In Memoriam: Rico J. Puno, TJ Cruz, other celebs who passed away in 2018

IMAGE Rico J. Puno Facebook / @lynncruz525 Instagram / Bernardo Bernardo Facebook / File

In memoriam: (L-R) Total Entertainer Rico J. Puno, former child actor TJ Cruz, stage/film/TV actor Bernardo Bernardo, and actress-writer Mely Tagasa were some of the celebrities who passed away this 2018.


Bago magtapos ang 2018, nais alalahanin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga tiga-showbiz na pumanaw ngayong taon.

Bukod sa mga artista, kasama rin dito ang mga direktor, fashion designer, at singer na nagpamalas ng kanilang talento at dedikasyon sa trabaho, at nagbigay-saya at inspirasyon sa kanilang mga tagahanga.

RICO J. PUNO

Noong October 30, binawian ng buhay si Rico J. Puno dahil sa cardiac arrest.

Siya ay 65 years old.

Matagal nang may sakit sa puso ang OPM legend na tinaguriang Total Entertainer.

April 26, 2015 nang sumailalim si Rico sa triple bypass surgery.

Napag-alaman daw na malaki ang kanyang puso at ang aorta nito ay may sugat na.

Matapos lagpasan ni Rico ang health scare na iyon, nagpatuloy siya sa pagtatrabaho at pagbibigay-saya sa kanyang fans.

Nanatili siyang mainstay ng ABS-CBN sitcom na Home Sweetie Home, at panay pa rin ang labas niya sa concerts at ilang shows.

Nitong 2018, napanood siya bilang hurado sa It’s Showtime at guest star sa prime-time series na FPJ’s Ang Probinsiyano.

Sa huling panayam ni Rico sa PEP.ph, noong October 2018, nasabi pa niyang bokasyon niya ang gamitin ang talentong ibinigay sa kanya ng Diyos.

Lahad niya, "Nasabi ko nga noon, only God can stop me from singing. Siya lang ang puwedeng magsabi na, 'Rico, you're done!'

"Pero ramdam ko na gusto pa rin ni Lord magtuluy-tuloy pa ako sa pagbigay ng saya at makapagsilbi pa tayo sa maraming tao.”

Bukod dito ay nagsisilbi si Rico bilang konsehal ng Makati, at naghain pa ng kanyang kandidatura sa pagkakonsehal para sana sa 2019 elections.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa pagpanaw ni Rico, bukod sa kanyang mga walang-kamatayang awitin, nag-iwan din siya ng mga magagandang alaala na mananatili sa puso ng mga taong napasaya niya at hanggang ngayon ay nagmamahal sa kanya.

 IMAGE Rico J. Puno Facebook

TJ CRUZ

Pumanaw si Tristan Jedidiah Cruz, 37, matapos ang anim na buwang pakikipaglaban sa pancreatic cancer.

Kilala sa palayaw na TJ o Teejay, siya ang panganay na anak nina Tirso Cruz III at Lynn Ynchausti.

Nakilala si TJ bilang child actor sa '90s youth-oriented show na Ang TV. Napanood din siya sa mga pelikulang Eskapo at Roller Boys (1995).

Sa panayam ng PEP Troika kay Lynn, ikinuwento niya na proud si TJ na matawag na “Mama’s boy.”

Noong mga huling buwan bago bawian ng buhay si TJ, silang mag-ina ay sabay na gumigising ng 5 a.m., nagdarasal, at nanatiling matatag sa kabila ng paghihirap ng binata dala ng karamdaman, hanggang sa dumating sa puntong sinabi raw ni TJ, “Ma, pagod na ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saksi sa paghihirap ng anak, binulungan daw ni Lynn si TJ na kapag nasilayan nito ang liwanag ay sundan niya iyon at sumama na sa Panginoon.

Bago nagkasakit, si TJ ay nagtatrabaho sa administration office ng St. Luke's Medical Center Global City.

Isa rin siya sa co-founder ng Spike For Hope, ang fundraising volleyball tournament para sa Make A Wish Philippines non-profit organization. 

 IMAGE @lynncruz525 Instagram

BERNARDO BERNARDO

Ang beteranong stage-movie actor na si Bernardo Bernardo ay binawian ng buhay noong May 8, 2018.

Siya ay 73 years old.

Hindi malinaw kung ano ang sanhi ng pagpanaw ni Bernardo, na mas tinatawag na Bernie. Ngunit nauna nang inamin ng aktor na Enero nitong taon nang matuklasang mayroon tumor sa kanyang pancreas.

Bilang isang aktor, hindi malilimutan ang pagganap ni Bernardo sa 1980 film na City After Dark, na tinuturing ng maraming kritiko bilang Best Filipino Film of all time at nagpanalo kay Bernie ng Best Actor sa Gawad Urian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa TV naman, tumatak sa manonood ang kanyang role bilang Steve Carpio sa ABS-CBN sitcom na Home Along Da Riles, na umere mula 1992 hanggang 2003, at pinagbidahan ng yumao na ring Comedy King na si Dolphy.

Huli siyang napanood sa pelikulang Ang Larawan noong Metro Manila Film Fest (MMFF) 2017.  

 IMAGE Bernardo Bernardo Facebook

MELY "MISS TAPIA" TAGASA

Pumanaw ang batikang aktres at manunulat na si Mely Tagasa, 82, noong March 24, 2018.

Isang linggong na-comatose si Mely dahil sa stroke.

Dalawang araw bago pumanaw si Mely, malungkot na ibinahagi ng anak niyang si Gina Marissa Tagasa-Gil, na kinailangan nang tanggalin ang respirator ng aktres.

Nasabi rin noon ni Gina na tanggap ng kanilang pamilya kung ano man ang kalooban ng Diyos.

Ang huling public appearance ni Mely sa publiko ay nang personal niyang tinanggap ang kanyang Walk of Fame star noong November 2017.

Nakilala si Mely sa kanyang pagganap bilang Miss Tapia sa IBC-13 sitcom na Iskul Bukol, mula 1978 to 1987, o sa loob ng 15 taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
 IMAGE File photo

SPANKY MANIKAN 

Noong January 14, 2018, pumanaw ang batikang aktor na si Spanky Manikan matapos ang pakikipaglaban nito sa stage four lung cancer.

August 2017 nang maiulat ang tungkol sa karamdaman ng aktor at sa pagsasailalim niya sa chemotherapy.

Siya ay 75 years old.

Huling napanood si Spanky sa GMA Network primetime series na My Love From The Star. Gumanap siya dito bilang Mr. Jang, ang matalik na kaibigan ni Matteo Domingo, na ginampanan ng baguhang aktor na si Gil Cuerva.

Umeere pa noong July 2017 ang teleserye nang kinailangang iwan ni Spanky ang show dahil sa lumalalang health condition niya.

 IMAGE Web

PITOY MORENO

Pumanaw ang tinaguriang fashion czar ng Pilipinas na si Pitoy Moreno dahil sa cardiac arrest noong January 15.

Siya ay 87 years old.

Naging tanyag ang mga gawang Barong Tagalog at Maria Clara gowns ni Pitoy simula pa noong 1950s.

Na-feature ang kanyang mga creation sa mga sikat na international fashion magazines, katulad ng Vogue, Harper's Bazaar, Holiday, Le Figaro, at Women's Wear Daily, kung saan ang kanyang mga obra ay gawa sa jusi, piña, at lepanto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa loob ng kanyang 60-year career ay kinilala siya sa larangan ng fashion design.

 IMAGE Pitoy Moreno Facebook

ARTURO SAN AGUSTIN 

Ang veteran film director na si Arturo “Boy” San Agustin ay pumanaw dahil sa sakit na aortic aneurysm.

Siya ay 70 years old nang bawian ng buhay noong June 21.

Ang aortic aneurysm ay ang paglaki ng aorta sa puso nang mas malaki sa 1.5 times kumpara sa normal size nito.

Kapag nag-rupture ang aorta, magkakaroon ng massive internal bleeding na maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng taong may ganitong karamdaman.

Tatlong dekada ang itinagal ng karera ni Direk Boy bilang direktor, writer, at producer.

Karamihan sa kanyang mga pelikula ay pinagbidahan ng malalaking action stars sa bansa, tulad nina Fernando Poe Jr. sa Kapag Puno Na Ang Salop (1987), Lito Lapid sa Tadtarin Ng Bala Si Madelo (1989), Robin Padilla sa Manila Boy (1993), at Anthony Alonzo sa Hulihin si Pepeng Magtanggol (1981).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
 IMAGE Facebook

MIKE RELON

Ang batikang direktor na si Mike Relon ay pumanaw dahil sa sakit na cancer noong October 11.

Siya ay 86 years old.

Nang ma-confine ito sa ospital noong June, doon lang nalaman ang tungkol sa kanyang sakit.

Sa halos 30 taong pagiging aktibo niya bilang direktor at screenwriter, mula late '70s hanggang early 2000s, ay nakagawa si Direk Mike ng halos 90 pelikula.

Karamihan sa mga ginawa niyang pelikula ay may temang comedy at action na pinagbidahan nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon.

Ilan sa mga ito ay Mr. One-Two-Three (1980), Iskul Bukol (1980), Tartan (1981), Ma'am May We Go Out? (1985), Doctor, Doctor, We Are Sick (1985, with Vilma Santos), Send in the Clowns (1986), Ready!... Aim!... Fire!... (1987), at Fly Me to the Moon (1988).

Nakagawa rin siya ng pelikula na pinagbidahan ni Chiquito, ang Mang Kepweng's Final Conflict (1981); ni Herbert Bautista, ang Like Father, Like Son (1985); Roderick Paulate, ang Kumander Gringa (1987); at Comedy King Dolphy, ang May Pulis sa Ilalim ng Tulay (1989).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
 IMAGE Mike Relon blog

CHRISTOPHER AD CASTILLO 

Noong August 19, binawian ng buhay ang film director na si Christopher Ad Castillo dahil sa cardiac arrest at kumplikasyong sanhi ng diabetes.

Siya ay 54 years old.

Si Christopher ay panganay na anak ng yumaong batikang direktor na si Celso Ad Castillo.

Ilan sa mga indie films na ginawa ni Christopher ay ang The Diplomat Hotel (2013) at In Darkness We Live (2014).

 IMAGE Facebook

NONONG DE ANDRES

Noong November naiulat na pumanaw ang veteran character actor na si Nonong de Andres, o mas kilala sa showbiz bilang si “Bangkay.”

Siya ay 71 years old.

Dalawang bersyon ang sinasabing sanhi ng pagkamatay ni Nonong.

Sa ulat ng ABS-CBN News Online, kinumpirma ng pamangkin ni Nonong na namatay ang aktor sa bahay ng kaibigan nitong alkalde sa Plaridel, Quezon.

Bago pumanaw ay may sakit daw itong emphysema at iba pang karamdaman.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News Online, nakasaad na natagpuan si Nonong na walang buhay sa isang beach resort sa Quezon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hinihinalang nagpakamatay diumano ang aktor.

Ang screen name ni Nonong na Bangkay ay nakuha niya mula sa character roles na ginampanan niyang sa ilang horror films.

Nitong huli ay nakilala siya bilang “Banky” sa ABS-CBN prime-time series na Forevermore, na pinagbidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil noong 2016.

 IMAGE ABS-CBN News Online

WILLIAM THAYER JR.

Noong September 14 ay binawian ng buhay si William Thayer Jr., ang assistant director sa GMA-7 prime-time series na Onanay.

Siya ay 49 years old.

Nag-collapse si William sa gitna ng taping ng Onanay.

Kaagad itong isinugod sa kalapit na ospital sa Quezon City, pero di nagtagal ay na-comatose na rin siya.

Pagkalipas ng ilang oras ay tuluyan na itong pumanaw.

Ang ilan pang programa sa GMA-7 kunsaan nagsilbing assistant director si Thayer ay ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka (2018), The One That Got Away (2018), Destined To Be Yours (2017), Someone To Watch Over Me (2017), at Little Nanay (2015-2016).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
 IMAGE Facebook

ALONA ALEGRE 

Ang dating aktres at sex symbol na si Alona Alegre ay pumanaw noong December 9.

Napag-alaman ng PEP.ph na binawian ito ng buhay dahil sa asthma at cardiac arrest.

Kilala si Alona bilang leading lady ni Fernando Poe Jr. sa 1973 movie na Esteban.

Kinunan ang mga eksena nito sa isang beach resort sa Barangay Tawala, Panglao, Bohol.

Dahil dito ay ipinangalan kay Alona ang Alona Beach, na isa sa sikat na tourist destinations sa Panglao.

 IMAGE Tagumpay cover

CHRISTIAN PASNO 

Severe traumatic brain injury ang ikinamatay ng The Voice Kids Season 2 semifinalist na si Christian Pasno, 13.

May 13 nang maaksidente ang minamaneho nitong motorsiklo sa Barangay Mabalanoy, San Juan, Batangas.

Ayon sa police report, bukod sa mabilis ang pagpapatakbo ni Christian ay walang headlight ang motor nito.

Kaya marahil ay hindi nito napansin ang tambak na lupa sa isang madilim na lugar, na naging sanhi ng aksidenteng pagtilapon ni Christian at pagkabagok ng ulo nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakilala si Christian sa The Voice Kids Season 2 nang maging bahagi siya ng Camp Kawayan ni Coach Bamboo, noong 2015.

Inawit niya sa audition ng ABS-CBN reality show ang sikat na kanta ng rockstar na "Ika’y Mahal Pa Rin."

 IMAGE Screen cap from The Voice Kids Season 2


ABOUT THE AUTHOR

Follow Rachelle Siazon on Twitter: @pinkshi


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN