Isang babaeng kamukhang-kamukha ni Vilma Santos ang nasa isang lumang family album.
Ang 200-page photo album ay natagpuan ni Lia Consuelo San Mateo sa kanilang ancestral house sa Parañaque City.
May laman itong halos 400 lumang larawan na kuha mula 1920s hanggang 1950s.


Kuwento ni Lia, “Ang album po, DIY [do-it-yourself] po na ginawa ng great-grandfather ko kasi may tali po sa gilid.”
Ang kanyang great-grandfather na si Jose Romero ay ipinanganak noong 1908.
“Nakita po ito ng yaya ko habang naglilinis sila ng kuwarto.”
Laking gulat ni Lia nang makita na may isang lumang larawan na kamukhang-kamukha ng actress-politician at tinaguriang Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Aniya, “Super kamukhang-kamukha po niya yung nasa photo album.”
Ikinumpara rin niya ang nakitang picture sa mga larawan ni Ate Vi noong 1970’s.
“Super kamukhang-kamukha niya yung nasa photo album. Similar yung facial features nila, yung smile.”
Nakaugnayan si Lia ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong December 3, 2021 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
WALANG NAKAKAKILALA SA BABAE SA PHOTO
Matagal nang pumanaw ang Lolo Jose ni Lia na makapagbibigay-linaw sana sa lumang picture.
Para malaman kung sino ang babae sa album na hawig ni Ate Vi ay nagtanong siya sa inang si Mommy Judy—na isang Vilmanian.
Pero duda rin si Mommy Judy kung si Ate Vi nga ang babae sa picture.
Ani Mommy Judy, “Paano naman siya mapapasama, e, family picture ang nasa album? Saka kita naman kung gaano kaluma itong album, paano mapupunta si Vilma rito?”
Hindi rin daw nila ito kamag-anak dahil wala naman silang kilalang kapamilya na kamukha ng aktres.
Pagtitiyak ni Lia sa PEP.ph, “Imposible pong si Miss Vilma iyon kasi po family album siya. Sa family po namin wala namang kahawig ni Miss Vi."
Naisip nilang baka kilala ito ng kanilang Lolo Eli na 85 years old na ngayon.
Ito kasi ang kasama ng babaeng kahawig ni Ate Vi sa photo.
Yun nga lang, medyo makakalimutin na si Lolo Eli.
IPINA-VET KAY ATE VI MISMO ANG PHOTO
Para malinawan kung sino ang babae sa photo, ipinakausap ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho si Lolo Eli kay Ate Vi mismo.
Nagkaroon ng virtual meetup ang pamilya nina Lia at ang Star For All Seasons.

Nang ipakita na kay Ate Vi ang picture, bulalas niya, “Oh, My God! Nangingilabot naman ako!”
At pagtitiyak niya, “Oh, my God! Ako po iyan, Lolo Eli! Ako po iyan!”
Paglilinaw ng aktres, kuha ang larawan noong 1970’s.
Para ring himala, bigla siyang naalala ni Lolo Eli.
Ayon kay Lolo Eli, “Sa airport ako dati [nagtatrabaho]. Sa arrival. Nagkita tayo doon.”
Pinatotohanan naman iyon ni Ate Vi.
Aniya, “Opo, nagpa-picture po tayo. Matagal na matagal na.”
ANG KUWENTO SA LIKOD NG LUMANG LITRATO
Pagbabahagi ni Lolo Eli, “Ang nangyari riyan, e, nagpasyal siya [Ate Vi] sa airport. Inabutan niya kami roon dahil kami naman ay doon nakadestino sa airport, e.”

Nagpa-develop (print) pala si Lolo Eli ng maraming kopya ng picture nila ni Ate Vi. Ang iba ay ibinigay sa kanilang mga kamag-anak.
Ang ibang kopya ay naidikit naman sa lumang photo album dahil nabigyan din ang great grandfather ni Lia na si Lolo Jose.

Sobrang curious ni Ate Vi kaya naitanong niya sa mag-anak nina Lolo Eli, “Paano po ninyo naitago yung album?”
Ani Lia, “Nahanap lang po namin sa cabinet sa bahay po. 'Tapos nagtaka kami bakit po may picture na kamukha niyo po.”
Natatawang sagot naman ni Ate Vi, “Ako iyan! Ako iyan!”
Pagbabalik-tanaw pa ng aktres, “Siguro mga 15 or 16 [years old] ako diyan.”
Ipinakita rin ni Lia kay Ate Vi ang photo na solo shot ng aktres.
Tiniyak niyang muli na siya nga ang nasa larawan. “Kasi kung hindi ako nagkakamali, papunta akong Hong Kong.
“Iyan ang suot ko, naka-jump suit ako. First time akong magta-travel. At iyan, palagay ko, nakita niya [Lolo Eli] ako sa airport.
“Palagay ko si Edgar Mortiz kasama ko niyan. First travel namin sa Hong Kong. Ay, nangingilabot naman ako!”
ATE VI NATUWA SA PAGPAPAHALAGA SA KANYANG LARAWAN
Hindi makapaniwala si Ate Vi na naingatan ng pamilya ni Lia ang kanyang mga larawan.
“Kailan pa iyan, 15 years old... For so many years nariyan pa rin si Lolo Eli, naiiyak naman ako. Nakatago pa rin yung picture ko na nandidiyan, and for so many years, eto pa rin at ipinapakita sa akin.
“Ibig sabihin itinago talaga. Importante dahil nakatago sa album.
“Kaya iyan po ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon.”

Labis din ang naging pasasalamat niya sa pamilya ni Lia, lalo na kay Lolo Eli.
“Sa kanyang pamilya na na-appreciate din ako at naisip ako hanggang ngayon, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.
“To all of you, I love you and thank you very much!”
Sambit pa ni Ate Vi, kung puwede lang niyang yakapin si Lolo Eli ay ginawa na niya.
“Virtual hug po. I love you, si Ate Vi po [ito].”
Biniro naman si Lolo Eli ng mga kapamilya na hindi makapagsalita. Later on ay binigkas nito ang, “I love you...”
Nagpasalamat din sa aktres ang buong pamilya nina Lia—na tatlong henerasyon na pala ng mga Vilmanians.
Ayon naman kay Lolo Eli, “Kagulat-gulat kasi matagal na panahong lumipas na nagkausap uli kaming ganito.”
Ikinatuwa rin niya na dahil sa pagkikita nilang muli ni Ate Vi, biglang nagbalik ang kanyang alaala. “Naging maliwanag sa akin yung panahon na nandoon ako, nandoon din siya.”
Ang higit na natuwa sa pangyayari ay si Lia.
Aniya sa kanyang Facebook post noong November 14, “The discovery of our family album was merely serendipitous, but I'm glad it happened. Flipping through pages, recognizing familiar faces, we get the chance to time travel with our ancestors.”
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.