Emosyunal at medyo nanginginig pa ang boses ni Connie Ocampo, ina ng dating child actor na si CJ Ramos, nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa labas ng Caloocan City Police Station jail ngayong Miyerkules ng hapon, August 8.
Ibinahagi ni Connie ang naging reaksiyon niya nang malaman ang balitang nahuli ang anak dahil sa droga.
“Mamamatay-matay ako kasi hindi sumasagot ng cellphone.
"Kinabukasan, umaga na, magpapa-blotter na sana kami nung malaman naming nahuli.
“Hindi naman talaga siya ang target, yung babae [pusher]," lahad ng ina ng dating aktor.
Nahuli ng pulisya si CJ sa isinagawang buy-bust operation sa harap ng isang convenience store sa may Tandang Sora, Quezon City, noong July 31.
Dahil .7 gramo lang ng shabu ang nahuli kay CJ kaya maaari itong makapagpiyansa.
Ngunit naantala ang paglagak ng piyansa ng kanyang pamilya dahil magpa-file pa sila ng motion upang bawasan ang halaga nito.
Ayon kay Connie, “Ang sabi ng abugado, Friday daw [makakalabas] kasi di pa nara-raffle kung kaninong judge mababagsak.
“Ngayon, yung abugado namin, magpa-file ng motion to reduce bail from 200K to 100K.
“So ngayon, hindi pa puwedeng ano dahil wala pang judge na maiano yung motion na yun.
“Kapag may judge na, isa-submit na yun para maghi-hearing.
“Sabi after three days pa, supposedly Friday.
"E, di pa pala nara-raffle, so wala pang judge. Wala pang hearing.”
A MOTHER'S PRAYER
Kasamang dumalaw ni Connie sa kulungan ang kuya ni CJ na si Sherwin Ordoñez, dati ring aktor at dancer.
Pareho silang umaasa na makalabas sa kulungan si CJ sa lalong madaling panahon.
Ayon pa kay Connie, “Sana naman maano na yun. Makakalabas naman.
"Tsaka makikita niyo naman si CJ, hindi naman talaga siya talamak na adik na adik.
"Siguro may konting ano lang siya [problema].
“Gusto ko rin siya ma-rehab, at talagang willing din siya at gusto niyang magbago for good.
“Napakatalino niyang anak ko, napakabait, magalang.
“Hindi ko lang alam, natiyempuhan lang, pero siguro talagang turning point na ito na talagang magbago siya. Nangako na siya.
“Ngayon lang siya nangako na talagang gagawin niya.
"Sana bigyan siya ni God ng second chance, ng mga tao din, kasi hindi siya busy, malungkot lang siya."
Dagdag pa niya, “Wrong timing lang siguro lahat. Alam ko matatapos rin naman siguro lahat ito, e.
“Alam ko naman dahil I have faith in God talaga, at saka si CJ nagpi-pray din siya at alam kong malalagpasan namin ito.”
Nagpasalamat naman sila sa pulis Caloocan sa maayos nitong pagtrato kay CJ.
Pahayag ni Connie, “Okay naman, mababait naman yung trato sa kanya, mababait yung mga pulis.
“Kaya lang kung minsan, hindi mo maiaalis na ma-stress ako.
"Nanay ako, natatakot ako.
“Masakit na nga buong katawan ko kakaisip."
JM DE GUZMAN
Ayon pa sa ina ni CJ, nagpaabot ng mensahe sa kanya ang matalik na kaibigan ng anak na si JM de Guzman.
“Si JM baka pupunta bukas [August 9]. Siya ang unang [nag-reach out], ‘Tita, kamusta na?’
“Marami ring iba pa nag-message sa akin.”
Naniniwala si Connie na matatapos din ang lahat ng pagsubok na ito sa kanilang pamilya.
Mensahe pa niya sa anak, “Naiiyak ako. Alam kong magbabago na siya, nagpi-pray na siya.
"Sabi niya, ‘Ma, nagpi-pray ako talaga. Sorry talaga.'
“Nagso-sorry siya sa akin na hindi na niya uulitin.
"Mabait naman ang Diyos. I have faith in Him, alam kong malalapagpasan namin ito.
“Mahal na mahal ko si CJ, lahat gagawin ko para maging maganda ang future niya.”