Kinumpirma ng aming Thai friend na si Dada Nawanghin na totoo ang balitang sumailalim sa cosmetic surgery procedure ang 60-year-old transgender woman at Thai Internet sensation na si Sitangsu Buathong aka Mae Sitangsu pero kilala sa Pilipinas bilang Mader Sitang.
Isang mahusay na cosmetic surgeon sa Lelux Hospital sa Nonthaburi, Thailand ang naging instrumento upang matupad ang pangarap ni Sitang na magkaroon ng V-line shape wrinkle-free face at higit sa lahat, para bumata ang itsura niya na tampulan noon ng mga tukso at panglalait.
Unang inilabas ni Sitang noong June 10, 2021 ang mga litrato niya habang magang-maga pa ang mukha niya mula sa pinagdaanang operasyon.
At makalipas ang tatlong araw, mga larawan naman ng unti-unting pagkawala ng pamamaga ang inilabas niya.

Naglabas din ng video si Sitang habang matiyaga siyang inaalagaan at sinusubuan ng pagkain ng kanyang asawa na pinakasalan niya noong February 2019.

Ang resulta ng cosmetic surgery kay Sitang ang hinihintay at inaabangan ng kanyang followers na excited nang makita ang bagong itsura ng Thai Internet sensation na dating biktima ng bullying dahil sa physical appearance niya.

Sumikat si Sitang dahil sa kanyang signature hair-flipping dance moves at bumisita siya sa Pilipinas noong October 2018 dahil sa imbitasyon ng Filipino businessman na si Wilbert Tolentino.
Pero noong November 2018, nakiusap si Tolentino sa Bureau of Immigration and Deportation na ideklara si Sitang na persona non grata dahil hindi ito tumupad sa kanilang nilagdaang kontrata.
Si Tolentino ang tumatayong Philippine business manager ni Sitang pero hindi umano nito iginalang ang kanilang kasunduan dahil tumataginting na P31.3 million ang kabuuan ng talent fee na hinihingi ng Thai transgender mula sa kanya.
Natuklasan din ni Tolentino na hindi totoong abogado si Sitang gaya nang pakilala nito at lalong walang katotohanan na tinulungan niya ang mga kababayan natin sa Leyte na nasalanta ni Typhoon Yolanda noong November 2013.