Hindi naiilang ang reel- at real-life sweethearts na sina Joshua Garcia at Julia Barretto na ipakita ang kanilang lambingan o public display of affection (PDA) sa isa't isa.
Alam na rin ng halos karamihan na ang term of endearment nila ay "Baba."
Tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa magkasintahan: saan nanggagaling ang nag-uumapaw na sweetness nila para sa isa't isa?
Si Joshua ang unang sumagot.
Aniya, “Galing na rin po sa... kasi siyempre mahal namin ang isa’t isa.
“So, aalagaan namin ang isa’t isa.
“Siguro normal na lang na lumalabas sa amin yung pagki-care, yung pagiging sweet ko sa kanya…
“Ikaw, Bab, tingin mo?” baling ni Joshua sa katabi nitong si Julia.
Saad ng young actress, “Me, actually ngayon lang naman ako talagang mas naging open.
"I feel Joshua’s really finally became very open about my feelings and he’s really opened me up, which I think is a good thing.
“Kasi I think, for the longest time, I was always so scared, I was afraid to really...
"Kasi tingin ko, konting kibot ko, palaging may nasasabi dati yung mga tao.
“Pero now, I just learned to really trust myself and to show them who I really am.”
Nakausap ng PEP.ph at iba pang miyembro ng press sina Joshua at Julia sa press conference ng bago nilang teleserye, ang Ngayon at Kailanman, na ginanap sa Dolphy Theater ng ABS-CBN compound, Quezon City, kahapon, August 13.
May pagkakataon bang naiilang silang ipakita ang sweetness nila sa isa’t isa sa harap ng ibang tao?
“Yes, of course, definitely, especially when were around with our icons,” sabi ni Julia, sabay tingin sa co-stars nilang sina Alice Dixson, Ina Raymundo, at Iza Calzado.
“Siyempre nahihiya ako. Siyempre to show respect also to our elders...”
Nagtawanan ang media sa loob ng Dolphy Theater sa nasambit ni Julia na “elders,” lalo na nang mapatingin sa kanya sina Iza, Ina, at Alice.
Kaya agad na nilinaw nito, “I mean, older than us, di ba?”
Patuloy pa ni Julia, “Siyempre, sometimes I just tell Josh na hinay-hinay lang din.
"Minsan kasi nanggigigil talaga siya, minsan nai-excite siya talaga.
“Syempre, I just remind Josh na we have our seniors.”
CAUTIONED BY MANAGEMENT
Sa kanilang dalawa, si Joshua raw talaga ang mas clingy o walang pakialam na ipakita ang paglalambing kay Julia.
Marami sa nakakakita ng kanilang sweetness ang natutuwa. Pero naiisip daw ni Joshua na hindi na rin tama ang PDA niya kay Julia.
“Hindi, e,” sambit ng young actor.
“Pero pinagsasabihan na po ako nila, ng Star Magic, na bawas-bawasan nga yung pagiging PDA.”
Babawasan niya na ba o itutuluy-tuloy pa rin niya?
“Oo, nga, e,” sagot ni Joshua, na ang ibig sabihin ay hindi niya mapigilan ang sariling lambingin si Julia.
Singit na komento ni Julia, “Pero tuluy-tuloy pa rin naman siya. Parang mas naging...”
Pagkontra ni Joshua, “Hindi, nababawasan na.
“Kaya naman... pero mahirap din kasing pigilan kapag nararamdaman mo, e.”
Paano kaya pag may nangyaring hindi maganda sa kanilang relasyon? Naiisip ba nilang maaapektuhan tiyak ang kanilang fans, kapag hindi na nakikita ang lambingan nila sa isa’t isa?
Sagot ni Julia, “Ahh, but also at the end of the day, parang tao rin naman po kami.
“Kapag nagkakasamaan ng loob, nagkakatampuhan over a little thing, parang I think it’s normal and we have the right to feel upset or to feel sad about something.
Sabi naman ni Joshua, “Ang maganda sa amin, kapag may ganung tampuhan kami, hindi nagla-last ng ten minutes.
"Ibig sabihin, kailangang gawin muna namin yung ano... maganda kasi sa amin nag-uusap kami. Pinag-uusapan namin."
Dagdag ni Julia, “Actually hindi nagla-last within an hour.”
Nabanggit namin ang obserbasyon na si Joshua ang lumalabas na mas child-like kaysa kay Julia, base na rin sa lambing moments nila na lumalabas sa social media.
“Oo,” komento agad ni Joshua na umaayon sa kanyang pagiging child-like.
Sabi naman ni Julia, "Kumbaga, parang ako si Inno, siya si Eva. Parang ganun kami in real life."
Sina Inno at Eva ang characters nina Joshua at Julia, respectively, sa Ngayon at Kailanman na magsisimulang umere sa ABS-CBN sa August 20.
Ginagampanan ni Joshua sa teleserye ang karakter ni Inno, isang mayaman at seryoso.
Samantalang bubbly at child-like naman ang character ni Julia bilang si Eva.
“Ako, I’m more of the Inno. But si Joshua really, wow, like...” naputol ang sasabihin ni Julia dahil nagsalita rin si Joshua.
“Pero sometimes, sometimes... ” ngumiti muna si Joshua at biglang pinigil ang dapat sasabihin, na parang may pa-suspense siyang susunod na sasabihin.
Nangingiting patuloy ng aktor, “Pero siya talaga si Eva. Nagiging [parang] bata talaga to minsan, e.
“Oo din, bata din. Actually, nasa ano iyan, e.
"Si Eva, nagtatago lang yan sa loob ni Julia. Pero may pagka-Eva rin talaga ako.
“Minsan doon lumalabas.”
Balik naman ni Julia, “Hello, anak pa rin ako ni Dennis Padilla.
"Siyempre, may ganung side pa rin ako. Hindi naman puwedeng wala akong nakuha kay Mr. Dennis Padilla.
“Nandun lang yun sa akin,” na ang tinutukoy ni Julia ay ang pagiging bata minsan at pagiging astig.
Kapag kaharap naman ng dalawa ang pamilya ni Julia, partikular na ang ina ng aktres na si Marjorie Barretto at mga kapatid nito, ibinuko ni Joshua na mas clingy o sweet sa kanya ang girlfriend.
Sabi ng binata, “Mas siya. Mas siya na ang nagiging sweet.
“Di ba? Siya na ang nagiging sweet kasi...”
Pagtuloy naman ni Julia sa sasabihin ni Joshua, "Actually, sasabihin ko na, siya na yung nahihiya.”