Nagtulung-tulong ang cabin crew ng isang eroplano nang manganak ang isang passenger habang nasa ere pauwi sa Pilipinas kamakailan.
Sakay ng flight PR685 ng Philippine Airlines (PAL) si Teresa May Buiza, ang inang nagsilang ng isang bouncing baby girl ilang oras bago lumapag ang sinasakyang eroplano sa Maynila mula Doha, Qatar.
Bukod pa rito, tumulong din ang mga pasaherong doktor. Nagpa-breastfeed pa sa bagong silang na sanggol ang isang flight attendant, na nagkataong isang nursing mom.
Ang kuwento ay isinalasaysay ni Cielo Villaluna, kilalang broadcast journalist dati at ngayon ay head ng PAL External Communication Group.
Ayon sa kanyang salaysay sa Facebook nitong November 20, 2021, nagtulong-tulong ang seven-member cabin crew sa pagde-deliver ng buntis na passenger.
Nagkataong dalawa sa kanila ay registered nurses: ang flight attendant (FA) na si Merian Buan Ventura at si flight steward (FS) Philip King Aguilar.
Ang iba pang crew members ay sina Ruby del Rosario (crew head) Marc Anthony Cue, Clinton Ros, Ann Claire Reboron, at Scarlett Mercado.
Ang sanggol ay isinilang dakong ika-7:20 ng umaga, dalawa at kalahating oras bago lumapag ang eroplano sa Maynila.
Anim at kalahating oras naman silang nasa himpapawid nang lumabas ang sanggol, na pinangalanang Scarlett Ann.
Kinuha ng ina ang pangalan ng kanyang baby mula sa pinagsamang pangalan ng dalawang flight attendants na tumulong sa kanya.
Mula sa pag-secure sa cabin floor, kung saan inihiga ang ina para manganak, hanggang sa pagpapaanak at pagbabalot sa sanggol, nagtulung-tulong ang crew.
Matapos manganak, dalawang medical doctors na sakay sa eroplano ang bumisita sa area kung saan naroon ang mag-ina.
Masayang pagbabahagi ni Cielo sa kanyang FB post, “FA Ann - with the blessing of the pedia - breastfed the baby since she is a nursing mother.
"Two mothers on board donated infant's clothing.
“Congratulations to mother and child! Cheers to the bayanihan spirit and the kindness of everyone on PR685.
“A330 Capt. Rainiel Viola led the flight with 320 passengers on board," dagdag ng PAL Communication officer sa kanyang post.
Patunay rin daw ito, ani Cielo, ng pagiging professional ng kanilang staff sa mga ganitong "onboard situations."
