Maaga ang Pasko para sa babaeng netizen na si AL Aquino Oliva nang ilibre siya at iba pang customers ng isang di-kilalang lalaki sa isang fast-food resto sa Davao City.
Animo’y Santa Claus in disguise ang mamang nakasuot ng punit-punit na pulang T-shirt.
Ibinahagi ni AL ang kanyang kuwento sa Facebook noong December 13, 2021, Lunes (published as is), “So ayon while umoorder ako sa Jollibee Puan itong c tatay naka pula tinanong ako ano raw order ko kasi sya na raw magbabayad…
“… sbi ko wag na po tay ako na po, he insisted pero kako wag na,
“… so ayon sabi nya cge bday ko pa naman ngaun sabay alis,”
Akala raw ni AL ay tuluyan nang umalis ang lalaki.
“Then nung magbabayad nako bglang lumapit c tatay sabay bayad sa cashier,
“… at ako naman napa thank you nlng kay tatay.
“Hindi lang ako ang nilibre pati yng mga kasabayan kong pumila at umorder nilibre din nya.
“Happy bday tatay salamat po and God bless you .”
Positive ang hashtags ni AL: #joyfulgiver, #generousheart, #GodblessU, at #gooddeeds.
Obvious na natuwa siya sa panlilibre ng lalaki.
THE MAN IN RED T-SHIRT
Inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay AL ang katauhan ng lalaking nanlibre.
Hindi raw nagduda ang 37-year-old housewife na may lumapit sa kanyang estranghero na nais siyang ilibre. Bagkus, namangha siya.
“I was amazed at first po kasi when he was ordering po, two buckets Chickenjoy and spaghetti…
“And looking at his appearance na punit-punit ang damit, mapapaisip ka talaga.
“But mas lalo po ako na-amaze nung nilibre niya po ako, and the rest na mga pumila doon sa Jollibee.”
Ilan ang nilibre nito?
“I guess po seven po kami lahat nilibre. Pero di ko talaga sure kasi di ko nabilang po. Just a guess.
“Hindi ko po natanong kung anong name ni Tatay.”
Diin pa ni AL, “And gusto niyang mag-treat kasi po birthday niya nung araw na yun.”
Nagbigay daw ng positive vibes sa kanya ang kabutihan ng lalaki ng araw na yon.
Sabi niya, “Napaisip po ako, that day was my lucky day."
Bago raw kasi siya pumunta sa fast-food resto ay nagtalo sila ng kanyang asawa.
“Kasi that day po, super stressed po ako nun and nag-argue pa kami ng husband ko.
“Then yun ang nangyari, di ko akalain na may blessing pala sa harap... a blessing in disguise.”
At press time, ang post ni AL ay may 86,000 reactions, 24,000 shares, at 3,600 comments.
Ano ang pakiramdam ni AL na ang kanyang simpleng post tungkol sa kabutihan ng isang stranger ay nag-viral?
“Suprised kasi I did not expect na magva-viral ang post ko.
“And happy kasi maraming interested sa post ko about kay Tatay,” sabi ni AL.
“I hope makita ko siya ulit, and this time, tatanong ko na anong name niya and to know more about him, hopefully.”
Use these Lalamove promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
