Nagdadalamhati ang Thailand dahil sa pagpanaw ni Princess Bajrakitiyabha Narendiradebyavati.
Siya ang panganay na anak ng hari ng bansa, si Maha Vajiralongkorn o King Rama X, at ni Princess Soamsawali Krom Muen Suddhanarinatha.
Kilala si Princess Bajrakitiyabha sa tawag na "Princess Bha" at "Patty."
Isa siya sa mga prinsesang may pinakamahabang pangalan — Bajrakitiyabha Narendiradebyavati Kromluangrajasainisiribajra Mahavajrarajadhita.
Si Princess Bajrakitiyabha ay second in line sa korona.
Read: Brands cut ties with Brandon Espiritu over his "halfies" remark
PRINCESS Bajrakitiyabha PASSES AWAY after THREE AND A HALF YEARS in coma
Binawian ng buhay si Princess Bajrakitiyabha noong Huwebes, Hunyo 11, 2026, sa King Chulalongkorn Memorial Hospital.
Siya ay 47.
Pero inanunsyo ng Royal Household Bureau ang kanyang pagkamatay nitong Biyernes lamang, Hunyo 12.
Si Princess Bajrakitiyabha ay iginagalang na abogado at diplomat.
Naratay siya sa ospital mula pa noong Disyembre 15, 2022 matapos mawalan ng malay dahil sa karamdaman niya sa puso.
Tatlong taon at kalahati siyang na-comatose.
Naging malubha ang kalagayan ni Princess Bajrakitiyabha noong Mayo 21, 2026 dahil sa impeksiyon sa tiyan na nakaapekto sa kanyang major organs kaya tinutukan ng royal medical team ang kalagayan niya.
Nakasaad sa medical bulletin na ibinahagi ng mga doktor ng prinsesa na nagkaroon siya ng abdominal infection na resulta ng pamamaga ng kanyang large intestine noong Abril 2026.
Low blood pressure, hindi regular na tibok ng puso, at abnormal na pamumuo ng dugo ang mga epekto ng impeksiyon kay Princess Bajrakitiyabha.
Dahil dito, tuluyan nang naging kritikal ang kanyang kalagayan hanggang sa bawian siya ng buhay noong Huwebes.
Ipinag-utos ni King Rama X sa Royal Household Bureau na ayusin ang pambansang funeral rites na may pinakamataas na karangalang naaayon sa royal tradition para sa kanyang anak.
Ibuburol ang mga labi ni Princess Bajrakitiyabha sa Phiman Rattaya Throne Hall sa Grand Palace, Bangkok, at inaasahan ang pagdagsa ng mga makikiramay.
Para sa mga Thai, hindi lamang miyembro ng pamilya ng hari si Princess Bajrakitiyabha.
Itinuturing nila ang prinsesa bilang simbolo ng pag-asa dahil sa mga adbokasiya at buong-pusong paglilingkod niya sa mamamayan ng Thailand.