta sundin niya ang ipag-uutos ng grupo nina Cedric at Deniece.

Ang police blotter daw ang magsisilbing "protection" ng mga ito sakaling magreklamo si Vhong sa awtoridad.

Ni hindi raw nabasa ni Vhong ang pinirmahang police blotter, at nagkaideya lang sa nilalaman nito base sa narinig mula sa pakikipag-usap ng isa sa grupo nila ni Cedric sa isang pulis na nahuli nilang nakapatong si Vhong kay Deniece kaya nila ito ginulpi.

Wala umanong nagawa si Vhong sa takot na posibleng kasabwat ang mga pulis sa pinagdalahan sa kanyang police station.

Bukod sa testimoniya ni Vhong, kinatigan din ng korte ang testimoniya ng mga sumuring doktor at psychiatrist na nagpatunay na dumanas ang TV actor-host ng Post Traumatic Stress Disorder (PSTD).

Hinatulan namang not guilty si Bernice Lee dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya sa degree ng partisipasyon nito sa kasong grave coercion.

Napag-alaman ng PEP.ph na nauna nang na-dismiss ang kasong grave coercion laban kina Zimmer Raz, JP Calma, at Ferdinand Guerrero dahil hindi sila sumama sa police station kung saan ipina-blotter si Vhong.

ONGOING CASE

Mayroong 15 days mula ng petsa ng court ruling sa kasong grave coercion upang makaapela ang kampo nina Cedric at Deniece.

Samantala, wala pang desisyon ang korte sa kasong serious illegal detention na isinampa laban kina Cedric, Deniece, Zimmer, JP, Ferdinand, at Bernice.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Vhong Navarro and the group of Cedric Lee and Deniece Cornejo are equally determined to prove their innocence of the charges each leveled against the other in the courts. In this story, the Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) lists the series of events that led to the continuing courtroom drama—from the very first time the litigants met in 2011 up to the July 27, 2018 court ruling where Cedric, Deniece, and Jed Fernandez were found guilty of grave coercion.
PHOTO/S: Jeremiah Idanan
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results