Muling naispatan ng netizens na magkasama ang Kapuso star na si Maine Mendoza at ang Kapamilya actor na si Arjo Atayde.
Nakita ang dalawa sa Xylo at the Palace bar, sa Bonifacio Global City, Taguig City, Sabado ng gabi, October 20.
Dahil dito, lalong umugong ang usaping may espesyal na namamagitan sa kanila dahil madalas na silang namamataang magkasama kahit walang shooting para sa kanilang ginagawang pelikula.
Magkasama sina Maine at Arjo sa Coco Martin-Vic Sotto starrer na Jack Em Popoy: The PulisCredibles, na entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018.
Sa mga video na kumalat sa Twitter, mukhang ini-enjoy nina Maine, 23, at Arjo, 27, ang atmosphere ng lugar.
Makikitang sinasabayan ng kanta ni Maine ang tugtog sa lugar habang pasimpleng sumasayaw naman si Arjo.
Maaninag namang ang suot ni Maine mula sa live episode ng Eat Bulaga! noong Sabado ay siya ring suot niya nang magpunta sa bar.
GOODBYE ALDUB, HELLO ARDUB?
Binansagan ng netizens ang tambalan ng dalawa bilang "ArDub" o Arjo at Yaya Dub, ang unang pangalang nagpakilala kay Maine sa publiko dahil sa Kalyeserye ng Eat Bulaga.
May mga nagsabi ring bagay na tawag sa kanila ay "ArjMaine" o kaya ay "ArMaine."
Noong nakaraang October 11, spotted din ang dalawa na kumakain sa isang restaurant sa Makati.
Noong Abril, inamin ni Arjo ang relasyon nila ng GirlTrends member na si Sammie Rimando.
Ngunit walang balita kung sila pa ba o nagtapos na ang kanilang relasyon.
Si Maine ay single pa rin hanggang ngayon, bagamat identified pa rin siya sa ka-love team na si Alden Richards.