Pumanaw ang Academy Award-winner composer na si Burt Bacharach sa kanyang tahanan sa Los Angeles, California, noong February 8, 2023.
Siya ay 94.
“It is with saddened hearts that we share the passing of our father, husband and friend. He gave the world so much, and we are eternally grateful.
“The music is always there, so please keep listening. We send our love from team Bacharach, because that’s what friends are for,” opisyal na pahayag ng mga naulila ni Bacharach tungkol sa pagpanaw niya.
Ayon sa publicist ni Bacharach na si Tina Brausam, natural na dahilan ang sanhi ng kamatayan ng legendary musician na lumikha sa mga hindi makalilimutang awit tulad ng Academy Award-winning songs na "Raindrops Keep Fallin’ on My Head" (1970) at "Best That You Can Do" (1982).
Si Bacharach ang composer ng soundtracks ng mga pelikulang What’s New Pussycat? (1965), Alfie (1966), at Casino Royale (1967) na isang James Bond spoof.
Higit na nakilala si Bacharach dahil sa mga collaboration nila ng American singer na si Dionne Warwick.
Kabilang dito ang mga hit song na "Don’t Make Me Over," "Walk On By," "Do You Know the Way to San Jose," "This Girl’s in Love With You," "Alfie, "I'll Never Fall in Love Again," at "That’s What Friends Are For."

Nag-umpisa noong 1950 ang music career ni Bacharach na aktibo sa kanyang propesyon hanggang sa huling sandali ng buhay niya.
Ang "The Story of My Life" (November 1957) ang unang komposisyon ni Bacharach na mainit na tinanggap ng publiko.
Mula noon, nagtuluy-tuloy na ang kanyang tagumpay bilang composer, songwriter, pianist, at record producer.
Kung makulay ang career ni Bacharach bilang musikero, higit na makulay ang kanyang personal na buhay dahil apat na beses siyang nagpakasal.
Ang aktres na si Angie Dickinson, ang lyricist na si Carole Bayer Sager, si Jane Hansen, at si Paula Stewart ang apat na babaeng kanyang nakarelasyon at pinakasalan.

Burt Bacharach and Angie Dickinson
Si Dickinson ang pinakamatagal na asawa ni Bacharach dahil umabot sa labinlimang (15) taon ang kanilang pagsasama.
Biniyayaan sila ng anak na babae, si Nikki Bacharach na may autism (Asperger’s Disorder). Kinitil nito ang sariling buhay sa edad na 40 noong January 4, 2007.
Sa kanyang 2013 memoir na Anyone Who Had A Heart: My Life And Music, ibinahagi ni Bacharach ang matinding pagkabigla at kalungkutang dinanas nang mamatay ang anak nila ni Dickinson.