Trigger Warning: Mention of suicide
Isiniwalat na sa publiko na ang sanhi ng pagkamatay ng 46-year-old British boxing champion na si Ricky Hatton ay pagtitiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili.
Ito ang ipinahayag ng Manchester South senior coroner na Alison Mutch sa isinagawang inquest, noong October 16, 2025, sa pagkamatay ni Hatton.
Natagpuang wala nang buhay ang boksingero sa kanyang tahanan sa Hyde, Greater Manchester, England, noong September 14.
Ang nakadiskubre ng bangkay ni Hatton ay ang kanyang manager at long-time friend na si Paul Speak, na nagtungo sa bahay ng boksingero nang hindi ito sumipot sa isang scheduled event.
Read: Former boxing world champion Ricky Hatton, 46, found dead
RICKY HATTON'S BATTLE WITH DEPRESSION AND SUBSTANCE ABUSE
Si Ricky Hatton ay dating kilalang world champion boxer, na nagkaroon ng titulo sa light-welterweight and welterweight divisions.
Pinatumba siya ng Filipino world champion boxer na si Manny Pacquiao sa kanilang laban sa MGM Grand Garden Arena, Las Vegas, USA, noong Mayo 2, 2009.
Sa isang panayam noong Nobyembre 2023, ipinagtapat ni Hatton ang labis na kahihiyang naramdaman nang mapatulog siya ni Pacquiao sa second round ng kanilang pagtutunggali para sa International Boxing Organization (IBO) light-welterweight championship na tinaguriang “Battle of East and West.”
Naging bukas din noon si Hatton sa kanyang pakikipaglaban sa depression at substance abuse.
Inamin din niya noong ilang beses na siya nagtangkang wakasan ang sariling buhay.
Bago siya pumanaw ay napabalitang nagpaplano si Hatton na magkaroon ng comeback fight sa Dubai, UAE, sa December 2025, makalipas ang ilang taong pamamahinga mula sa boxing ring.
To those who are seeking either someone to talk to or professional help because of mental health issues, you may call National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 and mobile number 0966-351-4518.
Read: JM de Guzman opens up about personal struggles inside rehab center
