Kumpirmadong “dating” ang status nina TWICE member Chaeyoung, 24, at soloist-rapper Zion T., 34.
Ang mismong kinabibilangang talent agency ni Chaeyoung na JYP Entertainment ang nagkumpirma nito sa publiko nitong Biyernes, April 5, 2024.
Saad ng JYP Entertainment (ayon sa English translation ng Soompi.com), “The two of them are currently dating with positive feelings for one another.”
Ang pag-amin ng JYP Entertainment ay nangyari matapos ilabas ng South Korean news outlet na SWAY ang tungkol sa espesyal na relasyong namamagitan sa dalawang K-pop stars.
Rebelasyon ng SWAY, anim na buwan nang magkarelasyon sina Chaeyoung at Zion T., mula nang ipakilala sila sa isa’t isa ng kanilang mutual friend.
Simula raw nito, naging malapit na ang dalawa at nagagawa na nilang lumabas na magkasama.
Marami rin daw silang pagkakatulad at interes, dahilan para sila’y magkapalagayan ng loob.
Si Chaeyoung ay nag-debut bilang miyembro ng all-female K-pop group na TWICE noong 2015.
Si Chaeyoung ang ikalawang TWICE member ang napabalitang may karelasyon matapos maiugnay ni Jihyo, 27, sa skeleton racer na si Yung Sung Bin, 29, kamakailan.
Read: TWICE Jihyo and Yun Sung Bin reportedly dating; agencies respond
Habang si Zion T. naman ay kilala bilang hip-hop at R&B singer sa South Korea.
Kilala siya sa mga kanta niyang “Yanghwa Bridge,” “Eat,” at “No Make Up.”
