Pumanaw na ang Irish singer at political activist na si Sinead O'Connor sa edad na 56.
Kinumpirma ng pamilya ni Sinead ang pagpanaw niya sa pamamagitan ng isang statement:
"It is with great sadness that we announce the passing of our beloved Sinéad. Her family and friends are devastated and have requested privacy at this very difficult time."
Hindi binanggit ang petsa at dahilan ng kamatayan ni Sinead.
Si Sinead, na kilala sa kanyang shaved head, ay sumikat nang husto dahil sa kanyang cover ng kantang "Nothing Compares 2 U" ni Prince noong 1990.
Ang iba pa niyang sikat na kanta ay "You Made Me the Thief of Your Heart," "The Emperor's New Clothes," "The Last Day of Our Acquaintance," "Fire On Babylon," at "No Man's Woman."
Kilala rin si Sinead sa kanyang pagiging outspoken at political views.
Kadalasan ay nao-overshadow ng mga kontrobersiya at personal struggles ni Sinead ang kanyang musika.
Noong 1992 ay naging headline ang pagpunit ni Sinead sa larawan ni Pope John Paul II sa kanyang live appearance sa programang Saturday Night Live. Ginawa iyon ng singer bilang pag-denounce sa Catholic church dahil sa mga kaso ng sexual abuse ng mga pari sa ilang kabataan.
Nitong mga nakalipas na taon ay umamin siya tungkol sa kanyang struggle sa addiction at mental health.
Noong 2018 ay inanunsiyo niyang nagpa-convert siya sa Islam gamit ang pangalang Shuhada' Davitt, na kalaunan ay naging Shuhada Sadaqat. Pero patuloy pa rin ang paggamit niya ng Sinéad O'Connor bilang singer.
Si Sinead ay apat na beses ikinasal, kabilang na sa drug counsellor na si Barry Herridge, noong 2011, na tumagal lamang ng 16 araw.
Mayroong apat na anak si Sinead: si Jake, kay John Reynolds; si Roisin, sa Irish journalist na si John Waters; ang namapayapang si Shane, kay Donal Lunny; at si Yeshua Bonadio, kay Frank Bonadio.
