Marami ang naantig sa ginawang pagtulong ng young singer na si Lyca Gairanod kay Lola Ising, isang mangangalakal ng basura.
Si Lyca ang kauna-unahang The Voice Kids (Philippines) grand winner noong 2014 sa edad na siyam. Bukod dito, nakilala rin siya dahil sa kanyang singing video habang nangangalakal ng basura.
Kamakailan ipinost sa social media ng 16-year-old star ang video ng lola.
Agad itong napansin ng maraming netizens at marami ang humimok kay Lyca na tulungan ito.
Hindi naman nagdalawang-isip ang young singer, at pinahanap niya si Lola Ising.
Ang madamdaming pagtatagpo ng dalawa ay nakuhanan ng video na in-upload sa YouTube ni Lyca noong July 4, 2021.
Pahayag ng dalaginding, “May nakita po akong matanda, kitang-kita ko po sa kanya yung ginagawa ko nung bata pa ako.
“Kaso iba nga lang kami ng story, kasi matanda na siya, e. Ako, medyo bata pa, kaya medyo okay sa akin.
“Pero siya kasi, nung nakita ko siya, talagang yung parang nabiyak yung puso ko.
“Alam mo yung nararamdaman ko nung nangangalakal pa ako.
“Parang nakita ko sa kanya na sobrang hirap magtrabaho, ‘tsaka sa tanda niyang iyon, nagtatrabaho pa rin siya.”
HELPING LOLA ISING
Nakatira si Lola Ising sa Malabon.
Bago puntahan ang tirahan ng matanda, namili muna ng groceries si Lyca.
Habang nasa kanyang sasakyan, inilahad ni Lyca ang pagkakatanda niya kay Lola Ising.
“Actually, nung bata ako, parang nakikita-kita ko na siya, e.
“So parang sabay kaming nangangalakal dati.
“Nakita ko si Lola nung bata pa ako. Hanggang ngayon nangangalakal pa rin siya.
“Grabe, ano, sa tanda niyang iyon. Kahit ano’ng gawin, hindi ko talaga pangangalakalin yung lola ko kasi matanda na yun, e,” ang sabi ni Lyca.
Nang makarating sa may lugar na tinitirhan ng lola, kinailangang maglakad ng grupo ni Lyca dahil hindi na makapasok ang sasakyan.
Hindi maiwasang mapansin ni Lyca ang sobrang layong kailangang lakarin papunta sa lugar ni Lola Ising.
Naisip niya tuloy ang layo na nilalakad ng matanda sa kanyang pangangalakal ng basura.
Ang kinaroroonan ni Lola Ising ay malapit sa dagat at mapapansin ang dikit-dikit na mga barong-barong. 
Lyca Gairanod on her way to Lola Ising's barong-barong along the sea front in Malabon.
Nadatnan ni Lyca ang matanda sa kanyang maliit na tirahang gawa sa kahoy at mga gamit na plywood.
Kumakain siya ng kapirasong tinapay.
May problema na rin sa pandinig ang matanda at idinadaing na masakit na ang kalahating parte ng kanyang katawan.
“Ngayon wala po akong kapera-pera. Kahit piso wala. Kasi bawal lumabas kaya kinakain ko na lang ito.
“May sakit kalahati ko katawan,” sabi ni Lola Ising.
Himutok ni Lola Ising, baka hindi na raw siya magtagal dahil walang tumutulong sa kanya.
Tatlumpung taon na raw siyang nagbabasura at hindi siya puwedeng tumigil sa pagbabasura.
“Hindi puwede tumambay, magpahinga ako. Wala ako pagkain,” sabi niya.
Sabi naman ni Lyca, “Nakikita kita lagi pag nadadaanan ka namin. Naaalala niyo pa ba ako, ‘Nay?”
Tila may pagkalito sa mukha ni Lola Ising, marahil sinisikap niyang alalahanin si Lyca.
THANKFUL LOLA ISING
Wala namang pagsidlan ng tuwa si Lola Ising sa grocery items na ibinibigay sa kanya ni Lyca.
“Panginoon talaga mabuti. Buti na lamang makapahinga ako,” masayang sambit ng matanda.
Isinama ni Lyca ang matanda sa kanyang sasakyan para ipakita ang mga ipinamili nitong mga grocery items.
Pinayuhan din niya si lola na dapat ay nagpapahinga na ito.
Sagot sa kanya, “Paano ako magpapahainga wala naman ako pagkain?
“Namamasura, ‘tapos ibebenta ko. Iyang kuwarto, binayaran ko pa iyan,” pagtukoy sa maliit niyang tirahan.
Tinanong si Lola Ising kung magkano ang kinikita niya sa pangangalakal.
Aniya, nakakabenta siya ng PHP20 at malaki na ang PHP30. Ang bawat kilo raw ng kalakal ay nagkakahalaga ng apat na piso.
Muli, inireklamo ni Lola Ising ang pagsakit ng kalahating parte ng kanyang katawan.
“Dati kasama ang bote [sa pagbabasura] ngayon hindi na. Masakit na ito,” sabay hawak ng matanda sa kanyang kanang balikat.
Pero malaki ang pasasalamat niya sa biyayang ipinagkaloob sa kanya ni Lyca.
“E, ito ngang ibinigay niyo sa akin, makakapahinga na ako.
“Nagdadasal ako na may tutulong sa akin, bigyan ng mahabang buhay.
“Yung tulong niyo sa akin makakapahinga ako.”

Young singer Lyca bought grocery items for Lola Ising.
Pagbabahagi ni Lyca, alam niya ang pakiramdam ng pangangalakal ng basura dahil ginawa niya rin ito noong bata pa siya.
At bagamat mahirap na ang trabaho para sa edad ni Lola Ising, wala pa siyang balak na tumigil sa pangangalakal.
“Mahilig tayo sa Panginoon. Wag natin pakalimutan.
“Naglalakad ako diyan namamasura… mga altar kinukrusan ko iyan.
“Bigyan ako ng lakas pa ng katawan. Ang mga apo ko maliliit pa.”
Sabi ni Lola Ising, may dalawa siyang anak at ang isa rito ay nakatungkod na rin dahil may karamdaman.
May tatlo raw siyang apo na maliliit pa.
Pahayag naman ni Lyca kay Lola Ising, humingi lamang ito ng tulong kung kailangan niya.
Sagot ng matanda, “Alam niyo ang bahay ko? Ising na namamasura. Yun ang alam nila doon.”
NETIZENS MOVED BY LOLA ISING’S STORY
Samantala, ang video na ito ni Lyca ay mayroon nang halos kalahating milyong page views.
Kapansin-pansin rin sa comments section na marami ang naantig sa kuwento ni Lola Ising.
Isang netizen ang nagbanggit na kilala niya si Lola Ising at napakasipag nito.
Kuwento ng netizen (published as is), “I know Nanay Ising and my family always give her 50 or 20 pesos everytime we see her and to tell you, Nanay never ask for money, hindi sya namamalimos.
“Nangangalakal si nanay and the last time I saw her, she said that her grandson is sick.
“I never thought that she's walking that far.
“Halos nasa 2 km radius yung naiikot ni Nanay everyday and may dala pa siyang kalakal at katirikan ng araw.”
“I remember 1 time that I gave her 50 pesos and sobra syang nagpasalamat that time.
“The Taho vendor is also offering her taho, but she asked for how much, gladly the Taho vendor gave it for free.”
“Thank you Lyca for helping Nanay Ising, I really want to help her but I don't really have much resource.”

Marami ang nagtatanong kung paano sila makakapag-abot ng tulong kay Lola Ising.
Ang iba naman, pinuri si Lyca sa pagtulong kay Lola Ising.
