Trigger warning: Description of death
Pumanaw na ang South Korean actor na si Song Young Kyu sa edad na 55.
Natagpuang wala nang buhay ang aktor sa loob ng kanyang sasakyan sa isang residential complex sa may Yongin, Gyeonggi Province, bandang alas otso ng umaga ngayong Lunes, August 4, 2025.
Read: GMA Gala 2025 Awards: BreKa wins Couple of the Night
Ayon sa Yongin Dongbu Police Station, isang kakilala ni Song Young Kyu ang nakatuklas sa katawan ng aktor at kaagad niya itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Ipinahayag ng pulisya na wala silang nakitang anumang tanda ng foul play at wala ring natagpuang sulat o mensahe sa loob ng sasakyan ng aktor, ulat ng Soompi.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga pulisya ang eksaktong pangyayari sa pagkamatay ng aktor sa pamamagitan ng pagsasagawa ng interbyu sa kanyang pamilya.
Kinukunsidera rin ng mga awtoridad na magsagawa ng autopsy.
Read: GMA Gala 2025 scene stealers
DRUNK-DRIVING INCIDENT
Bago ito, noong July 19, 2025, ay nahuli si Song Young Kyu na driving under the influence (DUI) o drunk driving sa may Yongin, malapit sa kanyang tinitirhan.
Bunsod ng insidente ay isinangguni siya sa prosecution.
Naisupubliko ang drunk-driving incident ni Song Young Kyu makalipas ang halos isang buwan.
Bunsod nito, nag-resign siya sa kanyang role sa play na Shakespeare in Love.
Inanunsiyo rin ng pamunuan ng mga K-drama The Defects at The Winning Try, na kasalukuyan nang umeere, ang desisyon nilang putulin ang mga eksena ni Song Young Kyu hangga't maaari.
Mahigpit ang parusa sa mga nahuhuli ng drunk driving sa South Korea, at marami nang Korean celebrities ang nadiskaril ang career dahil dito.
Nagsimula ang acting career ni Song Young Kyu noong 2004.
Kabilang sa mga sikat na K-drama na kinabilangan niya ay ang Gu Family Book (2013), Misaeng: The Incomplete Life (2014), Reply 1988 (2015-2016), Hwarang (2016-2017), Voice (2017), Hot Stove League (2019-2020), The Penthouse 3 (2021), Narco-Saints (2022), Big Bet Season 2 (2023), at The Tale of Lady Ok (2024-2025).
Sa pelikula naman, pinakatumatak ang kanyang role bilang Detective Squad Chief Choi sa blockbuster na Extreme Job (2019).
