Nagpaalala ang Kapuso actor na si Dingdong Dantes hinggil sa kahalagahan ng anti-discrimination bill.
Ito ay pagkatapos maiulat ang naranasang diskriminasyon ng gay impersonator na si KaladKaren Davila o Jervi Li sa totoong buhay.
Nitong weekend, nag-post sa social media si KaladKaren tungkol sa pagtanggi ng bouncer ng isang bar sa Makati City na papasukin siya at mga kasama dahil "bawal ang mga bakla."
Isang netizen ang nag-tweet tungkol sa karanasan ni KaladKaren.
Kinondena nito ang diskriminasyon ng bar sa mga miyembro ng LGBTQIA (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual) community.
Nag-tweet si Dingdong Dantes at tinanong ang netizen kung anong bar ito.
Ni-retweet din ng Kapuso Primetime King ang post ng netizen.
What bar is this, Gibby?
— Dingdong Dantes (@iamdongdantes) August 27, 2018
Sumagot ang netizen at ni-repost ang karanasan ni KaladKaren, kung saan isang bouncer ang humarang sa impersonator at sa kanyang gay friends na pumasok sa establishment dahil bawal daw ang bakla.
Nag-tweet si Dingdong at binanggit ang kahalagahan ng anti-discrimination bill.
“Yung mga may-ari at ang bouncer (na malamang ay sumusunod lang sa utos), ang mga dapat ma-educate sa kahalagahan ng SOGIE equality bill.”
Yung mga may-ari at ang bouncer (na malamang ay sumusunod lang sa utos), ang mga dapat ma-educate sa kahalagahan ng SOGIE equality bill.
— Dingdong Dantes (@iamdongdantes) August 27, 2018
Kabilang din ang ABS-CBN host na si Gretchen Ho na kumondena sa diskriminasyong naranasan ni KaladKaren.
No to discrimination! ???????? https://t.co/9XY3zYQTui
— Gretchen Ho (@gretchenho) August 26, 2018
Ang SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity, Expression) Equality Bill ay panukalang batas na isinusulong na malabanan ang diskriminasyon at naglalayong magkaroon ng pantay na karapatan ang mga miyembro ng LGBTQIA community, gaya ng pagbibigay ng access sa kanila sa health services, employment, at edukasyon.
Noong nakaraang buwan, may mga artista na ring nanawagan sa pagsasabatas ng SOGIE Equality Bill.
Kabilang na rito sina Anne Curtis, Heart Evangelista, Christine Bersola-Babao, at ang basketball player na si Arnold Van Opstal.