Dala-dala ng overseas Filipino worker na si Lino Gutierrez Mandigma, 52, ang hilig sa pagtatanim kahit sa ibang bansa.
Tubong Mulana, Quezon si Lino, at noon pa man ay pangarap na niyang magkaroon ng farm.
Nagkataon namang naging isang domestic helper siya sa Parma, Italy, noon pang 1999.
TANIM NA PETSAY SA PASO, LUMAGO
Para mairaos ang kanyang hilig sa paghahalaman, sinimulan niyang magtanim sa bakanteng lote ng kanyang tinitirahan doon.
Bukod dito, nagrenta rin siya ng karagdagang 150 square meters lot mula sa pamahalaan ng Italy para mas malawak ang kanyang taniman.
At ang kanyang mga tanim—mga gulay na kilala sa Pilipinas na halos lahat ay kasama sa kantang “Bahay Kubo.”
Tinawag niya ang kanyang taniman na “Orto Di Lino,” na ang ibig sabihin ay Lino’s Garden.
Mahilig din siyang mag-vlog at inia-upload niya sa kanyang YouTube channel ang mga development sa kanyang garden.
Noong November 14, 2021, ipinakita niya ang isang paraan ng pagtatanim niya ng petsay sa paso.
Aniya, “Napakagaganda at napakalalaki ng ating petsay kahit sa paso lang natin ito itinanim. Kaya pag may itinanim, mayroon tayong aanihin."
Nagtatanim pa sa paso si Lino bilang ang isang tenant sa Italy ay pinapayagan lang na makapagrenta ng 50 square meters.
Nakapagrenta naman siya ng additional 150 square meters dahil ang mga vegetable plots ay nakapangalan sa kanya, sa isa niyang anak, at sa kanyang misis.
Taun-taon ang renewal ng kontrata. Kada 50 square meters ay binabayaran niya ng rentang 30 euros, o PHP1,700 kada taon.
Dahil iba ang klima sa Italy, planado ni Lino ang gagawin sa kanyang garden lalo na kung papalapit na ang winter.
Batay sa kanyang karanasan sa pagtatanim sa Italy, mahalagang ihanda na agad ang lupa, mahukay, at malagyan ng pataba bago sumapit ang malamig na panahon.
Sa isa pa niyang vlog noong November 12 ay ipinakita niya kung paano linisin ang taniman ng ampalaya na katatapos lang mamunga at anihin.
Aniya, “Kaya sinasamantala pag maganda ang panahon. Medyo makaka-relax na tayo pag dumating na ang winter na paminsan-minsan na lang tayo makakapunta sa ating garden.
“Mas konti na lang ang ating trabaho pagdating ng ating taniman.”
Mabenta umano sa kanyang area ang ampalaya, bawang, at sibuyas.
MADALING MAGTANIM NG GULAY SA ITALY
Ibinibenta ni Lino ang kanyang mga ani mula sa kanyang gulayan sa mga kapwa niya Pilipino sa Italy para may additional income siya.
Ang ampalaya at kangkong ay nasa five euros (PHP290) ang isang kilo.
Nasa two to three euros naman (PHP100-PHP170) ang isang piraso ng upo.
Noong summer ng 2020, kumita si Lino ng kabuuang 2200 euros (PHP128,000) mula sa kanyang mga pananim.
Pagbabahagi ni Lino, mas madali ang magtanim ng gulay sa Italy dahil halos kapareho ng ating klima ang kanilang summer.
Mas sagana nga lang doon sa tubig kaya hindi niya problema ang pagdidilig.
Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi rin masyadong lumalaki at namumunga ang kanyang tanim na gulay.
Ang dahilan aniya, sobrang siksikan ang mga gulay sa plot dahil maliit lang ang kanyang taniman.
Sa isa niyang vlog ay ipinakita niya ang tanim na singkamas na hindi lumaki.
Paliwanag ni Lino, “Hindi tayo nakapagpalaki ngayon ng singkamas. First time nating sumubok.
“Siguro next year makakapagpalaki na tayo. Late ko na rin kasing naitanim.”
Minsan naman ay hindi compatible sa iba pang crops na kasama nitong nakatanim sa area.
Dahil dito ay gumagamit siya ng ibang agricultural system.
Nagtatanim siya ng carrots, lemongrass, at luya sa mga containers.
PAGTATANIM PANLABAN SA HOMESICKNESS
Ibinahagi ni Lino na mula June hanggang August ang pinakamagandang panahon ng pagtatanim doon.
Sa vlog niya noong November 7, ipinakita niya ang final harvest ng mga natitirang bunga ng kanyang mga tanim na gulay.
“Ang last na nating nakuha ay mga bunga ng kalabasa, upo, talong, sili at ampalaya.”
Kumpara sa singkamas, tagumpay naman ang unang subok niya ng pagtatanim ng petsay.
Aniya, “Ngayong malamig na ang panahon ay mas maganda ang resulta dahil nga wala ng mga insekto na naninira.
“Naglagay din ako ng mga tuyong dahon sa tinaniman ng bawang na magsisilbing natural na fertilizer.”
Sa bawat aktibidad ni Lino sa kanyang garden ay halata ang kanyang sigla at tuwa sa ginagawa.
Masasabing dahil sa kanyang naging hobby, bukod sa dagdag na income ay nalalabanan rin niya ang homesickness.