Walang direktang pag-amin ang talent agencies na kinabibilangan ng TWICE member na si Jihyo, 27, at skeleton racer na si Yun Sung Bin, 29, ukol sa naglalabasang ulat na may espesyal na relasyon ang dalawang South Korean stars.
Nitong Linggo, March 24, 2024, pinag-usapan online ang eksklusibong ulat ng South Korean media outlet na Sway na, diumano, karelasyon ni Jihyo si Yung Sung Bin.
Ayon pa sa report, sina Jihyo at Yung Sun Bin ay halos isang taon nang lihim na magkarelasyon.
Nagsimula raw magkakilala ang dalawa dahil sa kanilang common friends. Mabilis din daw silang nagkapalagayan ng loob dahil pareho silang mahilig mag-ehersisyo at sa sports.
Isang source din daw ng Sway ang nagkumpirma sa madalas na pagde-date at pagkikita ng dalawa in private, lalo na't magkalapit lang ang tinutuluyan nilang bahay.
Saad ng source ng Sway, "Jihyo and Yun Sung Bin are exercise enthusiasts.
"Yun Sung Bin taught Jihyo how to exercise and they became close friends. They had a lot in common, so their relationship quickly developed into a romantic relationship."
JYP Entertainment and All That Sports respond to JIHYO and Sung bin dating rumors
Nitong Lunes, March 25, nagbigay ng pahayag ang talent agency ni Jihyo na JYP Entertainment at ni Yung Sung Bin na All That Sports.
Sa pamamagitan ng maikling pahayag, humingi ng paumanhin ang JYP Entertainment dahil hindi nila makumpirma sa ngayon kung totoo nga ang mga haka-hakang karelasyon na ni Jihyo si Yung Sung Bin.
Mababasa sa kanilang pahayag (ayon sa English translation ng Soompi.com), "It is difficult to confirm as it is [the artist’s] personal matter. We ask for your understanding."
Maging ang kampo ni Yung Sung Bin na All That Sports ay tikom din ang bibig sa "dating rumors" ng dalawa.
Saad nila, "As he is no longer an active athlete, we do not manage his personal life. It is difficult to confirm."
Si Jihyo ay nag-debut bilang miyembro ng all-female K-pop group na TWICE noong 2015.
Ang huling nakarelasyon niya ay ang TV host-singer na si Kang Daniel.
Read: K-pop idols Jihyo of Twice, Daniel Kang break up
Habang si Yung Sun Bin naman ay isang professional skeleton racer at kabilang dati sa national team ng South Korea para sa nasabing sport.
Noong 2018, naging gold medalist si Yung Sun Bin sa men’s skeleton sa Winter Olympics na ginanap sa Pyeongchang.
Noong 2022, nagdesisyon si Yun Sung Bin na magretiro bilang atleta at magsimulang maging fitness broadcaster.
Naging finalist din siya sa Season 1 ng Netflix reality competion show na Physical 100.
