Na-cremate na ang mga labi ng ina ni Marlo Mortel na si Merlie Pamintuan noong Lunes, August 27.
Kinagabihan, itinuloy pa rin ng Kapamilya singer-actor ang kanyang obligasyon nang dumalo siya sa premiere ng pelikulang kinabibilangan niya, ang Petmalu, sa SM Megamall Cinema.
Pumanaw ang ina ni Marlo noong Biyernes, August 24.
“Coping, coping. Ito naman ang gusto niya, tuluy-tuloy ko lang,” sagot ni Marlo nang kumustahin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters pagkatapos ng premiere night.
Marami na raw siyang nailabas na luha bago pa man pumanaw ang kanyang ina.
“Ang dami, kasi hindi naman siya biglaang namatay. Parang slowly dying siya.
“Three days kaming umiiyak kasi nga, nag-aagaw-buhay ng three days. So, ang hirap.”
Kinailangan daw niyang tanggapin bandang huli at i-let-go na ang ina.
Saad ni Marlo, “Acceptance na lang talaga ng bandang huli.
“Kahit yung mga family, relatives na nagme-message, nagpi-pray sa amin.
“Pakonti-konti, na-realize ko na kailangan na talaga niyang magpahinga dahil sobrang pagod na pagod na siya.”
HIS MOM’S LAST MOMENTS
Kailan lang daw tinanggap ni Marlo na anumang oras ay maaaring pumanaw ang ina dahil sa sakit na cancer.
Lahad niya, “Kapag may nagtatanong sa akin talaga, ‘Mag-prepare ka na kasi cancer.’ Sinasabi ko talaga, ‘Hindi.’
“Actually, last night lang bago siya mawala.
“Kaya hindi siya nagle-let go.
“Kasi, Tuesday ng hapon [August 21], okay pa siya.
“Then, Tuesday night, bigla na lang siyang nag-seizure. Parang brain dead na siya.
“Ang nangyari, ginising ko lang siya nang ginising. Binubulungan ko siya.
“Parang patay na talaga siya nung Tuesday kung hindi ko lang siya ginising nang ginising na, ‘Mommy, gising ka na, gising ka na.’
“After siguro ng… ang tagal, gumalaw siya, kaya lang siya nagkamalay. Naging conscious ulit siya.
“Then,” patuloy ni Marlo, “may minumuwestra siya sa kamay niya.
“Hindi namin maintindihan noong una, yun pala, nanghihingi siya ng pangsulat.
“Wala na kasi siyang voice. Yun pala, pagsulat na lang ang communication niya.
“Tinanong niya ano nangyari. Yun pala, hindi rin niya alam nangyari.”
Kuwento pa ni Marlo, nawalan na raw ng hangin sa utak ng ina. Wala na rin daw itong blood pressure nung huling dalawang araw nito.
Nag-post pa si Marlo ng video habang kinantahan nila ni Morissette Amon ang mommy niya ng “Way Back Into Love” habang nasa hospital bed ito.
Ayon kay Marlo, “Kaya ang nangyari, namaga siya.
“Kung napanood niyo ang video namin ni Morissette, maga siya. Bloated everywhere.
“Yung first night na naka-survive siya na naging critical siya at nagising, kinabukasan may taping ako.
“After ng taping nung hapon, nag-collapse na naman siya.
“Kung ano yung nakita niyo kay Morissette, yun ang second day na mas manas na siya.
“‘Tapos, nagsulat siya na, ‘Pahinga ka na, papahinga na ako.’”
Patuloy ni Marlo, “That day, hindi pa rin ako pumapayag na mag-let go, pinagpapatuloy ko pa rin ang life support niya.
“Kahit na inaawat na kami ng iba, pero ako, pinagpapatuloy ko pa rin dahil umaasa pa rin ako na mabubuhay pa rin siya.
“Kinabukasan, mas lumala pa siya.
“E, may shoot pa ako ng movie. Bago ako mag-shoot, nagpaalam ako.
“Then, nagsulat ulit siya ng ‘thanks for everything.’
“Pagpunta ko sa shoot, tumawag ang daddy ko, at yun na pala ang huling isinulat niya.
“Pag-uwi ko galing taping, Thursday night, hindi na siya nagre-respond.
“Doon na ako nag-decide na, sige, payag na akong ialis ang life support.
“Kawawa na siya kasi para na siyang puputok.
“Pumayag na akong i-cut ang life support ng Friday afternoon.
“Nakapagpaalam pa ako ng Thursday night, Friday morning.
“Sabi ko, ‘Sige, Mommy, okay na kami rito.’
“Pero nung Friday, hindi na niya hinintay na tanggalin ang life support niya, kusa na rin tumigil ang heartbeat niya.
“At least, binigyan niya ako ng two and half days more na makapag-goodbye, makapag-respond at kantahan pa siya.”
THREE MINUS ONE
Kasama raw nila sa bahay ang urn ng ina pagkatapos itong i-cremate.
Ayon pa kay Marlo, “Malungkot kasi, tatlo lang kami, wala akong kapatid, e.
“‘Tapos, hindi nangyari na kaming dalawa lang ni Daddy.
“Ang nangyayari, it’s either kaming dalawa lang ni Mommy or silang dalawa lang sa bahay.
“Kaya parang nag-e-experiment pa kami ngayon ni Daddy kung ano ang gagawin.”
Kumusta ang daddy niya ngayon?
“Mas hirap siya,” sambit ni Marlo.
“Kasi, wala silang ibang life than the two of them.
“Walang work si Daddy, walang outside friends na makakasama. Every day, sila lang.
“Kahit noong wala pang sakit ang mommy ko, sila lang.
“Ganun silang type of couple, more on sa bahay lang.
“Kasama lang ako, masaya na.”
Sabi pa ni Marlo, “Iyak siya nang iyak, e. Pagdating ng bahay, iyak na naman siya.
“Hanggang kanina, umiiyak pa rin siya.”
UNFINISHED PROMISES
Malungkot daw si Marlo na hindi na napanood ng ina ang bago niyang pelikula, ang Petmalu, sa direksiyon ni Joven Tan at ipalalabas na simula sa September 5.
Alam daw niyang nilu-look forward ng ina na mapanood ang naturang pelikula.
Ang huling proyekto ni Marlo na napanood ng mommy niya ay ang FPJ's Ang Probinsyano.
Saad niya, “Nandoon kasi ako ngayon. Naabutan pa niya.
“Nag-text pa siya sa akin, last week lang na, ‘Napanood kita sa Ang Probinsyano.’
“Kasi nga, conscious naman siya, okay naman siya.
“Kaya nga hindi namin inaasahan ang pagkamatay niya.
“Bigla na lang may pumutok na blood vessel.
“Akala namin, mag-i-improve pa ang health. Kaya lang, ang katawan niya kasi, marami nang damage.
“Hindi na lang kasi siya cancer, iba’t iba ang nangyari for the past year.”
Nakakatulong daw kay Marlo na tuluy-tuloy ang mga trabaho niya.
“Mas kailangan kong magtuluy-tuloy,” pakli niya.
“Sabi nga nila, parang bago siya nawala, parang hinanda na lahat sa akin.
“Nagsabay-sabay. May concert, may album, may Ang Probinsyano.
“Malungkot na hindi niya naabutan lahat, pero pinag-pray niya rin yun, for sure.”
Malungkot lang daw kapag maiisip niyang anuman ang puwede pang mangyari sa kanya ay hindi na niya makakasama o maibabahagi pa sa ina ang mga ito.
Sabi ni Marlo, “Yung pangako ko na magkakabahay pa kami ng bago, magkakaroon ako ng family.
“‘Tapos eto nga, yung ngayong taon na mga concerts, marami pa sana siyang ilu-look forward.
“Simple lang kasi ang mommy ko, gusto lang talaga niya sa bahay, magmu-mall lang kami.
“Wala rin siyang bisyo. Never siyang uminom, never siyang nagyosi.
“Kaya nagtataka kami bakit ganun ang nangyari.
“Vegetarian pa siya. Hindi rin siya gumigimik.”
BREADWINNER
Hindi biro ang magkaroon ng may malubhang sakit sa pamilya.
At sa kanila, si Marlo lang ang nagtatrabaho.
Kumusta siya financially?
Sagot ng Kapamilya artist, “Actually, hindi ko na yun iniisip.
“Siya ang nag-iisip nun kahit na may sakit siya.
“Nagso-sorry siya sa akin kasi lahat ng ipon ko, sa kanya napupunta.
“Wala namang nagwu-work sa amin kung hindi ako lang.
“Ako lang naman ang... ever since na nag-artista ko, ako na ang nag-take over. Lahat ng bills, sa akin.
“Hindi ko naman masasabing nasaid na nasaid kasi continuous naman ang work.
“Pero hindi ako nakaipon, at wala naman akong problema dun basta gumaling lang siya.”
Dugtong pa niya, “At saka, ever since nag-artista ko, lahat ng money ko, nakadirekta sa kanila.
“Sila ang nagma-manage ng pera. Nanghihingi lang ako ng allowance.”
Pero noong 2017, naubusan na rin siya ng pera dahil ito yung panahong maraming pinagdaanan ang mommy niya. Kasama na rito ang open heart surgery na nagkahalaga ng kalahating milyon.
Pero nagpapasalamat daw si Marlo na maraming tumulong sa kanyang mga kapwa-artista.
“Nagkaroon ng benefit concert, maraming tumulong na artista.
“Hindi ko na mabilang… sina Kuya Boy Abunda, Karla Estrada, Bela Padilla nagbigay.
“Then, may mga bumili ng tickets, sina Jed Madela, Maymay Entrata na nag-guest sa concert ko, lahat yun for free.
“Sina Moriswette, lahat yun for free.
“At saka, thankful ako kay Lord dahil hindi Niya ko pinapabayaan. Nag-provide naman Siya ng enough money.
“Ang situation namin, hindi kakulangan ng money kundi kakulangan ng health niya.”