Nag-viral ang isang Encantadia-themed cake na bida ngayon sa international baking scene.
Itinanghal na Sculpted Figure Cake Star 2021 ng isang cake organization ang obra ng Pinay pastry chef na si Madelane Lopez Maddagan.

Ang cake ay may kabuuang taas na 15 inches kung saan highlight si Imaw, ang leader ng Adamyan race sa sikat na Kapuso fantaserye.
Featured din sa cake ang apat na Sang’gre na sila Pirena, Amihan, Danaya, at Alena, na may taas na 6 inches kada isa.
Tinalo ni Madelane ang mga kalahok mula Iran, Spain, USA, Netherlands, Portugal, Brazil, India, Cuba, Canada, Belgium at Peru.
Naiuwi niya ang US$500 na premyo o mahigit PHP25,000 at certificate.
Aminado si Madelane na fan siya ng nasabing fantaserye. Kuwento ng Bulacan-based artist sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 20, 2021, “Napili ko yung Encantadia kasi sobrang makulay siya. Saka gusto kong i-represent sa competition yung something na Pinoy na Pinoy talaga.
“Yung category ko kasi is mala-fantasy kaya eto talaga yung naisip ko."

Ibinahagi rin ni Madelane kung paano niya binuo ang konsepto ng cake.
Aniya, “Etong si Imaw, naisip ko siya na parang highlight ng buong cake kasi mabuti yung character niya dun, good influence sa mga nanonood. Nakakatuwa yung concept.
“Napili ko din yung mga Sang’gre kasi mahilig akong gumawa ng mga babae na sugar topper.”

Ang sugar toppers ay edible figures gawa sa marshmallow o gum paste na siyang nilalagyan ng food coloring at hinuhulma ayon sa kailangang hugis.
NAGBUHOS NG PANAHON PARA SA KANYANG WINNING ENTRY
Hindi naging madali ang pagbuo ni Madelane sa kanyang winning entry, lalo pa’t busy rin siya sa kanyang cake business.
Pagbabahagi niya, “Halos eight days bago ko natapos yung buong cake.
“Dahil ginagawa ko ito in between our cake orders kaya matinding time management ang ginawa ko para matapos ito.
“Ang goal ko lang talaga is, isang sang'gre, isang working day. Ayun, isinisingit ko siya kada week, yun ang goal ko—makatapos ako.”
Dagdag pa niya ay isang malaking opportunity ito sa kanya sa gitna ng pandemya. “Blessing na din siya sa amin, kasi hindi na naming kailangan umalis para lang makasali.”
NAKATULONG ANG EXPERIENCE BILANG GRAPHIC ARTIST
Malaki ang pasasalamat ni Madelane na nagkaroon siya ng experiences bilang isang freelance graphic artist bago niya pinasok ang baking at cake decorating.
“Malaking contribution yung mga art-related activities ko before.
“Bilang self-taught ako pagdating sa cake, ang kino-consider ko na training ko ay yung mga art-related experiences simula bata pa ako.
“Nag-try ako mag-painting, crafting, drafting, halo-halo na siya.
“Hindi ko ine-expect na may talent pala ako sa sculpting, ngayon ko lang siya na-discover.”
Tumatawang dagdag pa niya, “Niloloko nga ako ng tatay ko dati kasi hindi ako sanay magsaing.”
HUSBAND-AND-WIFE TANDEM
Katuwang ni Madelane ang kanyang asawa na si Eric, isang engineer, sa kanilang customized cake business na “Ellis Cakes.”
Kilala ang kanilang business dahil sa mga nakakaaliw na customized toppers na kanyang ibinabase sa itsura ng celebrants.
“Yung asawa ko, sakto kasi siya yung mahilig magluto. He’s an engineer by profession. Ako naman, draftsman.
“Pinursue niya yung culinary, sa hot kitchen.
“Since may kasamang pastry and baking yung course niya, naging business partners kami—siya sa baking, ako sa cake decorating.
“Tandem talaga siya, kaya made with pure love siya.”
ACTIVE SA LOCAL AT INTERNATIONAL CAKE COMPETITIONS
Sa kasalukuyan, aktibo si Madelane sa pagsali sa mga local at international cake competitions.
Naririto ang kanyang Celebration Cake entry para sa Cake Fiesta Manila. Ang pinaghugutan niya ng inspirasyon para sa cake ay ang kanyang hometown na Bustos, Bulacan:

Kung mabibigyan ng pagkakataon, ang gusto niyang mabuo na sculpture cake ay iyong “kamukha na talaga ng tao at malaki na siya.”
Marami rin ang naging pagbabago matapos maging trending sa social media ang kanyang Encantadia-themed cake.
Natatawang sabi niya, “Drastic yung naging career change—from no one, naging someone. Ganoon yung naging tingin ng tao.
“Parang artista yung turing nila, nagulat talaga ako!”
Pero seryosong sambit ni Madelane, “Kasi ang sa akin lang naman, gusto ko lang i-share yung talent ko at saka para maipakita na magaling yung Pilipino.
“Dito lang sa Pilipinas, sobrang dami na magagaling na cake artists.”
Bilang pagtatapos, nag-iwan siya ng mensahe sa aspiring bakers na gusto ring magtagumpay sa competitive industry ng pastry at cakes.
Payo niya sa mga ito, “Kung talagang nasa core ninyo, gawin niyo lang yung best niyo.
“Hindi niyo talaga mararamdaman yung pagod kung gusto niyo talaga yung ginagawa niyo.
“I-push niyo lang yung limits niyo, ipakita niyo lang yung passion niyo.
“Yung profit naman will follow, basta ibibigay niyo yung best niyo.”