Bago pa man nauso ang paggamit ng salitang "viral," una nang pinagpiyestahan online ang video na “Charlie Bit My Finger.”
Makikita sa 56-second video ang dalawang magkapatid na batang lalaki: sina Harry Davies-Carr, 3, at Charlie Davies-Carr, 1.
Naalala niyo noong kinagat ni Charlie ang hintuturo ni Harry?
Naging pamoso ang linya na binitawan noong ni Harry: “Charlie bit me.”
Ang video na ito ay in-upload ng ama nilang si Howard sa YouTube noong May 2007. Taga-London ang pamilya.
As of 2025, umabot na sa 900 million ang views ng naturang video, ulat ng BBC.

Ngayon, si Charlie ay 18 anyos na at isang law student sa isang university sa United Kingdom.
At bagamat wala siyang natatandaan sa pangyayaring iyon, binago raw ng viral video ang buhay niya at ng kanyang pamilya.
Sa previous interview ng BBC Newsbeat, ibinunyag ng ama nilang si Howard na kumita sila ng one million pounds (PHP73.3 million) sa paglipas ng mga taon.
Ibinenta ang video bilang Non-Fungible Token o NFT sa halagang 500,000 pounds (PHP36 million) noong 2021.
Sa panayam ni Charlie sa BBC Newsbeat noong February 14, 2025, inilarawan niya ang sarili bilang “a bit more boring," at sinikap daw niyang magpaka-low-key.
Aniya, “It was never not a part of my life, it’s always been there."
Pero hindi raw niya mapigilan ang mga kaibigan sa tuwing ibinibida nila na isa siya sa babies na nasa viral video.
“…so it’s hard keeping it locked down. It slips out every now and then.”

Samantala, walang recent update tungkol kay Harry.
Pero sa CNBC interview sa kanilang mag-aama noong 2021, sinabi ni Harry na hindi rin niya matandaan ang pangyayaring iyon lalo't siya ay three years old lamang.
Tinanong siya sa panayam kung ano ang reaksiyon ng kanyang mga schoolmates noong nadiskubre nilang isa siya sa mga bata sa viral video.
Paliwanag ni Harry, na ngayon ay 21 anyos, "It’s exciting for a couple of weeks and then it's kind of in the background.
"But, yeah, it's really cool to know it's one of these big videos on YouTube."

Read: How Davao del Sur farmer Benzone Sepe grows 500 apple trees
YOUTUBE’S 20TH YEAR
Ngayong taon ay ipinagdiriwang ng YouTube ang ika-20 anibersaryo nito.
Itinatag ang popular online video sharing platform nina Chard Hurley, Steve Chen, at Jawed Karim noong February 14, 2005, at binili ng Google noong 2006.
Ang kauna-unahang YouTube video ay na-upload noong April 23, 2005.
Video ito ni Jawed na inilalarawan ang mga elepante sa kanyang likuran.
Pinamagatang "Me at the zoo," nagtagal ito ng 19 seconds.
Sa kasalukuyan, ayon sa datos ng keyword reasearch tool na Semrush at ng data aggregation company na Similarweb, ang YouTube ang second-most-visited website sa buong mundo, at pumapangalawa sa Google Search.
