Sumakabilang-buhay ang legendary American singer na si Tony Bennett sa New York City ngayong Biyernes, July 21, 2023.
Siya ay 96.
Kinumpirma ng publicist ni Bennett na si Sylvia Weiner ang malungkot na balita.
Naulila ni Bennett ang kanyang apat na anak na sina Danny, Dae, Joanna, at Antonia.
Si Bennett, Anthony Dominick Benedetto sa tunay na buhay, ay isinilang noong August 3, 1926. Nag-umpisa na kumanta sa edad na sampu.
Ang una niyang hit song ay ang "Because Of You" noong 1951.
Ilan pa sa mga pinasikat niyang mga awitin ay "Stranger in Paradise," Rags to Riches," "Who Can I Turn To," "The Way You Look Tonight," at ang kanyang 1962 signature song na "I Left My Heart in San Francisco."
Pitumpo naman ang albums na ginawa niya noong aktibo pa siya sa pagkanta.
Dalawampung Grammy Awards, isang Lifetime Achievement Award, at dalawang Primetime Emmy Awards ang ilan sa maraming parangal na tinanggap ni Bennett bilang mang-aawit.
Nakumpirma ang pagkakaroon ni Bennett ng Alzheimer’s disease noong 2016.
“Life is a gift-even with Alzheimer’s,” tweet niya noong tungkol sa kanyang kundisyon.
Sa kabila ng kanyang karamdaman, memoryado ni Bennett ang lahat ng lyrics ng mga awit niya.
Gumawa pa sila ni Lady Gaga ng mga album, ang Cheeks to Cheeks na number one US record noong 2014, at Love For Sale noong 2021.

Ang concert nila ni Lady Gaga sa Radio City Music Hall sa New York City noong August 2021 ang huling pagtatanghal ni Bennett bago nito tuluyang tinalikuran ang kanyang propesyon na umabot ng pitong dekada.
Ipinagluluksa sa buong mundo ang pagpanaw ni Bennett na malaki ang kontribusyon sa industriya ng musika.