Tatlong buwan na ang nakalilipas mula nang makunan sa kanyang ipinagbubuntis na kambal si Heart Evangelista.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa raw siya handang pag-usapan ito.
Ibinahagi ni Heart ang malungkot na balita sa kanyang Instagram account noong May 16, 2018.
Mula noon, ibinaling daw ng 33-year-old Kapuso star ang kanyang atensiyon sa trabaho at iba pang gawain.
Sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan ngayon, ibig bang sabihin ay hindi na nila prayoridad ng asawang si Senator Chiz Escudero ang magkaanak kaagad?
Sagot ni Heart, “Actually, it’s not that I don’t wanna prioritize it, I think it’s more of I was just so heartbroken.”
Sa puntong ito ay nagsimula nang gumaralgal ang boses niya at nagsimula na rin siyang maluha.
Naluluhang pagpapatuloy niya, “And that’s why I don’t like talking about it. I just want to be happy.”
Humingi kami ng dispensa kay Heart dahil natanong namin ito sa kanya.
Tugon niya, “It’s okay. This time, I just want to be very positive.
“And I don’t wanna plan my life as much as I used to plan before.
"So, if it will happen, it will happen.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Heart sa launching ng bago niyang campaign para sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na Have a HEART for Aspins (ASong Pinoy).
Sa nasabing kampanya, hinihikayat ni Heart ang dog lovers na mag-adopt ng aso mula sa PAWS imbes na bumili sa pet shops.
NOT THE PROPER TIME
Kamakailan ay namalagi si Heart sa Europe kung saan dumalo siya sa Paris Fashion Week.
Nai-feature din siya sa fashion magazine na Harper’s Bazaar US kasama ang iba pang Asian style icons.
Marami raw siyang paparating na trabaho sa London, Milan, at New York na resulta ng exposure niya sa Harper’s Bazaar.
Inamin ni Heart na ang mga pinagkakaabalahan ang nagsisilbing armas upang pansamantala niyang makalimutan ang lungkot dahil hindi pa talaga siya handang pag-usapan ang kanyang miscarriage.
Saad niya, "Okay lang, pero I mean, it’s… I know, you know, like, it’s so hard to....
"That’s why parang tinabunan ko siya ng masasayang bagay kasi, I think, for every woman, they just don’t talk about it.
“There will be a time that I will be strong enough and talk about it.”