Mahirap paniwalaan, pero totoo.
Lumapit si Arnell Ignacio sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para humingi ng tulong dahil napakamahal ng presyo ng gamot para sa kanyang ama na natuklasang may Stage 4 prostate cancer.
Nawalan ng panahon si Arnell sa kanyang pamilya at showbiz career mula nang manilbihan siya sa administrasyon ni President Rodrigo Duterte.
Ang pagkakasakit ng ama ang isa sa mga dahilan kaya nagpasya si Arnell magbitiw sa tungkulin niya bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Tinalikuran ni Arnell ang entertainment industry dahil sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya ng pamahalaan, kaya tinanggihan niya ang lahat ng mga television guesting at hosting jobs.
Pero matindi ang naging realization ni Arnell nang bibili na siya ng gamot para sa kanyang ama.
Lahad niya, "Ang nagbangon sa isip ko na I really need to work, to make a decision, noong bibili na ako ng gamot.
"Yung gamot, P90,000 ang isang bote.
"So ito, nagiging concern ko na, and ang pinakamatindi sa akin, alam niyo naman sa government, hindi kami puwedeng kumita dito, that’s why I called Secretary Bello.
"'Sec., alam niyo naman, ang kita ko rito, ganito lang.'"
Ang tinutukoy ni Arnell ay si Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE), na siyang may sakop sa OWWA.
Patuloy ni Arnell, "Last December, lahat ng mga in-offer sa akin, I just said no.
"Ang Probinsyano, I said no; several hosting jobs, I said no.
"Noong bandang huli, noong kinukuwenta ko na, ang laki ng nawawala sa akin and medyo masakit na."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Arnell sa Annabel's restaurant, Timog Avenue, Quezon City, ngayong Miyerkules, February 27.
Saad pa ng TV host-singer, "Noong nagtatrabaho ako [sa showbiz], hindi yun mabigat na… mabigat, pero hindi naman natin iindahin.
"Ngayon, kailangan kong mag-isip. Imagine niyo, sa DSWD, lumapit ako.
"Magsa-submit ako ng medical abstract, ng certificate of indigency, social case study… letter of request…
"I can still work, but my current position is preventing me from earning, and hindi na po biro ang isinasakripisyo ko.
"My God, you really know how much I want to give, but then the task is asking for something I cannot give anymore.
"I just want to work again, not because ayaw ko na sa government. I love my job, I met some very wonderful people in the government.
"But then, ang hinihingi sa akin, hirap na akong ibigay."
Dalawang beses na napaluha si Arnell dahil mabigat sa kanyang puso na iwanan ang public service.
Tinatawanan na lamang niya ang akusasyong nagbitiw siya sa trabaho dahil malaki na raw ang perang nakulimbat niya sa gobyerno.
Kung totoo ang mga bintang kay Arnell, hindi na raw sana siya hihingi ng tulong sa DSWD para sa pagpapagamot sa kanyang amang may sakit.