Hindi na ire-renew ni EXO member D.O, 30, ang kanyang kontrata sa kinabibilangan niya ngayong music label, ang SM Entertainment.
Ayon sa ulat ng South Korean portal na Soompi. com nitong Miyerkules, October 18, 2023, mismong ang SM Entertainment ang kumumpirma sa desisyon ni D.O na hindi na mag-renew kapag nag-expire ang kanyang exclusive contract sa November 2023.
Napagdesisyunan daw ng K-pop star na ipahawak na ang kanyang career sa bagong tayong talent agency ng kanyang dating manager na si Nam Kyung Soo.
Ngunit lumipat man siya ng agency, magpapatuloy raw si D.O bilang miyembro ng K-pop group na EXO sa SM Entertainment.
Mababasa sa kanilang statement: “D.O.’s exclusive contract with us will expire in early November.
"Following thorough discussions with D.O., it has been decided that he will continue his EXO activities with SM, but will proceed with his acting and individual activities through the newly established agency founded by his and SM’s former manager.”
Si D.O o Do Kyung-soo sa totoong buhay ay nag-debut bilang main vocalist ng EXO noong 2012.
Noong July 2021, nag-debut naman siya bilang solo artist nang ilabas niya ang kanyang first EP na "Empathy."
Read: Pinay fan brings standee of EXO's D.O. as prom date
September 2023 naman nang i-release niya ang kanyang second mini-album na "Expectation."
Bukod sa pagkanta, pinasok din ni D.O ang mundo ng acting. Noong 2014 ay gumanap siya bilang Han Gang Woo sa K-drama series na It’s Okay, That's Love, at pelikulang Cart bilang si Tae Young.
Magmula noon ay nagsunud-sunod na ang kanyang acting projects. Ilan pa sa mga K-drama series na nilabasan niya ay 100 Days My Prince (2018), at Korean films na Swing Kids (2018), at The Moon (2023).
