Nababahala ang mga tagahanga ng Grammy award-winning American singer na si Lionel Richie, 77, dahil nakaratay siya sa Intensive Care Unit ICU) ng isang ospital sa St. Louis, Missouri, USA.
Ang balitang ito ay headline ngayon sa halos lahat ng mga news outlet sa Amerika.
Nagtanghal si Lionel sa The Muny, St. Louis, noong Agosto 29, 2026.
Ayon sa mga nanood ng kanyang concert, napansin nilang nahihirapan sa pagkilos ang mang-aawit.
Humingi rin si Lionel sa mga kasama niya ng silyang mauupuan bago kinanta ang “All Night Long.”
Nang matapos ang concert, nagpunta na si Richie sa ospital.
"Possible dehydration" ang nakikita ng mga doktor na sanhi ng kanyang panghihina.
Pero nag-aalala ang mga tagasuporta ng singer dahil inilagay siya sa ICU ng ospital.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang tagapagsalita ni Richie tungkol sa kasalukuyang kalagayan niya.
Ngunit sinabi ng isang source na malapit kay Lionel, "OK" ang singer. Pero hindi ito nagbigay ng karagdagang impormasyon.
Read: Lionel Richie, 77, halts concert after feeling dizzy on stage
LIONEL RICHIE'S HEALTH ISSUE
Unang nagkaroon ng isyu sa kalusugan ni Lionel habang nagtatanghal sila ng Earth, Wind & Fire sa Grand Casino Arena ng St. Paul, Minnesota, USA, noong Hunyo 24, 2026.
Makalipas ang isang oras na pagtatanghal, itinigil ni Lionel ang pagkanta dahil nakaramdam siya ng pagkahilo sa unang gabi ng 26-city North American tour ng Sing A Song All Night Long,
Napaupo sa entablado si Lionel habang inaawit nito ang “Dancing on the Ceiling.”
“When you’re feeling dizzy, sit your ass down,” sabi ng singer bago niya tinugtog sa piano at kinanta ang “Three Times a Lady.”
Nang makumpirma ang balitang nakaratay si Lionel sa ICU ng isang ospital sa St. Louis, bumuhos ang mga dasal para sa kanyang mabilis na paggaling mula mga nag-aalala niyang fans.
Ayon sa kanila, nagdadalamhati pa sila sa pagkawala ng American music icon na si Dolly Parton na pumanaw noong Agosto 25, 2026.
Isa si Lionel sa mga naapektuhan ng pagpanaw ni Dolly.
Sa mensaheng ibinahagi niya sa Instagram, sinabi ni Lionel, “We will always love you! Your light and your music will live on forever.”
View this post on Instagram