Hindi araw-araw ay makakakita ka ng kalabaw na mag-isang pupulitin at isusuot ang pamatok nito mula sa lupa.
Kaya naman mabilis na nag-viral ang short video clip na ito sa social media.
As of this writing, umabot na sa four million views at 141 shares ang 23-second video na ipinost ng isang netizen sa Facebook noong January 14, 2022.
Sunud-sunod ang pag-reshare sa social media ng video clip dahil sa pagkamangha at pagkatuwa.
Mapapanood rito ang isang karetelang naglalaman ng mga sako, buko, at niyog.
Mula sa gilid, biglang lumapit ang isang kalabaw.
Gamit ang ilong nito, itinaas ng kalabaw ang pamatok na nasa damuhan.
Tumingala ang hayop para dumausdos ang pamatok sa ulo at maipuwesto ito sa batok ng hayop.
Dinig sa video ang pagkamangha ng mga nakasaksi.
THE STORY OF THE AMAZING CARABAO
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang uploader ng video na si Yhrond Galve Dullano via direct messaging, noong January 19.
Si Yhrond ay isang non-uniformed personnel ng Philippine National Police, at nakatira sa Tulunan, North Cotabato.
Ipinadala niya ang screenshot ng kanyang phone para ipakitang kinunan niya ang video noon pang December 30, 2021.
“Nagbakasyon po kami ng misis ko po last December 27-30, 2021 sa mother side ko po,” bungad niya sa panayam ng writer na ito.
Ang lugar na kanilang pinagbakasyunan ay ang Bgy. Bai Saripinang sa Bagumbayan, Sultan Kudarat sa Mindanao.
“December 30 ng umaga, pumunta po kami ng bukid para magkuha ng buko, para gamitin sa New Year's celebration po,” kuwento ni Yhrond.
Nauna na raw sa bukid ang kanyang Tiyo Joel, na siyang caretaker ng kalabaw.
Noong uuwi na sila matapos makakuha ng buko, binanggit ni Tiyo Joel na naturuan niya ang kalabaw na magsuot ng pamatok.
Sabi ni Yhrond, “Trained daw po ni Tiyo Joel. Yun po, binidyohan ko po. Nakaka-amaze iyong talino ng kalabaw!”

Usisa namin, ano ang pangalan ng kalabaw?
“Dati po, wala. Pero after po nag-viral binigyan nila ng name po ‘Amaze,’ base daw po sa mga nag-comment na AMAZING CARABAO daw po siya.”
Anim na taong gulang si Amaze, na isang babaeng kalabaw.

Amaze, the carabao and her caretaker Tiyo Joel
Ang nagmamay-ari ng kalabaw ay ang nakatatandang kapatid ni Tiyo Joel.
Sabi pa ni Yhrond, inabot ng dalawang linggo bago pa niya ipinost ang video dahil hindi naman niya naisip na pagkakaguluhan ito ng netizens.
