Kontesera sa mga school at small-time beauty pageants noon si Gean Calatan, pero ngayon ay isa na siyang “lalaki.”
Ipinanganak na babae si Gean, pero habang lumalaki ay napagtanto niyang bahagi siya ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer (LGBTQ) community.
Nag-transition na si Gean bilang transgender man o trans man.
Sa kanyang TikTok account, dino-document ni Gean ang kanyang transition mula nang gumamit siya ng testosterone o male hormones.
Makikita ang progress niya na unti-unti nagmumukhang lalaki, nagkakabalbas at bigote, at lumaki ang boses.
Ang TikTok video niya na nagpakita ng kanyang progress ay humatak ng higit six million views.
Sa kuwento niya sa ulat ng Dapat Alam Mo! ng GMA News and Public Affairs, October 19, 2021, inamin ni Gean na suki siya noon ng pageants sa school at nakukuhang muse sa intramurals.
Paglalahad niya, “Nag-start po iyan elementary pa lang po ako, sa intrams…hanggang sa tumuntong po ako ng high school.
"Hanggang sa muse ng basketball, Mutya ng Bayan… na-try ko din po iyan talaga.”
Bagamat hindi naman talaga niya hilig, napilitan daw siya dahil sa paghimok ng kanyang nanay, “Kaya lang po ako pumapayag sa ganoon, si Mama po, kasi gusto niya.”
Pero sa murang edad pa lang daw ni Gean ay alam nitong iba ang gusto niya.
Aniya, “Nung elementary pa lang po kasi ako, feeling ko attracted na ako sa babae.
“Parang nagkakaroon po ako ng crush [sa] babae. Basta po nararamdaman ko lang parang iba yung feeling ko pagdating sa babae.”
TRANSITION TO TRANS MAN
Pagdating ng 2020, sinimulan na raw ni Gean ang kanyang transition. Nagsimula siyang mag-take ng testosterone.
“Naka-meet ako ng trans man din. Yun po talaga yung pinakamalaking naging step ko.
“Nag-start po akong magturok noong July 30, 2020.
“Siguro mga first week ko po, talagang ang pinakanararamdaman ko lang, yung sa boses…
“Parang pumipiyok na ako. Sumunod pong magbago yung parang pagtubo po ng body hair po.
“Parang sumusobra na po yung kapal niya. Yung lapad po ng katawan, lumapad po talaga siya.
“Sa breast naman po, nagre-reduce. Yung dati niyang size, parang paurong po yung size niya.”
Hindi ipinaliwanag ni Gean sa report ng Dapat Alam Mo! kung sumangguni siya sa doktor nang mag-take siya ng testosterone.
Pero bahagi sa report ang interview sa isang medical expert na nagbabala na maselan ang pagti-take ng testosterone.
Sinabi nitong ang hindi pagsangguni sa eksperto ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan, kagaya ng infection kung mali ang injection.

Gaya ng ibang members ng LGBTQIA community, hindi nakaligtas si Gean sa diskriminasyon at panlalait sa social media.
“Mga pamba-bash, like, ‘A, may ano pa rin iyan,’ ‘Ah, hindi, babae ka pa rin,’ ‘Ganito ka pa rin.’ Hindi na po ako pumapatol.”
Sa mga kagaya ni Gean na nagnanais mag-transition, mayroon siyang paalaala.
Aniya: “Dapat unang-una po sa lahat, alam mo kung saan ka kabilang.
“Ang testosterone, ang transition po kasi, hindi siya damit na pagka ayaw mo na, naisip mo na, ‘Ay, di pala. Parang mas gusto ko pala lalaki,’ huhubarin mo na.
“Dapat kilala mo kung sino ka. Tanggap mo kung sino ka.”
Samantala, sinabi ni Gean na masaya siya sa ginawa niyang transition.
“Hindi ko po akalain na maabot ko siya. Di ko po akalain na isang araw andito na ako.
"Eto na ako. Dito na ako sa katawan na gusto ko.”
