Wala na sigurong mas prestihiyoso pa sa Olympic medal bilang karangalan sa larangan ng sports.
Tunay namang ang Olympics ang “gold standard” para sa mga atleta.
Pero alam niyo ba na ang 5,000 Olympic medals—gold, silver, at bronze—sa ongoing Tokyo 202O Olympics ay gawa sa recycled cell phones?
Kasama sa paghahanda ng host country na Japan ay ang paglunsad ng “Tokyo 2020 Medal Project" ng Tokyo Organizing Committee of the Olympic and Paralympic Games.
Ang Tokyo 2020 Medal Project ay sinimulan noong April 2017 at natapos noong March 31, 2019.
Sa ilalim ng proyektong ito, kinolekta ng komite ang mga pinaglumaang mobile phones sa iba't ibang bahagi ng Japan.
Mababasa ang impormasyong ito sa mismong website ng Tokyo Olympics.
“This project makes Tokyo 2020 the first in the history of the Olympic and Paralympic Games to involve citizens in the production of medals, and to manufacture the medals using recycled metals."
Kaya ang mga medals na ipinagkakaloob sa mga Olympic winners ay gawa sa recycled materials.
Ayon sa ulat ng Insider, inabot ng 78,985 toneladang electronic devices—o 6.21 million cell phones—ang kinolekta sa buong Japan.
Ang gold, silver, at bronze elements ng mga devices ay nakukuha sa pamamagitan ng tinatawag na "smelting."
Ang smelting ay proseso na pag-init at pagtunaw para makuha ang base metal.
Pahayag ng komite, “We hope that our project to recycle small consumer electronics and our efforts to contribute to an environmentally friendly, sustainable society will become a legacy of the Tokyo 2020 Games.”
Ayon pa sa komite, “Every single medal to be awarded to athletes during the Tokyo 2020 Games is made from recycled metals."
Matatandaang isa sa mga isyung ipinukol sa 2018 Winter Olympics na ginanap sa Pyeongchang, South Korea, ay ang “lack of sustainability.” Halimbawa, ang construction ng Olympic Stadium noon ay inabot ng $100 million (PHP5 bilyon), at giniba ito matapos ang Olympic games.
THE OLYMPIC LOGO DESIGN
Sa site ng Tokyo Olympics ay inilarawan rin kung paano nalikha ang logo ng Olympics ngayong 2020.
Ang disenyo ay pagpapakita na “to achieve glory, athletes have to strive for victory on a daily basis.”
Saad pa sa site, “Their design is intended to symbolise diversity and represent a world where people who compete in sports and work hard are honoured."
Para sa disenyo ng logo, naglunsad ang Tokyo 2020 Committee ng kumpetisyon na nilahukan ng professional designers at design students.
Umabot sa 400 ang mga entries.
Nagbigay ng tatlong elemento ang komite sa medal design: ang Olympic five-ring symbol; si Nike, ang Greek goddess of victory sa harap ng Panathinaikos Stadium; ang official name ng Olympics ngayong taon, ang Tokyo 2020.

