Janelle Manahan recalls getting blacklisted by Star Magic; says Ram Revilla was at fault

IMAGE Arniel Serato / CTTO

Sinariwa ni Janelle Manahan ang sapilitang pagpigil sa kanya ng dating nobyong si Ram Revilla na mag-taping ng ABS-CBN prime time series na kinabibilangan niya noon: "Yung Day 1 ng shoot, kinuha ni Ramgen yung phone ko. Pinatay niya."


Aminado si Janelle Manahan na dala ng kabataan niya noon ay ginawa niyang sentro ng kanyang buhay ang boyfriend na si Ram Revilla—o Ramgen Bautista sa totoong buhay.

Kaya nang pagdaanan daw niya ang malagim na trahedya ng pagkamatay ni Ram, isa sa mga natutunan ni Janelle ay ang patatagin ang kanyang kalooban at tumayo sa sariling paa.

Si Janelle ay finalist sa artista search ng ABS-CBN na Star Circle Quest Season 2, kung saan ang itinanghal na Grand Teen Questor ay si Erich Gonzales noong 2004.

Si Ram ay isa ring artista na nakatakda sanang pasukin ang pulitika.

Ngunit pinaslang si Ram ng hired killers sa bahay nito sa BF Homes, Parañaque City bago maghatinggabi noong Oktubre 28, 2011.

Nasaksihan ni Janella ang krimen at muntik na rin itong masawi dahil kasama siya ni Ram sa kuwarto nito noong gabi ng insidente.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 26, hindi lang ang kuwento ng pagpaslang kay Ram ang inilahad ni Janelle.


Stories We Are Tracking

Janelle Manahan looks back at Ram Revilla's murder in 2011
Janelle Manahan looks back at Ram Revilla's murder in 2011

Binalikan din ni Janelle ang makulay na relasyon nila ni Ram at kung paanong puwersahan siyang pinatigil nito sa pag-aartista noong 2008.

“Gusto ko siya [showbiz career] bago ako tumigil. Na-force lang ako tumigil because of Ramgen," bungad ng dalaga. 

"Meron akong launching soap, The Wedding, na ang bida ay sina Zanjoe Marudo at Anne Curtis.

“Part talaga ako ng cast nun. Parang kapatid ko 'ata dun si Zanjoe.

“OK na siya, naka-set na lahat, ready to go.

“Tapos yung day one ng shoot, kinuha ni Ramgen yung phone ko. Pinatay niya.”

Sobrang selosong boyfriend daw kasi si Ramgen, at ura-uradang hindi siya pinasipot sa taping ng The Wedding.

Patuloy ni Janelle, “Ayaw niya kasi yung role ko dun, meron akong tatlong love team.

“Umiiyak ako, kasi sabi ko, ‘At least allow me to tell them na hindi na ako pupunta.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala. Pinatay niya. Itinago niya yung phone.”

Magka-live-in na sila ni Ramgen noon at wala raw siyang magawa nang pagbawalang siya nitong makipag-usap kahit kanino. 

Balik-tanaw ni Janelle, “Wala. Nasa kuwarto ako. Kulong ako. Kulong mode ako for one week.

“Wala akong phone for one week.

“Dun nagalit sa akin ang Star Magic.”

"BLACKLISTED" BY STAR MAGIC

Noong panahong iyon ay alaga si Janelle ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.

Ni hindi raw niya kasi nasabi sa kanyang manager kung bakit bigla siyang hindi sumipot noong araw ng kanyang taping para sa The Wedding.

Hindi ba niya ginawan ng paraan na makausap ang Star Magic noon?

Sagot ni Janelle, “Trinay ko naman after... Minessage ko yung manager ko nun. Pero too late, di ba?”

Hindi na rin daw siya nakahingi ng dispensa sa noo’y Star Magic Head na si Johnny Manahan o mas kilala sa showbiz circles bilang Mr. M.

Saad niya, “Walang chance. Sorry Mr. M!

“Sorry sa buong production talaga na yun.

“Sobrang nakakahiya talaga.”

Bandang 2010 nang subukan daw ulit ni Janelle na makipag-usap sa Star Magic, dahil gusto niya noong bumalik sa showbiz.

Pero by that time ay “blacklisted” na raw siya sa Star Magic.

Kuwento pa ni Janelle sa kagustuhan niyang mag-artista noon, “Nag-try ako. Kasi siyempre gusto ko dun pa din.

“Sinubukan kong bumalik through Tito Boy Abunda.

“Humingi na ako ng tulong, 2010 ata, so dun na.

“Kasi hindi na ako tinatanggap ng Star Magic. Wala na talaga, e. Blacklisted."

Ang pinanghihinayangan daw ni Janella ay iyong hindi niya naipaliwanag nang husto ang sitwasyon niya noon.

"Yun ang hindi ko nasabi sa kanila, na hindi ko talaga kasalanan. 

"Akala nila bigla na lang ako naging unprofessional na hindi pumunta.  

"Naintindihan ko rin naman sila,” pag-amin niya.

TOUGH SHOWBIZ WORLD

Bilang dating artista, naiintindihan daw ni Janelle ang ibang artistang nakararanas ng depresyon dahil sa tindi ng kumpetisyon sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Grabe yung insecurities ko nun kasi siyempre, di ba, ang daming artista?

“Kasi makikita mo yung kasama mo andami niyang guestings, andami niyang regular show, 'tapos ikaw, eto.

“Nakaka-depress dun yung iisipin mo yung self-worth mo, ‘Bakit ako, hindi ganyan? Hindi ba ako enough?’"

Patuloy ni Janelle, “Kapag hindi ka kasi super sikat, or hindi ka sikat generally, mag-o-audition ka talaga for the shows.

“'Tapos hindi ka makukuha. Ayan na naman, ‘Bakit ganyan?’

“Ang bata ko kasi nag-start, 14.

“So nagkaroon ako ng depression din. Pero mukhang na-cope ko naman siya nang maayos.

“Hindi mo talaga siya maiiwasan.”

Sa ngayon, isa nang top financial adviser sa isang insurance company at independent broker si Janelle.

Masaya na rin siya sa kanyang tahimik at pribadong buhay.

Sabi pa ni Janelle sa kanyang desisyong tuluyang itigil ang pag-aartista, “Hindi kasi siya talaga stable.

“Kung super-mega sikat ako, why not? Pero kahit naman super sikat mo, for how long lang iyan?

“Konti lang talaga yung nagla-last.”

Pero para sa mga pursigidong gawing karera ang pag-aartista, ipinaalala ni Janelle na dapat ay mas magpokus sa sariling kakayahan.

Pahayag niya, “Before, nung time ko, nung bata ako, more on looks talaga, e.

"Kahit mas talented yung isa, e, mas maganda rehistro nito sa screen, so eto ang pipiliin.

“So siguro pinaka-advice ko lang, huwag nila i-try na, ‘Ay, ang ganda niya. Dapat mas maganda ako sa kanya.’

“Kasi, iba-iba naman yung puwedeng roles… May paglalagyan naman."

Naalala rin ni Janelle ang payo sa Star Circle Questors noon kung paano magkaroon ng “staying power” sa showbiz.

Saad niya, “OK lang kahit hindi ka super sikat, pero ang tagal mong nandiyan.

“Kesa sobrang sikat mo ngayon, biglang wala. Mas OK yung steady lang.

“Tsaka kanya-kanyang time lang.”  


ABOUT THE AUTHOR

Follow Rachelle Siazon on Twitter: @pinkshi


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN