Hindi pa rin makalimutan ni Gretchen Ho ang hindi magandang karanasan niya nang manakawan sa London kamakailan.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters at bloggers si Gretchen sa launch ng OPPO F9 noong Miyerkules, August 15, sa Shangri-La at The Fort, Taguig City.
Dito ay inilahad niya na nangyari ang pagnanakaw habang namamasyal mag-isa sa London, kung saan nag-cover siya ng isang cycling event.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News na nailathala noong August 2, natangay ang bag ni Gretchen habang nagsusukat siya ng damit sa isang shop sa Oxford Street.
Ang nanakaw na bag ni Gretchen ay naglalaman ng pera, passport, cellphone, at ilang pang mahahalagang dokumento.
Pag-amin niya, "Noong nanakawan ako, parang na-feel ko na-disable ako.
"Sabi ko nga, 'Ganun ba ako ka-dependent sa phone ko?'
"Kasi, para akong nawalan ng kamay. Kasi nga everything I do, I do with my phone, so I felt disabled. I felt helpless and vulnerable.
"Parang, nandito ako sa ibang bansa, wala akong pera, wala akong passport, wala akong cellphone, wala lahat. 'Tapos hindi ko alam ang gagawin ko.”
Malaki ang pasasalamat niya na may mga kapwa Pinoy at iba pang mga taong tumulong sa kanya matapos siyang manakawan ng bag sa London.
"Mabuti na lang mayroong mga Pinoy na sakto noong sumasaklolo ako, sakto sila na dumaan. Narinig nila ako, 'tapos sabi, 'Pinoy? Pinoy?' Medyo nakilala nila ako.
"'Tapos, yun nga, kung hindi ako tinulungan ng mga Pinoy dun, kung di nila ako pinahiram ng mga phones nila para tumawag ang everything, siguro umiyak na ako doon.
"Malapit na kasi akong umiyak talaga kasi I felt helpless.
“Doon ko lang naramdaman na ganito pala yung feeling na back to zero.
“Parang nakakatuwa lang na yung blessings ni Lord umaapaw pa rin kahit nawalan ako ng gamit,” pagpapasalamat niya.
TRAVEL LIGHT
Dahil sa nangyari, natutunan daw ni Gretchen na kailangang maging mas alerto lalo na kung magta-travel sa ibang bansa nang mag-isa.
Sabi niya, "Learning ko, to always put your guard up when you travel.
"Ako kasi, happy-go-lucky ako kapag nasa ibang bansa, e.
"Parang gusto ko lang i-enjoy yung moment.
"Gusto ko lang tumingin ng iba't ibang bagay, mga tao, to really experience things.
"Pero kaakibat pala no'n mayroon ding dangers na bumabalikat sa atin, hindi natin matatanggal iyon when we travel.
"Siguro to be more responsible when travelling.
"Anytime mayroong puwedeng mangyari sa atin, so dapat lagi tayong ready, lagi tayong alert, kailangang naiisip natin yung mga ganung bagay."
Mahalaga rin daw laging sundin ang tinatawag na "travel light" lalo na kung mamamasyal nang mag-isa.
"Honestly, na-appreciate ko rin siya kasi...
"Isa pa pala sa natutunan ko, dapat simple lang tayo mag-travel, huwag masyadong magara o mukhang bongga o kaya mukha kang tourist sa ibang bansa.
"Parang travel light, parang you can go from one place to another, hindi ka masyadong mag-aalala.
"'Tapos, natutunan kong maging simple lang, bumalik lang dun, ni-remind lang ako ni Lord na maging simple ka lang."