Sina Dionne Warwick, Bruce Springsteen, Alicia Keys, Kenny G., Jennifer Hudson, at Barry Manilow ang ilan sa mga sikat na mang-aawit na nakiramay at dumalo sa libing ni Atty. Clive Davis.
Si Davis ang isa sa pinakamapangyarihan at pinakamaimpluwensiyang record producer sa Amerika noong nabubuhay pa siya.
Binawian ng buhay si Davis sa edad na 94 noong Hunyo 22, 2026.
Inihatid siya sa kanyang huling hantungan sa New York City noong Lunes, Hunyo 29 (Hunyo 30 sa Pilipinas).
“A few months ago, surgeons removed a piece of my lung. Last week, I lost a piece of my heart,” madamdaming pahayag ni Barry Manilow sa eulogy nito para sa music executive na nagpasikat sa kanya.
Si Davis ang nagkumbinsi kay Manilow na i-record nito ang "Mandy."
Hindi nagkamali si Davis dahil ang nabanggit na kanta ang kauna-unahang hit song ni Manilow.
Mula noon, nagtuluy-tuloy na ang popularidad ng mang-aawit na inamin noong 2017 ang pagiging bakla sa edad na 73.
Ibinahagi naman ni Dionne Warwick sa kanyang pagbibigay-pugay kay Davis ang kuwento tungkol sa desisyon niya noong talikuran ang music industry.
Si Davis ang pumigil kay Warwick.
Payo raw nito sa kanya, “You may be willing to give the business up, but the business isn’t willing to give you up.”
Hanggang ngayon, sa edad na 85, aktibo pa rin si Warwick sa pagkanta.
“He was always asking,’Where’s my Dionne?’
Well, I’m here today, Clive, for you. I’ll always be here for you,” mensahe ng pamamaalam ni Warwick sa kanyang mentor.
Read: Billy Crawford wins Mask Singer France
CLIvE DAVIS: THE LEGENDARY MUSIC PRODUCER
Halos pitong dekadang namayagpag si Davis bilang record producer at executive.
Sina Dionne, Barry, Pink Floyd, Janis Joplin, Billy Joel, Santana, at ang pumanaw na mang-aawit na si Whitney Houston ang ilan sa mga personalidad na pinasikat niya sa buong mundo.
Malaki rin ang kontribusyon ni Davis sa tagumpay ng Earth, Wind & Fire, Chicago, Loggins and Messina, at Westlife.
Si Davis ang chief creative officer ng Sony Music Entertainment mula 2008 hanggang sa kanyang pagpanaw.
Apat na parangal mula sa Grammy Awards ang tinanggap ni Davis bilang record producer.
Pinagkalooban din siya ng Grammy Trustees Award noong 2000 at President’s Merit Award sa Grammy Awards noong 2009.