Engaged na ang dating Goin' Bulilit child actor na si Carl John Barrameda, 25, sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Nikolai Cimatu.
Sa Instagram post ng dating child actor noong February 19, sinabi niyang: "She said YES! I love you! @nikolaicimatu."
Sa kasunod niyang post noong February 20, nakalagay sa caption ni Carl: "Dati sa monggo ako lumuluhod. Ngayon sa future wife ko na."
Sa kanyang Facebook account, bumuhos din ang congratulatory messages para sa dating comedy child actor.
Sa pamamagitan ng Facebook messaging, eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Carl kagabi, February 28.
Panimula ni Carl, "Nung February 19 po ako nag-propose sa kanya.
"Sa Hong Kong po ito nangyari."
Dagdag pa niya, anim na taon na ang relasyon nila ng 25-year-old non-showbiz girlfriend.
Kailan nila planong magpakasal?
Tugon ni Carl, "Ang target po namin ay March next year."
Si Carl ay kasama sa unang batch ng Goin' Bulilit mula 2005 hanggang 2007.
Ilan sa mga ka-batch niya ay sina Sharlene San Pedro, Jane Oineza, CJ Navato, Steven Fermo, Kristel Fulgar, Kiray Celis, Miles Ocampo, John Manalo, Eliza Pineda, Katrina “Hopia” Legaspi, Igi Boy Flores, Aaron Junatas, at Kathryn Bernardo.
Makikita naman sa Facebook post ni Carl na patuloy pa rin ang ugnayan nila ng ilan sa original cast ng kiddie gag show na sina John, Igi Boy, at Steven.
Bukod sa Goin' Bulilit, nakasama rin noon si Carl sa sikat na prime-time series ng ABS-CBN na Mga Anghel na Walang Langit.
Samanatala, si Nikolai naman ay 4th year student sa University of Santo Tomas, College of Fine Arts and Design, major in Advertising.
Congratulations!
