Hindi raw hinangad ni Kakai Bautista na sumailalim sa cosmetic surgery para baguhin ang kanyang hitsura o magpalaki ng dibdib.
Paliwanag ng comedienne-singer, “Wala talaga, e. Sa akin talaga, kahit dati pa, kahit mga [nagsasabi] sila na magpaayos ng ngipin, kung ano, hindi ko talaga kaya.
“Bukod sa takot ako sa knife, yung injection nga lang, dyusko, nakakapanghimatay!
“So, pag naiisip ko na maglagay pa ng something sa mukha ko or anything, hindi ko talaga kaya.
“Psychologically, hindi ko kaya dahil takot ako sa knife, sa mga blade.”
Posible ring magbago ang pagtanggap ng mga tao sa kanya kapag nagpabago siya ng itsura.
“'Tapos kasi kapag pinaayos ko yung ganyan, so mag-iiba.
"Ayokong... yun, alam na ng lahat ng tao na ito ang mukha ko.
"So baka magbago yung tingin nila sa akin," saad ni Kakai sa presscon ng upcoming fantasy-comedy movie na Wander Bra na ginanap sa Max’s Restaurant, Quezon Avenue, Quezon City, nitong Huwebes ng gabi, August 16.
Ang tanging ginawa lang niya ay magpagawa ng braces, pero hindi sa ngalan ng pagpapaganda.
“Yung pagpapagawa ko pa ng braces, hindi lang yun pagpapaganda o vanity.
"Kasi I need to do that kasi may kundisyon ang bloodline namin na bone structure.
"Kaya siya gumaganun, kaya ko siya kailangang ipagawa kasi tumatanda na ako, para lang ma-correct.
“E, nung bata, wala naman kaming pampagawa, so mas lalala.
"So hindi siya for vanity ever. Para lang ma-correct," paglilinaw niya.
Biro pa ni Kakai, kung kailangan talagang baguhin ang hitsura niya ay bukas siya sa ideya.
“Siguro naman kakayanin ko. Tulog naman ako habang ginagawa!” natatawa niyang hirit.
“Pero masaya naman ako sa fezlacks [mukha] ko. Ang dami nang nagkakagusto.”
Kasama ni Kakai sa Wander Bra sina Myrtle Sarrosa, Zeus Collins ng Hashtags, Gina Pareño, Gardo Versoza, Wacky Kiray, at Brian Gazmen.
Ipapalabas ito sa mga sinehan simula sa September 12.