Nauwi sa malungkot na trahedya ang buhay ng fitness coach na si Dmitry Nuyanzin dahil sa ginawa niyang binge-eating challenge.
Nagresulta sa rapid weight gain ang ginawa ng 30-year-old social media influencer na mula sa Orenburg City sa Russia.
Gumagawa siya ng fitness content sa kanyang social-media accounts, tulad ng Instagram, kung saan may higit 43,000 followers siya.
Mayroon din siyang site na naglalaman ng kanyang programs bilang fitness trainer.
Read: Fewer Filipinos got married in two consecutive years, says data
THE CHALLENGE
Isang challenge ang sinimulan ni Nuyanzin ilang buwan na ang nakalilipas.
Sinadya niyang mag-gain ng timbang—tinatayang 25 kilograms o 55 pounds—at saka siya magpapapayat.
Ang goal niya ay patunayan kung gaano ka-effective ang kanyang weight-loss program.
Pero hindi na natapos ni Nuyanzin ang kanyang challenge dahil namatay siya habang natutulog dahil sa cardiac arrest, ulat ng Ostorozhno Novosti channel, isang Russian independent media outlet.
Kinumpirma rin ang balita ng Argumenty i Fakty, isang prominenteng Russian media outlet.
Binanggit dito na sa preliminary reports, nakaranas ng cardiac arrest ang fitness coach dahil sa rapid weight gain nito dahil sa pagkonsumo ng maraming pagkain.
Ang ulat ay na-pick up ng ibang foreign media outlets, tulad ng The Daily Mail, People Magazine, at marami pang iba.

DOCUMENTED ON SOCIAL MEDIA
Ang journey ni Nuyanzin ay dokumentado sa kanyang Instagram account at lagi siyang nagbibigay ng updates.
Batay sa Instagram, sinimulan niya ang challenge noong October 2025. Naghihikayat siya ng participants.
Sa challenge, magbibigay siya ng 10,000 rubles (PHP7,700) sa mga participants na may timbang na higit 100 pounds at makakapagbawas ng 10% ng kanilang body weight bago mag-New Year.
Naka-post din sa Instagram ang rules niya sa challenge, pati na rin ang kinakain niya araw-araw para sa 10,000-calorie daily intake.
Ipinapakita niya ang kanyang mga kinain, tulad ng fast food, pastries, cakes, dumplings, pizza, at potato chips.
Pagsapit ng November 18, 2025, ipinakita ni Nuyanzin via Instagram na umabot na sa 105 kilograms o 230 pounds ang kanyang timbang.
Binanggit na nag-gain siya ng 13 kilograms matapos ang isang buwan.
Ito rin ang huling post niya.
Bago pa niya simulan ang weight-loss journey, binawian na siya ng buhay.
Isang araw bago siya pumanaw, kinansela ni Nuyanzin ang kanyang training sessions at sinabihan ang kanyang mga kaibigan na masama ang pakiramdam niya.
Nais din daw niyang magpatingin sa doktor.
Si Nuyanzin ay naging personal trainer ng mga Russian personalities.
Nagtapos siya mula sa Orenburg Olympic Reserve School at sa National Fitness University sa St. Petersburg.
