Trigger Warning: Child abuse
Pinag-uusapan ngayon sa India ang pagkamatay ng isang anim na taong gulang na bata matapos umanong sampalin ng kanyang guro.
Nangyari ang insidente sa isang private school sa siyudad ng Visakhapatnam sa Andhra Pradesh.
Ayon sa report ng NDTV India, nag-collapse ang batang si Pranay Teja matapos takutin at sampalin ng kanyang babaeng guro na hindi pa pinapangalanan.
Nagalit umano ang guro dahil walang maipasang homework ang estudyante.
Nakalagay sa news report ang viral video na nagpapakita ng insidente. Kuha ito ng CCTV sa loob ng classroom ng Little Garden School.
Sinubukang isugod sa King George Hospital si Pranay ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Read: Teachers hit back at Claire Castro after deadly Ateneo shooting
PRANAY’S FAMILY GRIEVES
Sa panayam ng news outlet sa ama ng biktima, sinabi nitong masigla si Pranay na gumising ng alas-otso ng umaga para pumasok sa Upper Kindergarten.
Hindi umano niya sana papayagang pumasok ang anak ngunit ito pa ang nagpumilit dahil malapit na umano ang mga exam.
Tanghali na nang malaman ng ama ang sinapit ng anak. Hindi umano ang paaralan ang nagbigay sa kanya ng impormasyon.
“No one from the school called me. The local cooks who work near my brother-in-law’s place called and informed me,” saad niya.
Nakita na rin daw niya ang kuha ng CCTV kung saan makikita ang pagbagsak ni Pranay matapos sampalin ng guro.
Sa ngayon, hinihintay ng ama ang magiging resulta ng imbestigasyon na inilunsad ng School Education Department ng Andhra Pradesh.
Gayunpaman, agad niyang sinabi na hindi niya tinatanggap ang agam-agam na may ibang sakit ang kanyang anak.
“No issues at all. He was playing happily last night and woke up fine this morning. He didn’t have any viral fever or any other health problems,” saad ng ama.
Inakusahan din niya ang guro ng karahasan, dahil may iba pa raw itong mga batang pinagbuhatan ng kamay.
Read: Netizens, teachers react to "ugly truth" about Philippine education
RIGHT TO EDUCATION ACT
Matagal nang problema sa India ang pananakit ng mga guro sa paaralan.
Noong 2009 ay isinabatas ang Right to Education Act, na nagbabawal sa pisikal at mental na pagpaparusa ng mga guro sa kanilang mga estudyante.
Pero nahihirapan pa rin ang pamahalaan na ipatupad ito sa buong bansa dahil nakasanayan na ang pananakit bilang uri ng pagdidisiplina sa mga paaralan.
Bukod sa pagsusuri ng School Education Department ay nag-iimbestiga na rin ang Indian police upang makapagsampa ng kaukulang kaso.