It's Showtime hosts, TNT hurados recall fondest memories with Rico J. Puno

IMAGE Screen grab from It's Showtime on YouTube

It's Showtime pays tribute to Rico J. Puno, the legendary singer who died of cardiac arrest last October 30. The Total Entertainer served as one of the hurados of "Tawag ng Tanghalan" segment for three years.


Binalikan ng hosts ng It’s Showtime at hurados ng "Tawag ng Tanghalan" ang magagandang alaala nila sa namayapang legendary singer na si Rico J. Puno.

Pumanaw si Rico dahil sa cardiac arrest noong madaling-araw ng October 30, Martes. Siya ay 65.

Si Rico o Coriks sa mga malalapit na kaibigan nito ay tinagurian sa local music scene na The Total Performer dahil sa kanyang kakaibang galing sa pagpi-perform.

Bukod sa Coriks, isa pang palayaw niya ay Yangku, ang pabaligtad na pagbigkas ng salitang Kuyang.

Naging regular na hurado siya sa "Tawag ng Tanghalan" ng It’s Showtime simula noong Season 1 taong 2016.

VICE GANDA

Sa live episode ng noontime show ng ABS-CBN kahapon, November 2, pinangunahan ni Vice Ganda ang pagbibigay ng tribute sa music icon.

Ayon kay Vice, “Sino nga ba si Sir Rico J. Puno para sa atin dito sa Showtime bilang isang kaibigan, kabiruan, hurado?

“Magsimula na ako...

“Ako kasi, mas pinipili kong ano, e, ipagdiwang yung mga magagandang naalala ko talaga sa kanya.

“Kaya habang iniisip ko siya, hanggang ngayon naka-smile ako.

"Kasi, di ba nga, lagi niyang binabanggit kapag ipinakilala siya, ang lagi niyang sigaw, ‘Are you happy? Are you happy?’

“Laging may kinalaman sa pagpapaligaya.”

Dagdag pa ni Vice, pareho nilang tinatawag na “my favorite” ang isa’t isa.

Saad niya, “Very vocal kaming dalawa ni Rico J. Puno.

"Tuwing ipinapakilala ko siya, lagi kong sinasabi na ‘my favorite' kasi yun din ang sinasabi niya sa akin backstage.

“Kapag magkikita kami kahit saan, 'O, ito ang paborito ko, si Vice Ganda, ganyan-ganyan.'

“Ako raw ang paborito niya at siya ang paborito ko.

“Kasi ako raw ang baklang Rico J. Puno, at siya daw yung lalaking Vice Ganda. Pareho raw kasi kaming bastos.”

Napuno ng tawanan ang studio ng show dahil sa sinabing iyon ni Vice.

Dugtong pa ng TV host-comedian, “Sabi niya, ‘Ako, yung ginagawa ni Vice Ganda, kasi pareho kaming bastos.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi niya, ‘Yung ginagawa ni Vice Ganda ngayon, binakla lamang niya yung ginawa ko,’ sabi niya.

“At lagi kaming nagyayakapan at nag-a-'I love you' sa isa't isa. Magaan.”

Ayon pa kay Vice, kahit hindi na ganun kasigla minsan si Rico, pinipilit daw nitong magpasaya pa rin ng mga tao.

Kuwento niya, “At tuwing nandidito si Sir Rico, napapansin namin, may mga pagkakataong mahina siya, mahina na, hindi na kasinglakas nung dati, na hindi na kasing-sigla.

“Pero dun mo siya hahangaan kasi kahit hindi na siya yung nasa [maayos na] sistema ng pangangatawan niya at yung sigla niya hindi na katulad nung dati, ganun pa rin yung pinipilit niyang ibigay.

“Yung misyon niya ay iisa, di ba? Yung makapagpaligaya nung tao at ma-serve yung misyon niya.

“Kaya ako, masayang-masaya ako dahil alam ko na natapos ni Rico J. Puno yung misyon niya sa mundo.

“Makapagbigay ng mga magandang awitin, magandang musika na in-enjoy ng lahat nung panahon niya at minamana natin ngayon.”

Sa huli, nais ni Vice na maging masaya si Rico sa kabilang mundo.

“Mahal na mahal kita, Rico J. Puno, i-enjoy mo iyan, yung journey mo ngayon papunta dun sa pinakamasayang lugar.

“Yung mas masaya pa si Disneyland, dun sa langit, yung malamig ang hangin, walang polusyon, masaya lang.

“Kahit araw-araw magsisigaw dun ng ‘Are You Happy?’

“Lahat ng makikita mo dun, sasagot ng ‘Yes’ kasi lahat masaya dun.”

DULCE

Ang veteran singer na si Dulce, na nasaksihan ang kasikatan ni Rico, ay mangiyak-ngiyak ding nagbahagi ng masasayang alaala sa pumanaw na kasamahan.

Lahad niya, “Si Rico ay forever akong thankful sa kanya, kasi nung 1976, unang big concert niya sa Cebu, in-introduce niya ako doon and first time kong tumayo sa harap ng napakaraming tao.

“That was after Tawag ng Tanghalan in Manila, nung kumanta ako sa Roxas Boulevard, but yung nanay ko gusto na kaming umuwi talaga.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Dulce ang grand winner ng original singing competition noong 1975.

Patuloy pa ni Dulce, “'Tapos nung marinig ako ni Rico, talagang sinabi niya sa managers niya na, 'Gawan ng paraan na mabalik sa Manila ang batang ito.'

“And from then on, nung nag-recording na ako, sinubaybayan niya ako.

“Yung mga concerts, yung mga shows ko, pinupuntahan niya, tinuturuan niya ako, sinasabi niya kung ano yung dapat na hindi ko gawin.

“But the most memorable and very important thing na sinabi niya sa akin is ‘to never abandon your signature songs. Kasi, you owe it to your audience who supported you, to the composer, and to the song na nagbigay sa iyo ng space dito sa industriyang minahal mo.’

“Kaya I am very thankful to Rico J.”

RANDY SANTIAGO

Emosyunal din si Randy Santiago habang binabalikan ang masasayang pinagsamahan nila ng The Total Performer.

Saad niya, “Ako naman, siyempre fan din tayo ng isang Rico J. Puno, inabutan natin yung height nung kanyang career.

“Kaya nakakatuwa na napanood ko siya sa lahat ng mga performances niya na pinuntahan ko rin, katulad ng mga fans na tinatangkilik tayo lahat, di ba, ganun din ang nangyari.

“Kasi ang nakakatuwa, nakakasama ko siya sa Happy Yipee Yehey! araw-araw."

Ang Happy Yipee Yehey! ay ang defunct noontime show ng ABS-CBN hosted by Randy, Rico, John Estrada, Pokwang, at Toni Gonzaga. Umere ito mula February 12, 2011 hanggang February 4, 2012.

Dagdag pa ni Randy, “Kaming magkasama kumakain, katulad ng Showtime family, ganun din, naging isang malaking pamilya kami sa Happy Yipee Yehey!"

Maraming magagandang memories daw silang pinagsamahan, lalo na ang mga usapan nila sa dressing room.

Pagtatapos ni Randy, “Mahal na mahal kita, alam mo iyan. I love you, Yangku.”

OGIE ALCASID

Ayon naman sa singer-songwriter na si Ogie Alcasid, sobra niyang iniidolo si Rico.

Lahad niya, “Alam niyo nung araw, si Rico, nung talagang sobrang sikat na sikat siya, hindi nagmimedyas yun, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam niyo ba yun? Siya nagpauso nun, 'tapos naka-jumpsuit lagi iyan.' Tapos may hikaw iyan na ‘R.’

“Sa sobrang pagka-idol ko siya sa kanya, meron din akong necklace, kaya lang kasi ang pangalan ko ay Herminio kaya ‘H.’

“At ang tawag sa akin sa bahay ay 'Hico Puno.'"

Ang tunay na pangalan ni Ogie ay Herminio Jose Lualhati Alcasid Jr. 

Patuloy niya, “Ang hindi ko makalimutan na kuwento ni Rico, nung excited na excited siya kasi magkakaroon na siya ng album, si Boss Vic [del Rosario of Viva Entertainment] ata yung kanyang boss nun.

“Sabi niya [Boss Vic], ‘Rico, may album ka na.’ [Sagot daw ni Rico], ‘Patingin nga ng cover?’

“Pagkita niya, picture ng puno! Pinapalabas kanina [sa LED monitor]. Totoo yun, e.

“Picture talaga ng puno, hindi niya mukha.

“Sabi niya, ‘Bakit naman ganyan>'

"'E, hindi pagka…' Hindi masabi [ni Boss Vic] na 'hindi ka masyadong pogi.' Hindi masabi ni Boss Vic.

"Pero I love you Rico, ikaw nagkuwento sa akin nito.

“But yung next [na album na niya], mukha na niya [yung nasa cover].”

Kasunod na ibinahagi ni Ogie ang pagiging malapit ni Rico sa namayapang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. (FPJ).

“Ang hindi ko rin makalimutan na mga kuwento niya sa akin, nung araw, pagka lagi niya kinakantahan si FPJ, at si Tita Swannie [Susan Roces, FPJ’s wife], lalo na kapag nagkaroon sila ng kaunting tampuhan, ang kinakanta ni Coriks ay yung 'Sunshine.'

“So, darating na si Koriks sa bahay nila, si FPJ, ‘Sunshine.’

“Yun lang yun lang [kinakanta niya] paulit-ulit, ang Sunshine."

Sabi pa ni Ogie, “Ngayon, ang gusto ko ibahagi sa inyo, mga Kapamilya, mga madlang pips [pipol], ang nakita ko kay Rico na sobrang special sa akin, kasi ang daming pagkakataon na magkasama kami, but lingid sa kaalaman ng napakarami, si Rico J. ay isang ispiritwal na tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lahat ng concerts namin, siya lagi nagli-lead ng prayer.

“Rico was very, very close to God.

“At mapapanatag ang ating kalooban na si Coriks ay siguradong anghel na anghel na po ngayon.

“So Rico J., I love, we love you, thank you for the memories.”

JHONG HILARIO

Espesyal naman daw para kay Jhong Hilario ang pinagsamahan nila ni Rico.

Bukod kasi sa It’s Showtime, nagkasama rin sila sa konseho ng Makati City dahil pareho silang nanilbihan bilang city councilors.

Kuwento ni Jhong, “Ako naman, si RJP, hindi lang naman kami dito nagkikita… iyan kasi ang tawagan namin dun sa city hall, RJP.

“Kasi masyadong mahaba kapag sinasabing Rico J. Puno, kaya RJP.

“Sa city hall, masayahing tao rin talaga siya.

“Alam mo, kapag nagsi-session kami, di kapag nagru-roll call dapat ang sagot mo ‘Present.’ Siya ay ‘Aye.’

“Nasa nominal voting na kaagad siya. Kapag nag-nominal voting naman kami, [sagot niya] ‘Present.’

“So, yun, parang talagang gagawa siya ng paraan para hindi maging masyadong seryoso, di ba, para masaya, yun ang gusto niya.

"E, total entertainment nga, di ba, yun ang gusto niya, mapasaya tayong lahat.”

Ikinuwento rin ni Jhong ang masaya nilang pinagsamahan sa kampanya.

“Nung mangangampanya kami nung last campaign, e, siyempre ako yung sumasayaw, siya yung kumakanta.

"Sasabihin niya sa akin, ‘Uy, palit naman tayo, ako naman ang sasayaw, ikaw naman ang kumanta.’"

Gumigiling na muwestra pa ni Jhong, “Biro mo, 62 years old, gumaganun-ganun pa.”

Pagtatapos ni Jhong, “Alam mo, si RJP, angel na natin ngayon iyan. Gagabayan na tayo ngayon niyan.

"Sa akin lang, sabihin [ko] na siya ang taong naughty but nice.

“Lahat nung mga green jokes na binabato niya, pero lahat tayo tumatawa run.

“Lahat tayo, nakakalimutan yung problema run.

“Kaya, RJP, hindi lang ang buong showbiz ang nalulungkot, pati ang buong Makati na napamahal na rin sa iyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero ganunpaman, nagpapasalamat kaming lahat sa memories, sa music na ibinahagi mo sa amin."

MITOY YONTING

Itinuturing naman ni Mitoy Yonting na napakasuwerte niyang tao dahil nakatrabaho niya si Rico.

Pahayag niya, “Isang napakasuwerteng nilalang na makatrabaho si Coriks, bukod dito sa pagiging hurado at saka sa Home Sweetie Home.

“At sa mga ibang raket na isinama niya ako at idinamay, kung saan-saan ako dinala.

“Idol ko siya, idol nating lahat.

“Dudugtungan ko lang yung sinabi ni Ma'am Dulce, sinabi niya na, 'Kung ano yung kantang pinalakpakan ka ng mga tao, lagi mong gagawin, lagi mong kakantahin yun. Huwag mong iibahin.'"

Lagi rin daw siyang sinisita noon ni Rico sa kanyang pananamit sa mga raket na pinagsamahan dahil lagi lang  siyang naka-T shirt.

Kuwento ni Mitoy, “Yung huling pagsasasama namin sa Aliw three weeks [ago] siguro, sa may Aliw Theater, pinuri niya ako kasi nagbihis ako, e.

“At biniro ko pa siya nun kasi magkasunod kami ng production number, ako ang una.

"Sabi ko, ‘Hindi ko na hahabaan yung part ko kasi tulog na yung kasunod ko dahil si Coriks nga.'

“Ganun mga biruan namin. Coriks, love you.”

AMY PEREZ

Hindi naman makakalimutan ni Amy Perez ang tawag na "sexy" sa kanya ni Rico.

Kuwento niya, “Ako siguro, nakasama ko siya ng mahabang panahon during the first episode ng Showtime, hurado kami nun, nandun kami sa taas.

“Yun yung pinakamatagal na linggo, halos inabot ng buwan na magkasama kami na magkatrabaho/

"'Tapos tuwing babatiin niya ako, lagi niyang sinasabi, ‘Kamusta ka, sexy?’

“Sabi ko sa kanya, ‘Nahiya ako, huwag mo [ako] gaganyanin, kakapanganak ko pa lang.’

“’Sexy ka,’ gumagaganyan siya lagi sa akin.

“So we will miss you, Coriks, we will miss your music.

“Nung isang araw nga, pauwi ako sa bahay, pinakinggan ko lahat ng kanta mo na tinutugtog ko noong nasa radyo pa ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Maraming-maraming salamat sa lahat ng mga magagandang awitin na ibinigay mo sa aming lahat and we will miss you.”

Sa Huwebes, November 8, ihahatid sa kanyang huling hantungan si Rico J. Puno.


ABOUT THE AUTHOR

Lead Correspondent, Top Story Man '12, Stringer of the Year '13, Top Contributor '14, Staff Reporter of the Year '15-'16 @arnielcserato (Twitter/Instagram)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN