May pinagdadaanan ngayon ang Kapuso actor na si Ken Chan dahil sa kanyang ama na na-diagnose na may esophageal cancer.
Sumailalim na raw ang ama sa ilang klase ng operasyon.
Kaya mas lalong naging makabuluhan para kay Ken ang bago niyang teleserye sa GMA-7, ang My Special Tatay.
Bukod sa bagong hamon sa kanya bilang aktor ang gumanap ng may intellectual disability, parang sakto raw ang titulo ng teleserye sa pinagdadaanan ng kanilang pamilya.
Sabi ng 25-year-old actor, “Ito pong My Special Tatay, dine-dedicate ko talaga sa tatay ko.”
Bukod sa trabaho, nakalaan daw ang oras ni Ken sa ama.
“Inaasikaso ko ang tatay ko ngayon, nasa hospital po ang tatay ko.
"Na-diagnose po siya ng stage two cancer sa esophagus."
Noong isang buwan pa raw nadiskubre ang cancer ng ama niya at mag-iisang buwan na rin silang nasa ospital.
Pagkatapos nga ng storycon ng My Special Tatay noong August 3, didiretso na raw si Ken sa ospital para puntahan ang ama.
“Siyempre malungkot,” pag-amin niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
“Pero sabi niya sa akin, laban lang. And dine-dedicate ko itong My Special Tatay sa kanya.
“Sabi ko talaga sa Papa ko noong nandoon ako, 'Hayan Pa, ha, saktong-sakto. Ang title talaga ng magiging show natin, My Special Tatay.'
“And sinabi ko sa kanya na, 'Para sa iyo itong show na to.'”
Dagdag ni Ken, “Nakikita niya sa TV na inalay ko sa kanya ang show na ito.
"Natuwa siya noong makita niya sa 24 Oras na idine-dedicate ko talaga sa kanya ang show na ito and he’s really very special to me.
“And sabi niya sa akin, laban lang, e.”
Si Ken ang panganay sa kanilang magkakapatid kaya kailangan niyang maging matatag para sa pamilya nila.
“Oo, e, pero parang wala tayong magagawa.
"Nabubuhay tayo sa mundong ito na may ma-exprerience.
"So, kailangan natin itong i-embrace. Kailangan nating harapin ito.
“So sabi ko kay Papa, 'Wag kang mag-alala, Pa. After ng chemo mo, magiging cancer-free ka.' At naniniwala siya dun.
“Sabi niya sa akin, ako ang lakas niya.
“And with that, mas na-inspire ako na galingan dito sa My Special Tatay dahil ang show na ito ay dine-dedicate ko talaga sa tatay ko.”