TRIGGER WARNING: Murder
Pumanaw na ang Malaysian singer na si Xu Jialing noong December 18, 2023.
Siya ay 26.
Ayon sa mga naglalabasang ulat, kahindik-hindik ang pagkamatay ni Xu Jialing dahil mismong ang nagpakilalang fan niya ang pumatay sa kanya.
Base sa report ng South Korean website na Koreaboo nitong Huwebes, December 21, pinagsasaksak ang singer ng kanyang 44-year-old “stalker fan” hanggang sa siya’y bawian ng buhay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, lumalabas na nagtamo ng walong saksak si Xu Jialing sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ang suspek ay kinilalang stalker fan niya na umamin sa kapulisan na mahigit dalawang taon na niyang minamanmanan si Xu Jialing.
Noong araw ng pagkamatay ni Xu Jialing ay nakipagkita siya sa stalker fan dahil daw sa paulit-ulit na request nitong magkita sila para kumain.
Pinagbigyan siya ng singer. At dito na nangyari ang kahindik-hindik na krimen.
Natagpuang wala nang buhay si Xu Jialing sa sasakyan ng suspek. Sinubukan ding magpatiwakal ng stalker fan na nagpakilala ring nobyo ng singer sa pulisya, ngunit bigo siyang magawa ito.
Samantala, napag-alaman din na si Xu Jialing ay nakatakda na sanang magpakasal sa kanyang nobyo na si Liu Yang, 23, sa susunod na taon.
