Unang ipinaalam sa pamilya Benlingan na nasawi si Julieva Benlingan sa nangyaring 7.8 magnitude earthquake na yumanig sa Turkiye at Syria noong February 6, 2023.
Ang Turkish employer ng domestic helper na si Julieva ang tumawag sa pamilya ng huli sa Pilipinas para ipabatid na nadaganan ito ng gumuhong building sa Hatay Province, Turkiye.
Hindi nagtagal, muling tumawag ang amo ni Julieva para iparating sa kanyang pamilya na nakaligtas pala ang OFW.
Naka-survive si Julieva kahit na animnapung (60) oras o dalawang araw at kalahati siyang nasa ilalim ng gumuhong gusali.
Natunton ng rescuers si Julieva dahil sa narinig na ingay mula sa nahawakang kitchenware ni Julieva.

Sa ngayon, kumakalat sa social media ang pambihirang stories ng survivors ng lindol sa Turkiye at Syria, na nakapagtala na ng 40,000 death toll.
JULIEVA WAS BURIED IN THE RUBBLES
Abot-abot ang dasal ng pamilya ni Julieva sa Pilipinas nang mapaulat ang matinding lindol sa Turkiye.
Matapos ang lindol, hindi na nila makontak si Julieva.
Kumapit na lang sila sa pananampalatayang makakaligtas ito.
Nakatanggap sila ng tawag makalipas ang dalawang araw.
Lahad ng kapatid ni Julieva na si Maribel Benlinganl-Liyab sa interview ng Frontline sa Umaga nitong February 14, 2023, “Two and a half days tumawag po yung amo niya telling us na wala na daw po siya [Julieva].”
Natabunan daw ng gumuhong gusali ang Pinay domestic helper.
“Naiwan daw po siya sa building kasi sila [employers] ay na-rescue nine hours after incident.”
Patuloy sina Maribel sa pagkapit sa pananampalatayang mahahanap pa rin ang kanilang kapatid.
“But, we did not give up praying for miracles, all the more that we stormed the heavens crying for life. And indeed God answered our prayers,” Facebook post ni Maribel.
Hindi nagtagal ay muling tumawag ang employer ni Julieva para ipaalam na nakaligtas ang OFW.
“Ligtas po ang kapatid namin. Kaya forever po kaming nagpapasalamat sa Panginoon. Wala po talagang imposible sa Kanya,” ani Maribel.
KITCHENWARE AS SIGNAL FOR HELP
Naiahon mula sa gumuhong building si Julieva, at dinala siya sa intensive care ulit sa ospital via airlift.
Nakausap na raw ni Maribel ang kapatid habang nasa ICU siya.
Maayos na raw ang lagay ni Julieva at nabanggit kung paano siya nailigtas.
Pagbabahagi ni Maribel, “Ang sabi po niya, meron siyang naabot na kitchenware.
“So parang iyon po ang sina-sound off niya na nandon siya dahil hindi na siya makasigaw kasi medyo very weak na daw po siya.
“Kaya meron siyang naabot na tumutunog, yun po ang pinatunog niya nang pinatunog. Nagpapaingay…”

Ang kuha sa pag-airlift kay Julieva nang mailigtas siya ng rescuers. Higit dalawang araw nasa ilalim ng gumuhong gusali ang OFW.
Update ni Maribel tungkol sa kapatid, “Nasabi naman po niya na bumubuti naman po yung kalagayan niya.
“Naitatayo na niya yung paa niya, at puwede na daw po siya nakakaupo.”
Nakipag-ugnayan na raw sina Maribel sa Overseas Workers Welfare Administration at humihingi ng tulong para mapauwi ang kapatid.
“Gusto namin siyang umuwi kung okay na po sana siya physically.”
