Cute ang ginawang execution ni Ronald Lapinig, 32, ng kanyang marriage proposal sa kanyang girlfriend na si Maricar Reyes, 29.
Isinagawa niya ito noong October 3, 2021.
Kinasabwat ni Ronald ang mga kamag-anak ni Maricar.
Habang nasa loob sila ng bakuran ng bahay ng girlfriend ay nagkunwari siyang hinimatay.
Convincing naman ang acting ng mga kamag-anak ni Maricar na natarantang binuhat si Ronald, at iniupo sa silya.

Ang walang kamalay-malay na si Maricar ay sumaklolo rin sa kanyang boyfriend at buong pag-aalalang pinaypayan ang nobyo.
Nang “mahimasmasan” si Ronald ay inilabas na nito ang singsing.
Inilabas na rin ng mga kamag-anak ang iba pang props, gaya ng bulaklak at "will you marry me?" banner.
Noon na-realize ng umiiyak na dalaga na palabas lang ang lahat at bahagi ng proposal sa kanya ng boyfriend.
Bahagya pang nagtampo si Maricar na sobrang na-tense dahil ang akala ay masama talaga ang pakiramdam ni Ronald.
Magwo-walkout sana siya pero pinigilan siya ng mga kamag-anak.
Sa huli, tinanggap niya ang proposal at nauwi na sa kilig ang mga sumunod na eksena.
Ang proposal video ay ini-upload ng isang netizen na nagngangalang Missy Reyes noong October 20, 2021.
FOUR YEARS NANG MAGKASINTAHAN
Nakapanayam si Maricar ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 26, 2021.
Kuwento niya, pareho sila ni Ronald na taga-Malolos, Bulacan.
“Production aide po siya sa isang gawaan ng cosmetics. Ako naman po ay sa bahay lang. May sari-sari store po kami, nagtitinda ako.”
Nagkakilala sila nang maging magkatrabaho sa isang factory.
“Dati po kaming magkatrabaho sa factory, pero di pa po kami close. Then naging magkatrabaho po ulit sa other factory.”

Nag-play cupid aniya ang ilang nilang kaibigan sa trabaho, at pinag-match sila.
“Doon na po kami naging close, dahil lang din po sa ibang close friends namin.”
Aniya ay four years na ang kanilang pagmamahalan, at talagang nasa road to forever na.
“Nag-start po namin na pag-usapan ang wedding noong 2019 pa lang po.”
AKALA AY TOTOONG HINIMATAY ANG BF
Ano naman ang reaction ni Maricar sa estilo ng pagpo-propose ni Ronald?
Natatawang bulalas niya, “Hindi ko po alam na may ganoong proposal na gagawin!"
Aminado naman siyang lately ay madalas na nilang napag-uusapan ang pagpapakasal.
"Wala akong idea... never ko pong naisip na may surprise proposal siya, kasi hindi naman siya mahilig mang-surprise sa akin.”

At dahil akala niya ay totoong hinimatay si Ronald, “Natakot po talaga ako!” aniya.
“Kinabahan po talaga ako noong time na iyon dahil dumadaing siya na masakit ang ulo niya bago pa kami makauwi sa bahay.
“Sobrang nanginig po talaga ako. May trauma kasi ako sa mga ganyang pangyayari.
“’Tapos po nun, akala ko dumadausdos lang siya sa upuan kaya pilit kong pinatatayo habang pinapaypayan ko siya.”
Nagulat na lang umano siya nang marinig niya ang tawanan at palakpakan.
Nalaman niya na kasama na pala sa plano ni Ronald ang pagkukunwaring hindi okey ang pakiramdam nito.
Wala pa rin siyang kamalay-malay na papunta na iyon sa proposal.
“Akala ko po pinagti-trip-an lang nila ako.
“Hinampas ko siya ng pamaypay, hindi ko nakita na may hawak siyang singsing.”
Tumakbo na si Maricar palayo dahil sa takot at inis.
“Hindi ko rin po agad napansin yung banner.
“Late ko na na-realize na yun na pala ang proposal nung hinila ako ng isang tito ko at itinuro ang banner.”
Nang mga sandaling iyon, naghalu-halo na aniya ang kanyang emosyon.
“Pero nangibabaw na po noon ang saya ko kaysa sa takot, kaya napaiyak na po ako.”
Nang hagkan siya ni Ronald, tuluyan nang naselyuhan ang pagtanggap niya sa proposal nito.
At ang kanilang altar date: January 20, 2022.