Nagkamaling ianunsiyo ng longtime publicist ni Tanya Roberts ang pagpanaw ng dating Hollywood actress, na kalaunan ay nakumpirmang buhay pa.
Si Tanya, 65, ay kilala sa pagganap bilang leading lady ni Roger Moore sa James Bond film na A View To A Kill noong 1985.
Ilang taon ding naging bahagi si Tanya ng defunct American sitcom na That 70’s Show (1998-2006).
Nitong Linggo ng gabi, January 3 (Lunes ng umaga sa Pilipinas, January 4), iniulat ng maraming international media outlets na pumanaw na si Tanya.
Ang report ay batay sa anunsiyo ng publicist niyang si Mike Pingel.
Ang malungkot na balita ni Pingel ay nanggaling sa longtime partner ni Tanya na si Lance O’Brien, na kasama ng dating aktres sa ospital.
PUBLICIST REFUSES TO REVEAL TANYA’S ILLNESS
December 24 nang isinugod sa Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angeles si Tanya.
Nawalan kasi ng malay si Tanya sa bahay niya sa California matapos ipasyal ang kanyang aso.
Hindi sinabi ni Pingel sa media kung ano ang sakit ng dating Hollywood actress.
Gayunman, kinumpirma ng publicist na naka-ventilator si Tanya.
Kaagad namang nilinaw ni Pingel na walang kinalaman sa COVID-19 ang sakit ng dating Bond girl.
Pero makalipas ang ilang oras, binawi ni Pingel ang pahayag niyang pumanaw na si Tanya.
Buhay na buhay pa raw ang dating Hollywood actress, bagamat “very grim” pa rin ang kondisyon nito, iniulat ng top international entertainment website na Entertainment Weekly.
TANYA IS NOT DEAD
Sa report ng CNN ngayong Martes, January 5, sinabi nitong nakapanayam nila si O’Brien nitong Linggo ng gabi.
Sinabi raw ni O’Brien sa CNN na labis ang panlulumo nito nang magpaalam kay Tanya nang gabing iyon bago nilisan ang ospital para saglit na umuwi ng bahay.
Buo raw ang paniniwala ni O’Brien na iyon na ang huling pagkakataong makakapiling niya si Tanya.
Pagsapit ng Lunes ng umaga, nakatanggap daw ng tawag si O’Brien mula sa ospital at kinumpirmang buhay pa si Tanya.
Mahihinuhang tumawag ang ospital kay O’Brien upang pabulaanan ang noon ay kalat na kalat nang balita na pumanaw na ang dating Hollywood actress.
Ayon sa CNN, nagkataon namang ini-interview ng CNN Inside Edition si O’Brien nang tawagan ito ng ospital.
“I'm so happy,” sinabi ni O'Brien sa Inside Edition matapos niyang ibaba ang telepono.
Taong 2005 nang huling beses na napanood sa telebisyon si Tanya, nang gumanap siyang Elle sa series na Barbershop.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.