Inabsuwelto sa kasong murder ang 88 anyos na dating Japanese professional boxer kaugnay ng murder case na nangyari higit kalahating siglo na ang nakakaraan.
Si Iwao Hakamata ay hinatulan noon ng bitay dahil sa kasong pagpatay sa apat na katao noong 1966.
Pero makalipas ang 58 years, inabsuwelto siya ng korte sa Japan dahil sa paglutang ng ebidensiyang magpapatunay na hindi ginawa ni Hakamata ang krimen.
Taong 2014, nagdesisyon ang korte na muling buksan ang kaso ni Hakamata kasunod ng inilabas na ebidensiya ng kanyang legal defense team para patunayang inosente si Hakamata.
Sa parehong taon ay pinalaya si Hakamata. Forty-eight years na siyang nasa kulungan noon.
Tumira siya sa kanyang nakatatandang kapatid na babae na si Hideko Hakamata, na ngayon ay 91 anyos.
Hindi tumigil si Hideko sa paghahanap ng ebidensiyang magpapatunay na inosente ang kapatid.
Hindi na kasi psychologically fit si Hakamata.
At nitong September 26, 2024, ibinaba na ang desisyon ng Japanese court.
Absuwelto si Hakamata.
Pero tila hindi na alintana ni Hakamata na “not guilty” ang hatol sa kanya sa krimeng idinikit sa kanya ng 58 years.

Dala ng katandaan, sa edad na 88 ay wala na siya sa tamang pag-iisip.
May psychological effect din kay Hakamata ang pagkakapiit niya sa matagal na panahon.
Nakitaan siya ng psychological strain nang ma-finalize ang kanyang death sentence noong 1980, ulat ng Kyodo News, September 27, 2024.
Read: TikToker who wedded solo dies after falling from building
FORMER PROFESSIONAL BOXER ACCUSED OF 1966 MURDER
Nang magretiro bilang isang professional boxer, nagtrabaho bilang miso maker si Hakamata.
Live-in employee siya sa factory ng kumpanya.
Taong 1966, inaresto si Hakamata sa kasong pagpatay sa senior managing director ng kumpanya, asawa nito, at ang dalawa nilang anak.

Natagpuang tadtad ng mga saksak ang apat sa kanilang bahay na tinupok ng apoy sa Shizuoka Prefecture.
Naging siya ang primary suspect dahil sa limang piraso ng damit na may mga mantsa ng dugo.
Ito raw ang mga suot niya nang gawin ang krimen.
Sa imbestigasyon, sinabing nag-match ang blood type ng mga biktima at dugo ni Hakamata sa dugong natagpuan sa mga damit.
Noong 1980, na-finalize ang desisyong malagay si Hakamata sa death row.

Read: Man's saliva matches DNA from a murder 36 years ago
CASE OPENED IN 2014
Hanggang noong 2014, lumutang ang bagong ebidensiya kaya muling inapelang mabuksan ang kaso.
Sa parehong taon, tinagurian si Hakamata bilang “world’s longest-serving death row prisoner.”
Sa ruling ng Shizuoka District Court, sinabi ritong “there were three instances of fabrication of evidence.”
Kabilang dito ang ebidensiya ng duguang mga damit at ang pag-amin noon ni Hakamata sa krimen.
Kinatigan ng korte ang katuwiran ng defense team na hindi mananatiling pula ang dugo sa mga damit na diumano’y ginamit ni Hakamata.
Natagpuan kasi ang mga damit na nakababad sa miso tank 14 buwan matapos mangyari ang krimen.
Sinabi ni Presiding Judge Koshi Kunii na ang mga imbestigador ang naglagay ng dugo sa mga damit, at itinago ito nang ilang araw bago ipinalabas na nadiskubre nila ang mga ito.
Sinabi sa ruling na “it is presumable” na nag-fabricate ang mga imbestigador para matiyak na madidiin si Hakamata, na nag-plead ng not guilty sa simula pa lamang ng pagdinig.
Sinabi pa ng judge na ang pag-amin ni Hakamata noong una ay dulot ng “forced by inflicting physical and mental pain” sa ginawang “inhumane” interrogation kay Hakamata.
HAKAMATA's ACQUITTAL
Emosyonal ang ate ni Hakamata na si Hideko kasunod ng paglabas ng desisyon.
“We’ve won an acquittal,” sabi ni Hideko sa kanilang supporters. “Thank you for all your support over the years.”
Humingi rin ng paumanhin si Presiding Judge Koshi Kunii kay Hideko dahil sa tagal nang inabot ng kaso.
“We really feel sorry that the trial took so much time,” sabi ng husgado.
Naging posible ang development na ito matapos ipag-utos ng Tokyo High Court ang retrial noong March 2023, matapos makita ang malaking posibilidad na ang mga nakitang duguang mga damit ay planted ng mga imbestigador.
Bunsod ng kaganapang ito, inaasahang mabubuksan ang debate ukol sa pag-abolish ng death penalty sa Japan.
Sa kaso ni Hakamata, nagkaroon siya ng post-incarceration syndrome, na lumala dahil sa paglipas ng maraming taong walang katiyakan kung kailan siya bibitayin, at kawalan ng contact sa ibang tao sa labas ng kanyang selda.
