Isang delivery rider na Overseas Filipino Worker (OFW) sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (U.A.E.) ang instant milyonaryo matapos niyang manalo sa lotto.
Tumaya si Roland Baltazar, ang 38-year-old delivery rider ng isang cake shop doon, ng anim na numero sa Mahzooz, ang jackpot draw sa U.A.E.
Ikinasaya ng mga OFWs sa Abu Dhabi ang pagkapanalo niya ng AED1,000,000 o katumbas ay tumataginting na PHP13 milyon.
Ang napanalunan ng OFW ay gagamitin raw niya para sa pagpapatayo ng bahay para sa pamilya dito sa Pilipinas, ayon sa ulat ng The Filipino Times noong June 3, 2021.
Si Roland ay sampung taon nang nagtatrabaho sa U.A.E. at hindi tumigil sa pagsali sa lottery sa pag-asang makaka-jackpot siya.
“I’ve been participating in the draw from day one and I never lost hope,” ani Roland.
Dahil sa kanyang pagkapanalo, naniniwala si Roland na walang imposible.
Aniya, “I never thought that I’d become a millionaire, but now I know for sure that everything in life is possible."
Hindi niya inakalang matapos ang isang dekada niyang pagtatrabaho bilang OFW ay susuwertehin siya sa isang iglap.
“I can finally buy land for my mother so she can build her dream home,” sabi niya.
Kasabay namang nanalo ni Roland ang isang Emirati national na nag-uwi rin ng parehong amount.
OFW WINNERS IN LOTTO
Samantala, ang istorya ni Roland ay isa sa mga naitampok sa episode ng Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) nitong Linggo, June 13, 2021.
Sa episode, itinampok din ang kuwento ni Wendy Joy Arroz, isa ring OFW.
Hindi man nakuha ni Wendy Joy ang jackpot, nakakuha siya ng limang tamang numero sa six digits na tayaan.
Dahil dito nakapag-uwi pa rin siya ng consolation prize na AED200,000 o katumbas ay PHP2.6 milyon.
Halos hindi makapaniwala si Wendy Joy. Inilahad pa na ang ibang numerong tinayaan ay napanaginipan ng kanyang partner na kasama niya roon sa Dubai.
“Sabi ko, ‘Lord, dyusko, joke ba ito?’ Parang pinapakinggan ni God iyong panalangin natin, kasi alam niyang hirap na hirap tayong dalawa,” sabi ni Wendy Joy.
Bukod kina Roland at Wendy Joy, dalawa pang OFWs ang naitampok na pare-parehong sinuwerte sa pagtaya sa Dubai lotto na Mahzooz.
Isa rito si Dennis, na nag-uwi ng AED142,857 o katumbas ng PHP1.8 million.
“I was speechless. I was shaking a little. Tears fell on my face,” pahayag ni Dennis.
Gayundin si Carl, isang female OFW, na nanalo ng AED500,000 o PHP6.4 milyon.
“Everyone was jumping with joy and shouting because we can’t believe that the luck with came.”
Ayon naman sa operator ng Mahzooz sa Dubai, marami nang Pilipinong nananalo, at sa kabuuan, milyun-milyong pisong halaga na ang kanilang napapanalunan.
Tinatayang 16,000 OFWs na ang nananalo sa Mahzooz, at nasa PHP71 milyon naman ang kanilang total winnings.
Ito ay ayon kay Farid Samji, chief executive officer ng E-wings, operator ng Mahzooz.
