Raketerang 10 years sa college dagsa ngayon ang job offers

by KC Cordero
Aug 27, 2021
Mula sa pagiging kahera sa sabungan, factory worker, OFW, call center agent, online seller, at tutor ay itinawid ni Chryzel Joy Gordula Landicho ang pag-aaral sa kolehiyo kahit pa inabot siya ng 10 years bago naka-graduate. Photo courtesy of Yzel Landicho

Her struggle to finish college was long, 10 years.

Ito ang naranasan ni Chryzel Joy Gordula Landicho, 30, mas kilala bilang Yzel.

Kuwento ni Yzel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), una muna siyang kumuha ng kursong practical nursing.

“Two-year course lang po iyon. Pero inabot ng four years kasi patigil-tigil ako.

“Year 2014 ko po natapos. Noon po ay 23 years old na ako.”

Noong time na iyon ay may inaalagaan rin daw siyang pamangkin na iniwan sa kanya ng isang kapatid.

“Six months pa lang yung baby nang iwan sa akin. Kaya kailangan ko rin talagang kumayod para suportahan siya.”

Na-interview ng PEP.ph si Yzel sa pamamagitan ng Facebook Messenger noong August 25, 2021.

Pagbabahagi niya, para maituloy ang pag-aaral at maitaguyod ang alagang baby ay naging kahera si Yzel ng sabungan, factory worker, at kung anu-ano pang odd jobs na pagkakakitaan.

Natanggap rin siyang babysitter sa Doha, Qatar, at tumagal siya sa pagiging Overseas Filipino Worker sa loob ng dalawa at kalahating taon.

Continue reading below ↓

Aniya, “Mababait po ang mga amo ko. Pero nagpaalam ako sa kanila na mag-aaral ako.

“Hindi ako ma-satisfy na kahit kumikita ako, hindi ako mapalagay. Parang may kulang. Gusto ko po talagang maging teacher.”

NAUBUSAN NG PERA NANG MAG-ARAL, NAPILITANG RUMAKET

At dahil may konting ipon na si Yzel, pagbalik niya sa Pilipinas noong 2016 ay agad siyang nag-enrol sa Laguna State Polytechnic University-Siniloan Campus sa kursong Bachelor of Science in Agricultural Education.

Nagustuhan niya ang nasabing kurso.

Aniya, “Kasi po parang double degree. Kung matatapos ko, puwede akong kumuha ng Licensure Exam for teachers at Licensure Exam for agriculturists.”

Pero pagsapit niya ng third year ay naubos na ang naipon niya sa pag-a-abroad.

Malungkot na sambit ni Yzel, “Nahirapan po ako sa pang-araw-araw na expenses namin ng pamangkin ko.

“Parang nagsu-survive lang ako halimbawa ngayong araw na ito, pero kinabukasan di ko na alam kung saan kukuha ng panggastos. O, kahit pamasahe man lang sa jeep papasok sa school...

Isinalaysay rin niya ang naging hirap sa pagraket nang mga panahong iyon para lang may magastos sa pag-aaral.

“Halos mapudpod ang sapatos ko sa paglibot sa buong campus. Kapag nakabenta na ako ng 100 pesos, okey na, quota na.

Continue reading below ↓

“Yung P60, pamasahe; yung 40, pangkain ng lunch.

“Puwede na ako niyan pumasok sa second subject kasi may sigurado na akong panggastos for that day. Yung susunod na araw, bahala na ulit si Batman.”

Pinakamahirap naman para kay Yzel kapag may biglaang babayaran gaya ng mga kontribusyon para sa projects at activities.

Continue reading below ↓

“My mind is divided on acads and on how I will get the money to spend. Sometimes it feels like it's me against the world. Tipong kailangang-kailangan ko pero wala talaga, wala akong mapagkunan.

“Umiiyak akong mag-isa, lumalaban ako nang tahimik, nang walang nakakaalam except kay God.

“Mahirap, nakakapagod, para akong lumalaban na wala man lang akong dalang bala. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong ipanalo ang laban.”

Gayunpaman, kahit masakit sa kanyang kalooban ay napilitan na naman siyang huminto sa pag-aaral.

Isang teacher niya sa OJT ang nag-offer kay Yzel para magtrabaho sa Japan.

“Sa cattle farm po ang magiging work. Maggagatas ng mga baka. Nakapasa ako sa mga exams at sa interview.”

Sa kasamaang palad ay hindi natuloy ang kanyang magiging trabaho sa naturang bansa.

“Nagkaroon po bigla ng ban sa employment doon. Para po akong na-depress...”

Noong May 2019, isang kaibigan niya ang nagyaya sa kanya na magtrabaho sa Iloilo bilang call center agent.

Continue reading below ↓

“Natanggap po ako,” pagbabahagi ni Yzel. “Kaya lang ay one month lang akong naging call center agent kasi aminado po akong di ako kahusayan.

“Nalipat po ako sa mas mababang posisyon bilang chat support ng isang online shopping company.”

back to school, starts online selling

Six months na si Yzel sa trabaho nang makatanggap siya ng balita na labis na nagpabagabag sa kanya.

“Madi-dissolve na raw po ang aming course! Nag-panic talaga ako. Last batch na raw po kami.

“Naisip ko po kasi, kapag na-dissolve at hindi ako nakasama sa last batch ay mapipilitan akong mag-shift ng course.

"Matatagalan na naman bago ako maka-graduate.

“Hindi ko na rin mabilang kung ilang batch ang nakasabay ko, kung ilang beses akong tumigil at nagpatuloy, at kung ilang beses akong naiwan ng mga ka-batch ko.”

Kaya right there and then ay nag-decide siyang mag-resign sa trabaho at umuwi sa Laguna para mag-enrol.

“Isinugal ko po uli ang konti kong ipon,” kuwento niya.

Continue reading below ↓

At dahil nag-pandemic at home study ang naging set-up ng kanilang klase, medyo nakatipid si Yzel sa pamasahe at iba pang gastusin sa school.

Noon na rin siya nag-start ng kanyang online business at kung anu-ano pang raket.

“Nakatulong po sa akin yung naging experience ko sa pagiging technical support ng online shopping company.

“Alam na alam ko kasi kung paano at saan mag-o-order. Kabisado ko rin ang products na malakas ibenta.

“Lahat itininda ko—ilaw, damit, kumot, face masks, cellphone accessories.

“Nagbenta rin ako ng load.”

Tumanggap din siya ng mga estudyanteng itu-tutor sa kanyang bahay.

“Mga anak ng mga kapitbahay ko ang tinu-tutor ko kapag wala akong klase. Twelve students sila na isa-isa kong tinuturuan.”

Sa ganoon uminog ang kanyang mundo araw-araw. Noong August 18, makalipas ang sampung taon, bagaman at paputul-putol ang kanyang pag-aaral, nakamit na ni Yzel ang pangarap na college diploma.

Continue reading below ↓

MARAMING JOB OFFERS NGAYON

Nang itanong ng PEP.ph sa kanya kung ano ang kanyang career plan, masayang ibinalita ni Yzel na marami siyang job offers.

Na-feature kasi siya sa isang TV news channel, at kung paano siya nagpunyaging makakuha ng college degree.

“May mga kumpanya pong tumatawag sa akin. Gusto nila akong i-hire.”

Kabilang aniya rito ang isang malaking company na supplier ng mga hardware at home decors.

Isang offer umano ang tinanggap niya—pero hindi trabaho.

“May nag-offer po ng libreng review para sa licensure exam. Ito po muna ang i-grab ko. Sayang din po yung ibabayad sa review.”

Paliwanag niya sa kanyang naging desisyon, “Kasi po 30 years old na ako.

“Pag hindi agad ako kumuha ng board exam, baka tumanda na ako masyado, o makalimutan ko nang mag-take.

“E, kaya nga po ako nagsakripisyo, para maging lisensiyado ako dahil maging teacher talaga ang pangarap ko.”

Sa ngayon naman aniya ay nakatatawid pa siya sa mga gastusin sa tulong ng kanyang mga raket.

Continue reading below ↓

Bagaman at tempting ang mga job offers, tututukan muna daw ni Yzel ang pagre-review.

Ang payo niya sa ibang gusto ring makatapos ng kolehiyo pero kagaya niya ang predikamento: “Sabi nga nila, kapag ayaw, maraming dahilan. Pero kapag gusto, maraming paraan.

“Hindi dahilan yung walang pampaaral ang mga magulang upang hindi magpatuloy sa pag aaral.

“Huwag titingnan ang pagsubok na darating dahil mas napapangunahan tayo ng takot. Baka hindi na tayo mag-take ng risk. Mag-set ng goals.

“Yung mga struggles ay dadaanan lang at malalampasan natin kung naka-focus tayo kung ano ang gusto nating ma-achieve sa buhay.”

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Mula sa pagiging kahera sa sabungan, factory worker, OFW, call center agent, online seller, at tutor ay itinawid ni Chryzel Joy Gordula Landicho ang pag-aaral sa kolehiyo kahit pa inabot siya ng 10 years bago naka-graduate. Photo courtesy of Yzel Landicho
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results