Hindi makapaniwala ang iba, samantalang milagro naman ang turing ng ilan sa nag-iisang pasaherong nakaligtas mula sa bumagsak na commercial plane, isang Boeing 787-8 Dreamliner, sa India.
Sa 242 flight crew at pasaherong lulan ng bumagsak na eroplano, bukod-tanging ang British national na si Vishwash Kumar Ramesh, 40, ang nakaligtas.
May lumabas ding video na nagpapakita sa duguang si Ramesh na naglalakad palayo mula sa crash site.
Naganap ang trahedyang ikinabigla ng lahat sa Ahmedabad, India, noong June 12, 2025.
Wala pang isang minuto nang mag-take off ang London-bound Air India plane ay bumagsak ito sa isang residential area.
Sakay ng eroplano ang 169 Indian nationals, 53 British, pitong Portuguese, at isang Canadian.
Read: Ruffa Gutierrez reveals she's not on speaking terms with Herbert Bautista
SOLE SURVIVOR RECOUNTS ORDEAL
Dinala sa ospital si Ramesh dahil sa mga sugat na tinamo nito sa kanyang mata, dibdib, at paa.
Kinumpirma naman ni G.S. Malik, Ahmedabad police chief, na pasahero nga si Ramesh matapos nitong ipakita sa Indian media ang kanyang boarding pass.
Mula sa nakuhang boarding pass ni Ramesh, nalamang nakaupo siya sa seat 11A na nasa emergency exit row. Malapit ito sa left wing ng eroplano.
Habang nasa ospital, idinetalye ni Ramesh ang mga pangyayari nang maganap ang pagbagsak ng sinasakyan nilang eroplano.
“It all happened so quickly. When I got up, there were bodies all around me,” aniya sa Hindustan Times.
“I was scared. I stood up and ran. There were pieces of the plane all around me.”
Ang sumunod raw niyang naaalala ay may humawak sa kanya, ipinasok siya sa ambulansiya, at dinala sa ospital.
Sinabi pa ni Ramesh na kasama rin sa flight ang kanyang kapatid na lalaki na nakaupo sa ibang row.
Nagpunta raw ang magkapatid sa India para bisitahin ang kanilang pamilya.
Read: MC and Lassy also missing in action at Vice Ganda’s comedy club
ANALYST SAYS SURVIVAL OF RAMESH "INCREDIBLY SURPRISING"
Sinabi naman ng isang doktor na hindi kritikal ang kondisyon ni Ramesh, ulat ng CNN.
“He has some blood in the images, but he’s not very badly injured. He is very comfortable and under strict observation, no issues,” pahayag ni Dr. Rajnish Patel, professor at head of surgery ng Ahmedabad Civil Hospital.
Tinawag na “incredibly surprising” ng isang CNN safety analyst ang pagkakaligtas ni Ramesh, lalo pa sa kinauupuan nito.
Ayon sa analyst at dating US Federal Aviation Administration safety inspector David Soucie, ang puwesto ni Ramesh ay “right where the spar of the wing would go under and it would be a solid place for the aircraft to hit the ground, but as far as survivability above it, that is incredibly surprising.”
May awtoridad namang nagsabing ang puwesto ni Ramesh ang dahilan kaya madali itong nakalabas ng eroplano.
"He was near the emergency exit and managed to escape by jumping out the emergency door," sabi sa Reuters ni Vidhi Chaudhary, senior police officer sa Ahmedabad.
Hindi naman malinaw kung nakatalon palabas si Ramesh bago bumagsak ang eroplano.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi dahil ang eroplano ay bumagsak sa BJ Medical College and Hospital hostel.
Tatlong medical students na ang kumpirmadong nasawi at 30 pa ang naiulat na sugatan, ayon sa CNN.
At this writing, tinatayang 290 na ang nasawi, kabilang na ang mga pasahero at mga nadamay matapos bumagsak ang eroplano sa siyudad.
