Pumanaw na ang dating fashion anchor ng CNN na si Elsa Klensch sa edad na 92.
Sa ulat ng CNN ngayong Sabado, March 5, 2022, nakasaad na sa New York City binawian ng buhay si Klensch.
Siya ay nakilala bilang host at producer ng Style with Elsa Klench na umere sa CNN mula 1980 hanggang 2001.
Pioneer siya ng fashion journalism sa telebisyon dahil noong '80s ay ang kanyang TV crew lamang ang nagpasimuno sa pag-cover ng fashion events.
Dahil sa kanyang segment, naipapalabas sa telebisyon ang pagrampa sa runway ng mga modelo sa fashion shows at pati na rin ang mga backstage interview na ginagawa niya.

Ayon sa allamericanspeakers.com, mayroong five daily segments si Klensch kunsaan nag-uulat siya tungkol sa fashion, beauty, at decorating.
Isa sa original CNN news feature programs ang Style, na kauna-unahang programa tungkol sa design na may regular schedule sa CNN sa U.S.
Bago siya naging bahagi ng CNN, siya ay nagtrabaho bilang fashion reporter at editor sa Vogue, Harper's Bazaar, Women's Wear Daily, at W.
Siya ay ipinanganak sa Cooranbong, New South Wales, Australia.
Nagtrabaho muna siya bilang journalist sa Australia, pati na rin sa London at Hong Kong, bago siya lumipat ng New York City at napadpad sa CNN.
Awtor siya ng illustrated advice book na Style. Nakapagsulat din siya ng apat na mystery novels: Live at 10:00, Dead at 10:15; Shooting Script; Take Two, at The Third Sin.
Noong 1987, pinarangalan siya ng Council of Fashion Designers of America dahil sa kanyang consistent na pangunguna sa pagbalita ng international fashion sa maraming manononood sa telebisyon.
Ang kanyang mister na si Charles Klensch ay nakilala niya noong siya ay nasa Hong Kong.
Noong panahong iyon ay news bureau chief si Charles ng American Broadcasting Company sa Saigon, Vietnam.
Nagpakasal sila noong 1960s, kasagsagan ng war sa Vietnam.
