Dennis Trillo insists he hasn't proposed to Jennylyn Mercado yet

IMAGE @dennistrillo on Instagram

Dennis Trillo on marrying girlfriend Jennylyn Mercado: "May plano kami pero hindi naman namin minamadali yung mga bagay."


Iginiit ni Dennis Trillo, 37, na hindi pa siya nagpu-propose sa longtime girlfriend niyang si Jennylyn Mercado, 31.

“Sa industriyang ito, siyempre kapag nag-propose, imposible namang hindi niyo malalaman!” natatawang sabi ng Kapuso actor.

Inamin ni Dennis na napag-uusapan na nila ang pagpapakasal pero hindi raw sila nagmamadali.

“Wala... may plano kami pero hindi naman namin minamadali yung mga bagay.

“Well, pinag-uusapan namin. Siyempre, hindi naman puwedeng hindi mapag-usapan yung mga ganung bagay.

“Kasunod nun, siyempre yung pagpi-prepare namin for the future.”

Hindi pa raw masabi ni Dennis kung kailan sila magpapakasal ni Jennylyn.

“Hindi ko pa masabi, e. Pero preparation stage na.”

Paliwanag pa niya, “Lahat naman ng bagay, bago siya mabuo, kailangan may preparasyon.”

Kahit hindi pa sila kasal, marami nang pinagdaanan ang relasyon nina Dennis at Jennylyn.

Nagkaroon ng kung anu-anong intriga, nagkahiwalay, nagkabalikan, at ngayon ay masasabing matatag na ang pagsasama nila.

Proud ba si Dennis sa relasyon nila ni Jennylyn?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre naman, oo naman,” sambit ng aktor.

“Hindi rin biro ang pinagdaanan ng relasyon namin.

“Pero alam niyo na, pagkatapos ng lahat ng yun, ang importante, magkasama pa rin kami at masaya kami.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa taping ng GMA-7 prime-time series na Cain at Abel.

MAKING IT REAL

Malapit nang magwakas ang Cain at Abel, kung saan kasama ni Dennis si Dingdong Dantes.

Habang si Jennylyn naman ay nagsisimula ng bagong teleserye sa Kapuso network din, ang Love You Two.

Ang huling pinagsamahan nilang proyekto ay ang My Faithful Husband noong 2015. 

Kung sakali, gusto raw nilang magkasama ulit sa isang teleserye.

“Oo naman, oo naman,” pakli ni Dennis.

“At saka, masarap siyang katrabaho, maganda yung huling ginawa ko na kasama siya. Magaling.

“Gusto kong makatrabaho yung mga seryoso sa trabaho.”

Sa Cain at Abel, si Sanya Lopez ang leading lady ni Dennis.

Bago magsimula ang prime-time series na ito ng GMA-7, nagpahiwatig si Sanya na may kaba siyang mga batikang aktor ng Kapuso network ang mga makakaeksena niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sabi ni Dennis, hindi naman niya naramdaman iyon kay Sanya.

Saad niya, “Hindi niya ipinahalata na ilang taon pa lang siya sa industriya.

“Kumbaga, tina-try niyang makipagsabayan. Binibigay niya yung best niya.

“Matagal siyang makipagdiskusyon sa acting coach.

“Hindi mo mararamdaman na kinakabahan, seryoso rin siya at alam mong may gustong patunayan.”

Natawa si Dennis nang maalala kung saan kinakabahan si Sanya—sa mga eksenang may sampalan.

“Kinakabahan siya kung gagawin ba niya o hindi,” pambubuko niya sa leading lady.

“Pero sabi ko sa kanya, ‘Basta kung maramdaman mo lang, gawin mo. Sabihin mo lang kung itutuloy mo para alam ko, huwag mo akong gugulatin masyado.’

“E, malakas yun manampal!”

Pero mas gusto raw ni Dennis na totohanan ang sampalan sa mga ganung eksena.

Sino sa naging leading ladies niya ang pinakamalakas sumampal?

“Baka si Sanya!” ang natawang sagot niya.

"Namula, e, naiwan ang marka ng kamay niya."

Posibleng dahil doon kaya natakot na si Sanya kapag ang eksena ay kailangan siyang sampalin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Okay lang naman, kasi mas nakakatulong na mag-react ka nang tama kapag medyo totoo ang ginawa sa ‘yo,” sabi ni Dennis.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN