Babae sa Balete Drive: Totoo o Tsismis?

by Mark Angelo Ching
Feb 23, 2021
Ang kuwento ng Babae sa Balete Drive ay nanganak ng dalawang pelikula na parehong pinamagatang Hiwaga sa Balete Drive. Ang una (R) ay ipinalabas noong 1954, habang ang pangalawa ay ipinalabas noong 1988.
PHOTO/S: movie poster; Video 48; Judgefloro via Wikimedia Commons (middle)

Sino ang Babae sa Balete Drive?

Siya ba ay isang rape victim na naging mapaghiganting multo? Isa ba siyang babaeng naaksidente at humihingi ng tulong hanggang sa kabilang buhay?

O siya ba si Margarita Carbonel, ang misteryosong babaeng nang-aagaw ng lalaki sa Hiwaga sa Balete Drive, na isang pelikula noong 1988?

O kaya naman ay isa siyang dalagang inabuso at napatay kaya’t naghahanap ng hustisya, ayon naman sa Hiwaga sa Balete Drive, na pinalabas naman noong 1954?

Iba-iba man ang kuwento tungkol sa pinagmulan ng misteryosang babae, may pagkakapareho naman ang mga sabi-sabi kung paano ito makikita.

Ayon sa mga kuwento-kuwento, kapag dumaan ka sa Balete Drive paglampas ng hatinggabi ay maaari kang makakita ng magandang babaeng nakaputi. Paparahin ka raw nito para humingi ng tulong. Kapag tumigil ka at siya ay pinasakay, bigla raw siyang mawawala pagkatapos ng ilang minuto.

Kung hindi ka naman daw tumigil ay bigla kang makakakita ng babaeng nakasakay sa iyong sasakyan. Hindi ka rin daw makalalabas ng kalsada. Pabalik-balik at paikot-ikot ka lamang sa Balete Drive hanggang baliktarin mo ang iyong damit habang nagdarasal.

Continue reading below ↓

ANG KUWENTO AYON SA SABI-SABI

Ang Balete Drive ay isang kalsada sa may New Manila, Quezon City.

Sa gabi ay may mga parteng madilim sa kahabaan nito dahil maraming puno sa tabi ng kalsada. Ilan sa mga punong ito ay ang balete, na ayon sa matatanda ay mahilig pamahayan ng mga kakaibang nilalang tulad ng mga duwende.

Nakakadagdag pa sa katatakutan ay ang mga naglalakihang bahay sa kalsadang ito. Maraming nagsasabi na ilan sa mga mansyong ito ay haunted o pinagmumultuhan.

Nagsimula umano ang mga kuwento tungkol sa babae sa Balete Drive noong 1953, noong may isang reporter na inilathala ito sa diyaryo. Dahil doon, marami pang mga taga-media na nagbigay ng atensiyon sa isyung ito, at lalong kumalat ang mga kwento tungkol sa kanya.

Kaya noong mga 1950s pa lamang ay marami nang takot dumaan sa Balete Drive kapag gabi. Kahit ang mga kalapit na kalsada ay iniwasan na rin, dahil may sabi-sabing minsan ay nandirito rin ang white lady. Paparahin ka raw nito para naman magpahatid sa Balete Drive.

Continue reading below ↓

Nakatira raw kasi umano ang babae sa isa sa mga mansiyon roon.

Ayon sa isang kuwento, isa raw siyang tagapagmana ng isang mayamang pamilya. Nainggit umano ang kanyang mga kamag-anak sa kanya kaya’t siya ay pinahirapan at pinatay. Humihingi umano siya ng tulong kaya’t nagpapahatid sa mansiyon.

Meron ding isang kwento na ang multo ay isang babaeng naaksidente habang nagmamaneho. Pumapara umano ito ng ibang mga driver upang humingi ng tulong.

Ang Babae sa Balete Drive umano ay isang estudyante ng UP Diliman na sumakay ng taxi pauwi. Pagdaan raw ng Balete Drive ay tumigil ang taxi driver para pagsamantalahan ang estudyante. Matapos gahasain at patayin ang estudyante, itinapon raw ang bangkay nito sa likod ng puno ng balete. Sa bersiyon ng kwentong ito, ang Babae sa Balete Drive ay pumapara ng mga taxi driver para maghiganti.

Mayroon ding nagsabi na ang babae ay biktima ng panggagahasa ng mga Hapon noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Inilibing daw ang kanyang katawan sa parehong lugar kung saan tumubo ang mga balete.

Continue reading below ↓

Sa iba namang kwento, nasagasaan lamang ang babae at tinakbuhan ng nakasagasa rito. Kaya raw siya pumapara ng mga sasakyan ay para hanapin ang pumatay sa kanya.

At sa iba pang kwento, ang babae raw ay kusang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagsabit sa sarili sa balete, matapos umanong hindi dumating sa altar ang pakakasalan niya sanang lalaki.

Pero hindi raw mabait sa lahat ang Babae sa Balete Drive, kasi may ilang motorista na nagsabing may intensiyon raw itong manakit, pero hindi naman malinaw kung sa paanong pamamaraan.

ANG KUWENTO AYON SA MEDIA AT PELIKULA

Ilang beses nang ipinakita ang kuwento ng Babae sa Balete Drive sa mga palabas sa telebisyon. Kapag Nobyembre, lagi’t-laging tinatanghal ito sa mga magazine programs para sa kanilang Halloween special.

Ipinakita sa isang lumang episode ng Verum Est ng ABS-CBN ang panayam sa isa sa mga nakatira sa Balete Drive. Ayon sa residente, Lourdes umano ang pangalan ng multo at namatay ito dahil sa isang sakim na kamag-anak.

Continue reading below ↓

Ngunit ayon naman sa iba pang mga residente, isa itong kolehiyala noong 1950s na galing sa isang prominenteng pamilya na may mansyon sa Balete Drive. Mahilig umano itong lumabas sa hatinggabi upang mag-party kahit hindi pinapayagan ng ina. Isang gabi ay naaksidente umano ito at namatay sa ospital. Hindi raw matahimik ang kaluluwa ng babae dahil sa maagang pagkamatay.

Sinang-ayunan ng isa pang residente ang kuwentong ito sa isang report sa Unang Hirit ng GMA-7 noong 2014.

Naitampok na rin ang Babae sa Balete Drive sa ilang mga pelikula. Dalawa sa mga ito ay may parehong titulo: Hiwaga sa Balete Drive.

Ang unang bersiyon ay ipinalabas noong 1954. Ito ay ginawa ng Palanca Bros Productions at idinirehe ni Tor Villano, isa sa mga kilalang direktor noon.

Ginampanan ni Rosita Noble ang babae, na sa pelikula ay ginahasa at itinapon sa kalsada kaya’t siya ay nasagasaan ng bus. Agad siyang naging multo at naghiganti sa mga lalaki sa pelikula.

Continue reading below ↓

Mas mapangahas ang kuwento ng pangalawang bersiyon na ipinalabas noong 1988. Ito ay ginawa ng Seiko Films at idinirehe nina Peque Gallaga at Lore Reyes.

Tampok sa pelikulang ito si Zsa Zsa Padilla bilang si Margarita Carbonel, ang Babae sa Balete Drive sa pelikula. Kasama rin sa pelikula sina Jestoni Alarcon bilang Dennis at Rita Avila bilang Sandy.

Isang gabi, naaksidente ang magkasintahang sina Dennis at Sandy sa Balete Drive. Agad silang humingi ng tulong sa isang mansyon, kung saan ay hinarap sila ni Margarita, na isang kasapi ng kadiliman. Agad na kinulong ni Margarita si Sandy sa isang kuwarto habang inakit nito si Dennis para magpakasal sa kanya.

Sa huli, nanaig ang kapangyarihan ng pag-iibigan nina Dennis at Sandy at nagapi ang kasamaan ni Margarita.

Nanganak nang nanganak ang kuwento tungkol sa Babae sa Balete Drive kaya kay hirap nang malaman kung alin ang totoo.

Halos pitong dekada na rin itong pinag-uusapan at hindi mamatay-matay.

Continue reading below ↓

Nagpapakita pa rin ba siya? Kung oo, tuwing kelan at paano kaya siya mananahimik?

At kung totoo mang siya ay pinatay, nahanap ba ang salarin? Na-solve ba ang kaso? Kung hindi, ito ang tunay na trahedya.

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Ang kuwento ng Babae sa Balete Drive ay nanganak ng dalawang pelikula na parehong pinamagatang Hiwaga sa Balete Drive. Ang una (R) ay ipinalabas noong 1954, habang ang pangalawa ay ipinalabas noong 1988.
PHOTO/S: movie poster; Video 48; Judgefloro via Wikimedia Commons (middle)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results